Martes, Pebrero 12, 2019

SA KANYA TAYO MANALIG AT UMASA

17 Pebrero 2019 
Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Jeremias 17, 5-8/Salmo 1/1 Corinto 15, 12. 16-20/Lucas 6, 17. 20-26 


Kapansin-pansin ang mga pagkakaiba sa mga salaysay ng pangangaral ni Hesus ukol sa mga mapapalad sa Ebanghelyo ni San Mateo at sa Ebanghelyo ni San Lucas. Sa salaysay ni San Mateo, ang Panginoong Hesus ay nangaral sa isang bundok. Sa mga sandaling iyon, hindi pa nabubuo ang Labindalawa. Marahil ay higit na sa apat ang mga tinawag ni Kristo, subalit hindi pa kumpleto ang Labindalawa. Walong katangiang inilarawan ng Panginoong Hesukristo ang naitala ni San Mateo. At hindi pa umalis ng Nazaret si Hesus sapagkat sa ika-13 kabanata pa isinalaysay ang 'di pagtanggap sa Kanya ng Kanyang mga kababayan. Sa salaysay naman ni San Lucas, iniwan na ni Hesus ang Nazaret dahil hindi Siya tinanggap roon ng Kanyang mga kababayan at inibig pa nga nilang ibulid Siya sa bangin. Ang Labindalawang apostol ay buo na sa mga sandaling iyon. At apat ang mga katangiang naitala sa salaysay ni San Lucas. Subalit, apat rin ang katangiang inilarawan ng Panginoong Hesus ukol sa mga aba o kawawa na hindi naitala sa salaysay ni San Mateo. 

Sa kabila ng mga pagkakaibang ito sa mga salaysay nina San Mateo at San Lucas, iisa lamang ang nais nilang pagtuunan ng pansin. At ito ay kung sinu-sino nga ba ang mga mapapalad sa paningin ng Diyos. Sino nga ba ang mga pinagpapala at binibiyayaan ng Panginoon? Iisa lamang ang sinasabi sa Ebanghelyo, sa Unang Pagbasa, at sa Salmo, ang mga umaasa't nananalig sa Panginoon ay tunay ngang mapalad. Ang mga katangian ng mga mapapalad ay inilarawan sa Ebanghelyo. Ang larawan ng halamang patuloy na namumunga ay ginamit upang ilarawan ang mga tunay na mapalad, mga nananalig at umaasa sa Diyos, sa Unang Pagbasa. 

Tanging sa Panginoong Diyos lamang nakasentro ang buhay ng bawat nananalig at umaasa sa Kanya. Buong puso't kaluluwa ang ibinibigay at iniaalay sa Kanya. Mga sarili'y ihahandog bilang pagpapakita ng pananalig sa Kanya. Ang lahat ng bagay ay ipinagkakatiwala sa Panginoon. Ang Panginoon na ang bahala. Nananalig na ang kalooban ng Panginoon ay may mabuti't magandang idudulot, tulad ng Kanyang hangarin para sa bawat isa. Sa kabila ng mga pagsubok sa buhay dito sa daigdig, mananalig pa rin sa Panginoon. 

Ito ang ipinahiwatig ni Apostol San Pablo noong inilarawan niya ang kanyang misyon bilang apostol sa Ikalawang Pagbasa. Misyon nina Apostol San Pablo at ng kapwa niyang apostol at misyonero ang mangaral at sumaksi sa Muling Pagkabuhay ni Kristo. Ang Muling Pagkabuhay ni Kristo ang laman ng kanilang pangangaral sa bawat lugar na kanilang pinuntahan. Bakit nila ginagawa iyan? Upang patatagin at palalimin ang pananampalataya at pananalig ng bawat Kristiyano kay Kristo. Iyan ang layunin ng mga apostol sa kanilang pangnagaral ukol sa Muling Pagkabuhay ni Hesukristo. Paglakasin at palalimin ang pananampalataya at pananalig ng bawat isa upang maging tunay na mapalad sa paningin ng Panginoon. 

Hindi nawawalan ng pag-asa't pananalig sa Panginoon ang mga mapapalad. Ang mga tunay na mapalad sa paningin ng Diyos ay yaong mga patuloy na nananalig at umaasa sa Kanya, sa kabila ng lahat ng mga tukso't pagsubok sa buhay. Nakasentro sa Diyos ang kanilang buhay. Ang buo nilang sarili ay inihahandog nila sa Kanya. Ang kanilang pananampalataya, pananalig, at pag-asa sa Diyos ay hinahayaan nilang lumalim at tumibay. Pinahihintulutan nila ang Panginoon, ang sinasaksi ng Simbahan hanggang sa kasalukuyan, na tulungan silang patatagin at palalimin ang kanilang pananalig sa Kanya. 

Kung hangad nating maging mapalad sa paningin ng Diyos, ibigay natin ang buong puso nating pananalig sa Kanya. Sa Kanya lamang tayo manalig at umasa upang matanggap natin ang Kanyang pagpapala. Isentro natin ang ating buhay sa Kanya. Ipagkatiwala natin ang lahat sa Kanya. Iyan ang aral ng mga Beatitudo. Sa Diyos umasa't manalig upang maging tunay na masaya. Ang tunay na masaya, ang tunay na mapalad, ay yaong mga nananalig at umaasa sa Diyos.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento