Lunes, Pebrero 18, 2019

MALAKAS ANG LOOB NG MGA MAHABAGIN

24 Pebrero 2019 
Ikapitong Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
1 Samuel 26, 2. 7-9. 12-13. 22-23/Salmo 102/1 Corinto 15, 45-49/Lucas 6, 27-38 

Screenshot courtesy of TV Maria and Quiapo Church Facebook Page

Sa Ikalawang Pagbasa, nagsalita si Apostol San Pablo tungkol sa dalawang Adan. Sa pamamagitan ng pagsasalita tungkol sa dalawang Adan, ang habag at kagandahang-loob ng Diyos ay kanyang inilarawan. Ang unang Adan ay nilikha mula sa alabok at hiningahan ng Diyos, tulad ng nasasaad sa aklat ng Genesis (2, 7). Ang unang Adan ay binigyan ng pagkakataong mamuhay sa Eden, ang paraisong nilikha ng Diyos sa simula ng panahon. Ang pangalawang Adan naman ay ang Panginoong Hesus. Si Kristo, ang Pangalawang Adan, ay ang Diyos na bumaba mula sa langit at naging tao tulad nating lahat, liban sa kasalanan, upang tayong lahat ay iligtas. Ang bawat isa'y binigyan ng Diyos ng pagkakataong mamuhay sa Kanyang piling sa langit sa pamamagitan ng pangalawang Adan na si Kristo Hesus. Sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo, ang mga pintuan ng kalangitan ay binuksan ng Diyos. May pag-asa na ang bawat tao na makapamuhay sa kaharian ng langit kapiling ang Panginoon sa katapusan ng buhay dito sa lupang ibabaw. 

Ang mga naging bunga ng mga desisyon ng dalawang Adan ay pinagtuunan ng pansin ni Apostol San Pablo sa ikalimang kabanata ng kanyang sulat sa mga taga-Roma. Wika niya sa bahaging yaon, "[K]ung paanong nagbunga ng kaparusahan sa lahat ang kasalanan ng isang tao, ang pakgamatuwid naman ng isang tao ay nagdulot ng kapatawaran at buhay sa lahat." (5, 18) Ang pagpasok ng kasamaan at kasalanan sa daigdig ay bunga ng pagsuway ni Adan sa kalooban ng Diyos. Siya ay binigyan ng kalayaang mamuhay sa paraisong nilikha ng Diyos noong nagsimula ang panahon, ang Halamanan ng Eden. Subalit, ipinasiya nina Adan at Eba na suwayin ang loobin ng Diyos. Dahil sa desisyon ng mga una nating magulang, ang kasalanan ay pumasok sa daigdig. Subalit, dahil sa habag at kagandahang-loob ng Diyos, dumating ang pangalawang Adan na si Kristo. Sa pamamagitan ng desisyon ni Kristo na manatiling masunurin sa kalooban ng Ama hanggang kamatayan, ang habag at kagandahang-loob ng Diyos na nagdulot ng kaligtasan sa sangkatauhan ay pumasok at ipinalaganap sa daigdig. 

Isang mahirap na aral ang itinuro ni Hesus sa Ebanghelyo. Inihayag ni Hesus sa Kanyang pangangaral sa Ebanghelyo na ang pagiging maaawain ng Diyos ay dapat tularan. Kung paanong ang Diyos ay naging mahabagin sa lahat, dapat rin maging mahabagin ang bawat isa sa kapwa. Ang aral na ito ay mahirap sundin, lalo na sa kasalukuyang kapanahunan kung saan ang karahasan at paghihiganti ay umiiral sa lipunan. Ang mga nagkasala ay hindi na binibigyan ng pagkakataong maranasan ang habag ng Diyos na dapat sinasalamin ng bawat isa. Bagkus, ito'y ipinagkakait sa kanila. At ang nakakalungkot, may mga pinunong humihimok ang lahat na gawin iyan. Kinukunsinti nila ang gawaing iyan. Mahirap sundin ang aral na ito ni Hesus sa mga ganyang sitwasyon. Mas madali pang maghiganti at gumawa ng masama laban sa nagkasala laban sa atin. Katunayan, likas pa naman sa ating pagkatao ang magtanim ng galit laban sa mga nagkasala nang mabigat laban sa atin. 

Bilang mga tao, tayong lahat ay nahihirapan sa pagpapakita ng habag sa mga may mabibigat na kasalanan laban sa atin. Kailangan nating lakasan ang ating mga loob upang ang pagiging mahabagin ng Diyos ay ating matularan, tulad ng itinuro sa atin ni Kristo. Subalit, mayroon ring mga taong naglalakas-loob magpakita ng habag sa mga nagkasala laban sa kanila, gaano mang kabigat ang mga kasalanang yaon. Kahit sila'y binigyan ng pagkakataong maghiganti laban sa mga nagkasala sa kanila, hindi nila sasamantalahin ang pagkakataong yaon upang makapaghiganti. 

Sa Unang Pagbasa, isinalaysay kung paanong si David ay naglakas-loob na magpakita ng habag kay Haring Saul. Sa kabila ng mga poot ni Haring Saul laban sa kanya, sa kabila ng kasamaang ginawa ng hari laban sa kanya, nakuha pa ni David na magpakita ng habag at kabutihan sa kanya. Hindi sinamantala ni David ang pagkakataong makapaghiganti kay Haring Saul, kahit nasa harapan na niya iyon. Ang habag at kapatawaran ay nanaig sa puso ni David. 

Kahit nanganganib ang kanyang buhay dahil sa mga banta ni Haring Saul, nanaig pa rin ang pagsunod ni David sa loobin ng Diyos. Kahit na si David ang hinirang ng Diyos upang maging kapalit ni Haring Saul bilang hari ng Israel, hindi niya sinubukang agawin ang trono habang nabubuhay ang kasalukuyang hari. Bagkus, ipinasiya ni David na gawin ang tama, gumawa ng mabuti, kahit mahirap man gawin iyon sa sitwasyon niya noon. 

Malakas ang loob ng mga mahabagin. Mahirap man gawin iyon, ipinasiya pa rin nilang magpakita ng habag sa mga nagkasala laban sa kanila, tulad ng iniutos ni Hesus. Kung pagpapasiyahan nating magpakita ng habag sa kapwa, lalung-lalo na sa mga nagkasala laban sa atin, mapapatunayan nating malakas ang ating loob. Ang Panginoong Hesus ay naglakas-loob na ibigin tayo. Naglakas-loob Siyang pasanin ang krus at ialay ang Kanyang buhay para sa atin. Kahit hindi tayo karapat-dapat na maranasan ang Kanyang pag-ibig at habag, ipinakita pa rin iyan sa atin ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. 

Tulad ng Panginoong Hesus na naglakas-loob na bumangon mula sa Kanyang pagkasubasob sa daang patungong Kalbaryo, maglakas-loob tayong magpakita ng habag at pag-ibig sa kapwa. Walang duwag na umiibig, nananalig, at pumapanig kay Kristo. Ang mga umiibig, nananalig, at pumapanig kay Kristo ay may lakas at tibay ng loob. Napapatunayan ito sa pamamagitan ng pagtalima sa Kanyang utos. Isabuhay ang Kanyang mga aral, gaano mang kahirap gawin iyon. Ang pagka-mahabagin ng Diyos ay tularan, tulad ng itinuro ng pangalawang Adan na si Kristo Hesus, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento