Lunes, Pebrero 4, 2019

TAWAG SA BOKASYON

10 Pebrero 2019 
Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Isaias 6, 1-2a. 3-8/Salmo 137/1 Corinto 15, 1-11 (o kaya: 15, 3-8. 11)/Lucas 5, 1-11


Pinagtutuunan ng pansin sa mga Pagbasa ang pagtawag ng Panginoon. Hindi na bago ang larawan ng pagtawag ng Panginoon. Kahit noong kapanahunan ng Lumang Tipan, ang Panginoon ay tumatawag ng mga indibidwal para sa isang napakahalagang bokasyon. Paano naging propeta ang mga katulad nina Isaias at Jeremias? Tinawag sila ng Panginoon. At nang tinawag sila ng Diyos, saka pa lamang nila natanggap ang bokasyong ibinigay sa kanila. At sa Bagong Tipan, ang Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus ay tumawag ng labindalawang lalaki upang maging Kanyang mga alagad. Hanggang sa kasalukuyan, tinatawagan pa rin ng Panginoon ang bawat isa para sa bokasyong Kanyang inilaan. 

May nagsisimula sa pagtawag ng Panginoon. Ang pagtawag ng Panginoon ang hudyat ng simula ng bokasyon. Ang tawag ng Panginoon ay sumasalamin sa bokasyong inilaan Niya para sa bawat isa. Mayroon Siyang inilaan para sa bawat isa sa atin. Mayroon Siyang magandang hangarin para sa bawat isa sa atin. Iyan ang dahilan ng bokasyon. Ang bokasyong inilaan ng Diyos para sa bawat isa ay ang buhay na hangad Niya para sa atin. At ang tangi Niyang hinahangad o ninanais ay ang ating ikabubuti. Kaya, may mga bokasyong inilaan ang Panginoong Diyos para sa bawat isa. Alam Niya na ang bokasyong inilaan Niya para sa bawat isa ay makakabuti para sa bawat isa. Walang ibang hinahangad ang Panginoong Diyos kundi ang ating kabutihan. 

Isinalaysay ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa kung paano siya tinawag ng Diyos upang maging Kanyang tagapagsalita sa Kanyang bayan. Sa pamamagitan ng mga propeta tulad ni Isaias, ipinapaabot ng Diyos ang Kanyang mensahe sa Kanyang bayan. Tinawag at hinirang ng Panginoong Diyos si Isaias sa pamamagitan ng isang katanungan. Ang Panginoong Diyos ay nagtanong, "Sino ang Aking ipapadala? Sino ang Aming susuguin?" At ang tugon ni Isaias, "Narito po ako. Ako ang isugo N'yo." (6, 3) Ang Diyos ay nagpakita kay Isaias sa isang pangitain. Sa pangitaing iyon, tinawag ng Panginoon si Isaias sa pamamagitan ng isang tanong. At tinugunan ni Isaias ang tawag ng Panginoon. At sa kanyang pagtugon, inihayag ni Isaias ang kanyang pagtanggap sa bokasyong ibinigay ng Panginoon. 

Nagsalita si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa tungkol sa kanyang bokasyon bilang apostol. Bilang apostol, siya'y iniatasang magpatotoo tungkol sa pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos na inihayag sa pamamagitan ni Hesus. Si Hesus ay dumating sa daigdig bilang tao katulad natin, maliban sa kasalanan. Ang ating pagkatao ay buong kababaang-loob Niyang niyakap at tinanggap upang tayong lahat ay iligtas. Tayong lahat ay Kanyang iniligtas sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Iyan ang Mabuting Balita. Ang mga apostol ay iniatasang mangaral at magpatotoo tungkol sa Mabuting Balita. Ang misyon ng mga apostol ay ipinagpapatuloy ng Simbahan sa kasalukuyang panahon. 

Isinalaysay sa Ebanghelyo ang pagtawag ni Hesus sa mga una Niyang apostol. Mga mangingisda ang mga unang apostol ng Panginoong Hesus - sina Apostol San Pedro, San Andres (hindi binanggit ni San Lucas ang kanyang pangalan sa kanyang salaysay pero ang kanyang pangalan ay binanggit nina San Mateo at San Marcos sa kanilang salaysay), Santiago, at San Juan. Tinawag ng Panginoong Hesus ang apat na ito matapos makahuli ng napakaraming isda sa lawa. Tinawag ang apat na ito upang maging mga mamamalakaya ng mga tao. Iyan ang kanilang bokasyon bilang mga apostol ni Hesus. Sila'y magsisilbing saksi ng Panginoong Hesus sa iba't ibang bahagi ng daigdig (Mga Gawa 1, 8). 

Ang pagtawag ng Panginoon ay pagtawag sa bokasyon. May tawag ang bawat isa mula sa Panginoon. Tinatawag ng Panginoon ang bawat isa na maranasan ang buhay na Kanyang niloloob. Iyan ang layunin ng bokasyon - mamuhay ayon sa kalooban ng Diyos. Kaya nga, anuman ang ating bokasyon, iyan ay para sa ating ikabubuti sapagkat iyan ang kalooban ng Panginoon para sa atin. Kaya naman, tulad ni Isaias sa Unang Pagbasa, tulad ng Mahal na Birheng Maria, tulad ng mga apostol at ng lahat ng mga banal, tanggapin nawa natin ang bokasyong bigay ng Diyos. Tumalima nawa tayo sa Kanyang kalooban. Ibigay nawa natin ang ating "Oo" sa tawag ng Panginoon na may inihandang bokasyon para sa bawat isa sa atin. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento