Miyerkules, Marso 20, 2019

KARANASAN NG KADAKILAAN NG DIYOS

7 Abril 2019 
Ikalimang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (K)
Isaias 43, 16-21/Salmo 125/Filipos 3, 8-14/Juan 8, 1-11 


"Gawa ng D'yos ay dakila kaya tayo'y natutuwa." (Salmo 125, 3) Ang mga salitang ito sa Salmong Tugunan ang pinagtuunan ng pansin sa mga Pagbasa. Inilalarawan sa mga Pagbasa kung paanong ipinakita ng Diyos ang Kanyang kadakilaan sa lahat. Ang lahat ng mga gawa ng Diyos ay tunay na dakila. Kamangha-manga sa paningin ng bawat tao ang lahat ng Kanyang mga gawa. Ang lahat ng mga gawa ng Diyos ay hinding-hindi mapapantayan o mahihigitan ninuman. 

Sa unang bahagi ng Unang Pagbasa, inilarawan ni propeta Isaias ang mga gawang ginawa ng Panginoong Diyos para sa bayang Israel noong inalis Niya sila mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Inilarawan kung paanong hinati ng Diyos ang tubig ng Dagat na Pula (na kilala rin bilang Dagat ng Tambo) upang makatawid ang mga Israelita at kung paano Niyang nilupig ang hukbo ng mga Ehipsiyo (43, 16-17). At sa ikalawang bahagi ng Unang Pagbasa, inilahad ni Isaias ang pahayag ng Diyos kung saan inihayag Niya kung paano Niya ipapamalas ang Kanyang kadakilaan. 

Nagbigay ng patotoo si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa tungkol sa kanyang karanasan ng kadakilaan ng Diyos. Dahil naranasan niya ang kadakilaan ng Diyos, wala na siyang ibang hinangad kundi si Kristo. Ang kanyang karanasan sa daan patungong Damasco at ang pagtawag sa kanya ni Kristo ang nagbago ng kanyang buhay. Mula sa pagiging tagausig ng mga sinaunang Kristiyano, siya'y nagtitiis ng hirap at pagdurusa alang-alang kay Kristo. Ang lahat ng iyon ay kanyang tiniis dahil sa Panginoong nagbago ng kanyang buhay. Gaya ng kanyang nasabi sa wakas ng Ikalawang Pagbasa, "Nagpapatuloy nga ako tungo sa hangganan upang kamtan ang gantimpala ng pagkatawag sa akin ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Hesus, ang buhay na hahantong sa langit." (3, 14) 

Isinalaysay sa Ebanghelyo kung paanong naranasan ang babaeng nahuling nakiapid ang kadakilaan ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Naranasan niya ang kapatawarang hatid ni Hesus. Matapos sagutin ng Panginoong Hesus ang tanong ng mga eskriba at mga Pariseo, na ang layunin ay subukin Siya upang makahanap sila ng maipapaaratang laban sa Kanya, pinatawad Niya ang babaeng ito. Silang dalawa ay natira roon dahil umalis ang mga eskriba't mga Pariseo nang marinig nila ang sagot ng Panginoon. Hindi ipinagkait ng Panginoong Hesus sa babaeng ito ang Kanyang awa't kapatawaran. Nagbago ang buhay ng babaeng ito matapos niyang maranasan ang kadakilaan ng Diyos sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Tunay ngang dakila ang ginawang pagpapatawad ni Hesus sa kanya. 

Ang Diyos ay may kapangyarihan baguhin tayo. Tinutulungan Niya ang bawat isa na baguhin ang sarili. Iyan ang layunin ng Diyos sa pagpapamalas ng Kanyang kadakilaan. Ipinapamalas Niya ang Kanyang kadakilaan sa lahat upang himukin at tawagin ang lahat na magbago. Hangarin ng Diyos na magbagong-buhay at magbalik-loob sa Kanya ang bawat isa matapos nilang masaksihan at maranasan ang Kanyang kadakilaan. Iyan lamang ang nais ng Panginoong Diyos para sa bawat isa na Kanyang iniibig at kinahahabagan. Bumalik at pumanig tayo sa Kanya. 

Tulad nina Apostol San Pablo at ng babaeng nahuling nakiapid na pinatawag ng Panginoong Hesus sa Ebanghelyo, himukin nawa tayo ng ating mga karanasan ng kadakilaan ng Diyos na baguhin ang ating sarili para sa ating ikabubuti. Magsisi't magbalik-loob tayo sa Diyos sapagkat iyon ay kalugud-lugod sa Kanyang paningin. Ibukas natin ang ating mga sarili sa Diyos at pahintulutan natin Siyang tulungan tayong tuparin ang Kanyang kalooban. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento