Biyernes, Pebrero 8, 2019

KASAMA NATING MANALANGIN AT MAGPURI

11 Pebrero 2019 
Paggunita sa Mahal na Birheng Maria ng Lourdes 
Isaias 66, 10-14k/Judith 13/Juan 2, 1-11 



Sa pambungad ng Unang Pagbasa, nanawagan si propeta Isaias sa bayang Israel na magalak. Ano ang dapat ikagalak? Ang katanungang ito'y binigyan ng kasagutan ni propeta Isaias sa mga sumunod na bahagi sa Unang Pagbasa. Katunayan, ang huling bahagi ng Unang Pagbasa ay ang pahayag ng Panginoong Diyos na inilahad ni propeta Isaias. Nasasaad sa mga sumunod na bahagi ng Unang Pagbasa na ang bayan ng Diyos ay pagkakalooban ng kaunlaran at kasaganaan. 

Ang panawagan ni propeta Isaias na magalak ay patuloy na umaalingawngaw sa kasalukuyang panahon. Ang lahat ay pinanawagan na magalak sapagkat tayong lahat ay mayroong Diyos na nakikinig sa atin. Ang Panginoon ay laging handang makinig sa ating mga hinaing at pagsusumamo. Maaari tayong lumapit sa Kanya upang itaas ang ating mga kahilingan at panalangin sa Kanya. Hindi malayo ang loob Niya sa atin. Ang Kanyang loob ay malapit sa atin. At ang ating panalangin ay tinutugunan Niya. Nababatid Niya kung ano ang ating kailangan at agad Niyang ito'y ibinibigay sa atin. Mayroon tayong Diyos na malapit sa atin at lagi tayong kinakalinga. Ito ang dapat nating ikatuwa sa bawat oras. 

Subalit, sa ating pananalangin sa Diyos, hindi tayo nag-iisa. Mayroon tayong mga kasama. Ang lahat ng mga anghel at banal sa langit, sa piling ng Panginoon, ay patuloy na nananalangin kasama natin. Ang ating kapakanan ay patuloy rin nilang ipinapanalangin araw-araw. At higit sa lahat, mayroon tayong Ina't Reynang laging nananalangin kasama natin at para sa atin. Siya'y walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria, ang Reyna ng lahat ng mga banal sa langit. Isa sa kanyang mga titulo ay ang titulong ginugunita sa araw na ito, ang Mahal na Birhen ng Lourdes. Ang Mahal na Ina ay nagpakita sa isang dalaga na si Santa Bernadette Soubirous sa isang bayan sa Pransiya na kilala bilang Lourdes noong ika-19 na siglo. 

Isinalaysay sa Ebanghelyo ang himala ni Hesus sa isang kasalan sa Cana. Ito ang unang himala ni Hesus sa Kanyang pampublikong ministeryo. Sa isang kasalan naganap ang unang himala ng Panginoong Hesus. Subalit, kapansin-pansin ang papel na ginampanan ng Mahal na Birheng Maria. Ang Mahal na Birheng Maria ang lumapit kay Hesus upang sabihin sa kanya na wala nang alak sa kasal. Hindi isang katulong ang lumapit kay Hesus kundi si Maria. Nakarating kay Hesus ang balitang ubos na ang alak dahil kay Maria. 

Ang salaysay ng himalang ginawa ni Hesus sa isang kasalan sa Cana, ang unang himalang Kanyang ginawa, ay nagsisilbing patotoo sa kapangyarihan ng panalangin ng Mahal na Birheng Maria. Ang kahilingan ng Mahal na Ina na tulungan ang mga ikakasal ay hindi tinanggihan ni Hesus. Ang tubig ay naging alak dahil sa kapangyarihan ni Hesus. Subalit, hindi lamang ang kapangyarihan ng Panginoong Hesus ang binibigyan ng pansin sa salaysay na ito. Bagkus, binibigyan rin ng pansin ang kapangyarihan ng panalangin ng Mahal na Inang si Maria. Iyan ang papel ni Maria sa salaysay na iyon. Siya ang nagbalita kay Hesus na naubusan ng alak para sa handaan. At tinupad ni Hesus ang hiling ni Maria, kahit hindi pa Niya oras. 

Huwag tayong magsawang lumapit sa Mahal na Birheng Maria upang hingin ang kanyang tulong sa pag-aalay ng ating mga panalangin at kahilingan sa Panginoon. Lagi siyang handa magbigay ng tulong sa atin sa pamamagitan ng pag-aalay ng mga panalangin kay Kristo. Makapangyarihan ang kanyang pagtulong sa ating lahat. Ang bawat isa'y tinutulungan niya sa pamamagitan ng kanyang pananalangin para sa atin at kasama natin. At huwag nating kakalimutan na ang Mahal na Ina ay lagi nating kasamang manalangin at magpuri sa Diyos.

Mahal na Birhen ng Lourdes, ipanalangin mo kami.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento