Huwebes, Pebrero 21, 2019

ANG PINAKAMASAKIT NA KATOTOHANAN

6 Marso 2019 
Miyerkules ng Abo 
Joel 2, 12-18/Salmo 50/2 Corinto 5, 20-6, 2/Mateo 6, 1-6. 16-18 


Sa rito ng pagpapahid ng abo, isa sa dalawang ito ang sasabihin ng pari sa mga mananampalataya habang nilalagyan ng abo ang kanilang mga noo: "Magbagong buhay ka at sa Mabuting Balita sumampalataya," o kaya "Alalahanin mong abo ang iyong pinanggalingan at abo rin sa wakas ang iyong babalikan." Ang unang opsyon ay hango sa unang pangaral ng Panginoong Hesus sa simula ng Kanyang ministeryo (Marcos 1, 15; Mateo 4, 17). Ang pangalawang opsyon naman ay hango sa pahayag ng Diyos kina Adan at Eba noong sinuway nila ang Kanyang utos (Genesis 3, 19). Sa pamamagitan ng paggamit sa mga salitang ito sa rito ng pagpapahid ng abo, ang bawat mananampalataya ay pinapaalalang maikli lamang ang buhay sa lupa. 

Magkakaugnay ang dalawang talatang sinasabi ng pari habang pinapahiran ng abo ang noo ng bawat mananampalataya. Isang bagay lang naman ang nais ipaalala ng dalawang talatang ito na sinasabi ng pari - mamamatay ang bawat tao. Darating ang panahon kung kailan mamamatay ang bawat isa. Walang imortal dito sa lupa. Ang lahat ng tao'y mamamatay. Masakit man sabihin ito, iyan ang katotohanan tungkol sa buhay dito sa daigdig. Pansamantala lamang ang buhay dito sa lupa. Wala na tayong magagawa kundi tanggapin at laging tandaan. "Memento mori," ika nga nila. Ibig sabihin noon, mamamatay ka rin balang araw. 

Kaya naman, ang panawagan ng Simbahan sa lahat sa unang araw ng panahong tinatawag na Kuwaresma, magbalik-loob sa Diyos. Ang panahon ng Kuwaresma ay inilaan para sa pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos. Ang bawat isa'y inaanyayahan at tinatawag na tumalikod sa kasalanan. Pumanig sa Panginoon habang mayroon pang panahon. Ang bawat isa'y binibigyan ng pagkakataong makapagbalik-loob sa Diyos. Ang pagkakataong ito ay hindi dapat sayangin at balewalain sapagkat ang buhay dito sa lupa ay pansamantala lamang. 

Ang paalalang ito ng Simbahan ay pinagtuunan ng pansin ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Ang kanyang mga sinabi ukol sa pakikipagkasundo sa Diyos at kung kailan ang takdang panahon ay sinasalamin ng panawagan ng Simbahan sa simula ng panahon ng Kuwaresma. Ipinakusapan ni Apostol San Pablo ang lahat ng mga Kristiyano sa Corinto at sa iba pang mga bayan at lungsod na magbalik-loob sa Diyos. At inihayag ni Apostol San Pablo sa huling bahagi ng Ikalawang Pagbasa, "Ngayon na ang panahong nararapat! Ngayon ang araw ng pagliligtas!" (2 Corinto 2, 7) May ugnayan ang pahayag na ito sa huling bahagi ng Ikalawang Pagbasa sa kanyang pakiusap sa unang bahagi nito. Itinuro ni Apostol San Pablo sa pahayag na ito na hindi dapat ipabukas ang ating pagbabalik-loob sa Diyos. Ngayon na ang tamang panahon upang magbalik-loob sa Diyos. Walang sinuman ang nakakabatid kung kailan magawawakas ang kanyang buhay dito sa daigdig. Habang may hininga pa tayo, pagsisihan natin ang ating mga kasalanan at magbalik-loob sa Panginoon upang tayong lahat ay iligtas mula sa walang hanggang kaparusahan sa impiyerno. 

Sa Ebanghelyo, si Hesus ay nagsalita laban sa kapaimbabawan. Para kay Hesus, ang kapaimbabawan ay hindi kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Hindi kinalulugdan ng Diyos ang mga nagpapanggap lamang. Bagkus, ang kinalulugdan ng Panginoon ay ang katapatan at kataimtiman. Kinalulugdan ng Panginoon ang tunay, tapat, at totoo. Ang ating pananalangin, pagsamba, at pamamanata sa Diyos ay dapat maging bukal sa ating kalooban. Iyan din ang panawagan ng Panginoong Diyos na inilahad ni propeta Joel sa Unang Pagbasa. Maging mataimtim, tapat, at totoo sa pagbabalik-loob sa Kanya. 

Ang pinakamasakit na katotohanan tungkol sa buhay dito sa lupa ay ipinaalala sa bawat isa sa atin sa simula ng Kuwaresma. Hindi tayo mga imortal, pansamantala lamang ang buhay dito sa lupa, mamamatay tayong lahat. Habang mayroon pa tayong hininga sa ating paglalakbay sa daigdig na ito, samantalahin natin ang pagkakataong ibinigay sa atin na makapagsisi't makapagbalik-loob sa Diyos. Nawa'y maging matapat sa ating pagbabalik-loob sa Diyos. Hinahanap ng Diyos ang katapatan sa ating pagbabalik-loob sa Kanya. Kapag nakita Niyang tayo'y matapat sa ating pagbabalik-loob sa Kanya, tayo'y Kanyang kalulugdan. At ang Kanyang habag ay ipapakita't ipadadama Niya sa ating lahat. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento