Martes, Pebrero 19, 2019

LAMAN NG PUSO

3 Marso 2019 
Ikawalong Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Sirak 27, 5-8 (gr. 4-7)/Salmo 91/1 Corinto 15, 54-58/Lucas 6, 39-45 

Courtesy: ABS-CBN News

Parehas lang ang puntong nais pagtuunan ng pansin sa dulo ng Unang Pagbasa at sa ikatlo't huling bahagi ng pangangaral ng Panginoong Hesus sa Ebanghelyo. Sa mga talatang nabanggit, pinagtuunan ng pansin ang ugnayan ng mga salitang lumalabas sa bibig ng isang tao sa nilalaman ng kanyang puso't isipan. Ang mga katagang namumutawi mula sa mga labi ng bawat tao ay sumasalamin sa tunay na nilalaman ng kani-kanilang mga puso. 

Marami ang posibleng maging laman ng puso ng bawat tao. Maaaring maging isang sinisinta, kayamanan, tagumpay, at marami pang iba. Anuman ang nilalaman ng puso ng bawat isa, hindi maipagkakailang malakas ang impluwensiya nito sa kanilang buhay. Bukod sa pagbibigay ng inspirasyon, iniimpluwnsiyahan ng mga ito ang kanilang mga desisyon. Ang bawat isa'y naiimpluwensiyahan ng (mga) nilalaman ng kanilang mga puso na gumawa ng maraming bagay, lalung-lalo na ang mga hindi pa nila nagagawa. 

Ang problema dito, may mga pagkakataon kung saan gumagawa ng kamalian ang bawat isa dahil sa mga nilalaman ng kanilang mga puso. May mga pagkakataong gumagawa ng kamalian at kasamaan ang bawat tao dahil sa lakas ng impluwensiya ng mga nilalaman ng kanilang mga puso. Katunayan, ginagawa nilang sentro ng kanilang buhay ang mga bagay na ito. 

Sa Ikalawang Pagbasa, si Apostol San Pablo ay nagsalita tungkol sa pagkalupig ng kamatayan. Nagsalita siya tungkol sa Panginoong Hesukristo, ang nagtagumpay laban sa kamatayan. Dahil sa tagumpay ng Panginoong Hesukristo, ang kamandag ng kamatayan ay tuluyang nawala at napawi. Si Apostol San Pablo, na dating taga-usig ng mga unang Kristiyano sa Israel, ay nagsalita ngayon tungkol kay Kristo. Ipinangaral niya sa bawat lugar na kanyang napuntahan ang Mabuting Balita tungkol kay Kristo. Kahit batid niya malalagay sa panganib ang kanyang buhay, hindi siya tumigil sa pagsasalita at pangangaral tungkol kay Kristo hanggang sa sandali ng kanyang kamatayan. Sa pamamagitan ng pagpapatotoo tungkol kay Kristo, pinatunayan ni Apostol San Pablo na si Kristo ang nilalaman ng kanyang puso't isipan. Pinatunayan niyang kay Kristo naka-sentro ang kanyang buhay. 

Kung hahayaan natin si Hesus na maging laman ng ating mga puso, kung hahayaan natin Siyang maghari sa ating buhay, hindi tayo mauudyok na gumawa ng kamalian at kasamaan. Bagkus, ang landas ng kabutihan at kabanalan ay ating tatahakin bilang pagsunod sa Kanyang kalooban. Ang Kanyang kalooban ay sumasalamin sa tunay na kaligayahan at magandang buhay na Kanyang inihanda para sa ating lahat sa kabilang buhay. Kung hangad nating makamit ang tunay na kaligayahan at ang buhay na walang hanggan na kaloob ni Hesus, tumalima tayo sa Kanyang kalooban. Isentro natin sa Kanya ang ating buhay. Paano natin gagawin iyan? Ipakita sa pamamagitan ng ating mga salita at kinikilos. Maging Kanyang mga saksi. Ating gamitin ang ating mga labi upang Siya'y purihin. Ating sundin ang Kanyang kalooban nang buong kababaang-loob. 

Tinatanong tayo - sino (o ano) ang laman ng puso natin? Sino (o ano) ang sentro ng ating buhay? Sino ang ating bukambibig? Si Kristo nawa ang maging ating kasagutan sa mga katanungang ito. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento