31 Marso 2019
Ikaapat na Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (K)
Josue 5, 9a. 10-12/Salmo 33/2 Corinto 5, 17-21/Lucas 15, 1-3. 11-32
Ang panahon ng Kuwaresma ay nakalaan sa pagsisisi't pagbabalik-loob sa Diyos. Sa pamamagitan ng taos-pusong pagtitika at panunumbalik sa Panginoon, inihahanda natin ang ating mga sarili para sa pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Hesukristo. At ang paghahandang ito'y tumatagal nang apatnapung araw. Kaya nga, ito'y tinatawag na "Kuwaresma." Apatnapung araw na maghahanda ang bawat binyagang Krstiyano para sa Pasko ng Muling Pagkabuhay, ang pinakamahalaga't pinakadakilang kapistahan sa kalendaryo ng Simbahan.
Subalit, habang ang lahat ng Kristiyano ay nagsisisi't nagbabalik-loob sa Diyos nang buong kataimtimban sa loob ng apatnapung araw ng Kuwaresma, may araw na inilaan ang Simbahan para magalak. At iyon ay ang Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma na kilala rin bilang "Linggo ng Laetare." Ang salitang "Laetare" ay nangangahulugang "Magalak." Iyan ang panawagan ng Simbahan sa bawat isa sa Linggong ito. Pero, bakit nga ba? Ano nga ba ang dapat nating ikagalak? Kung tutuusin, panahon pa rin ng Kuwaresma. At batid nating isang panahong nakalaan sa pagsisisi't pagbabalik-loob sa Diyos nang buong kataimtiman ang panahong ito.
Tunay ngang nakalaan sa pagsisisi't pagbabalik-loob sa Diyos ang panahon ng Kuwaresma. Ang bawat isa'y binibigyan ng pagkakataon sa loob ng apatnapung araw na ito na manumbalik sa Diyos. Subalit, itinuturo sa atin ng Simbahan kung bakit dapat tayo magalak, kahit tayo'y nagpepenitensya sa panahong ito. Itinuturo sa atin ng Simbahan sa araw na ito na ang Panginoon ang dapat maging sanhi ng kagalakan nating lahat. Kapag ang Panginoon ang sanhi ng ating galak, magiging tunay tayong masaya. Tunay ang galak na hatid ng Panginoon.
Iyan ang pinagtutuunan ng pansin sa mga Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, isinalaysay kung paanong ipinagdiriwang ng mga Israelita ang Paskuwa. Ipinagdiriwang nila ang kapistahang ito nang may galak sa kanilang mga puso dahil ginunita nilang lahat bilang isang sambayanan ang ginawa ng Diyos para sa kanila. Silang lahat ay pinalaya ng Diyos mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Iyan ang dakilang gawa ng Diyos na kanilang ginugnita sa pagdiriwang ng Paskuwa. Sa pamamagitan ng paggunita sa gawaing ito, ginugunita nila ang kahanga-hangang awa ng Diyos. Ang awa ng Diyos na tunay ngang kahanga-hanga ang sentro ng kanilang pagdiriwang.
Sa Ikalawang Pagbasa, ipinaalala ni Apostol San Pablo sa lahat ng mga Kristiyano, lalung-lalo na sa mga nasa Corinto, ang ginawa ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo na naghahatid ng kagalakan. Sabi ni Apostol San Pablo na sa pamamagitan ni Kristo Hesus, ang bawat isa'y itinuring ng Diyos bilang Kanyang kaibigan at pinagkalooban ng kapatawaran ng kasalanan (5, 19). Kaya, nararapat lamang na magalak ang bawat isa sa bawat oras. Ang bawat isa'y may pagkakataong magbalik-loob sa Diyos habang nabubuhay pa tayo dito sa daigdig. Ito ang dahilan kung bakit dapat magalak ang lahat ng mga Kristiyano sa lahat ng oras.
Ang Talingahaga ng Alibughang Anak na isinalaysay ng Panginoong Hesus ay inilahad sa Ebanghelyo. Sa pamamagitan ng talinghagang ito, ipinaalala ni Hesus na ang Diyos ay puspos ng awa para sa lahat. Iyan ang naghahatid ng kagalakan sa lahat - ang awa ng Diyos. Iyan ang Magandang Balita. Ang Diyos ay puspos ng awa para sa lahat. Lagi Siyang handang ipagkaloob ito sa sinumang humihingi nito. Ang bawat isa ay may pagkakataong humingi ng awa mula sa Diyos habang nabubuhay at naglalakbay sa lupa. Iyan ang dapat ikatuwa nating lahat.
Kahit nasa loob pa rin ng panahon ng Kuwaresma, nananawagan ang Simbahan sa lahat na magalak. Ano ang dapat nating ikagalak? Ang awa ng Diyos. Ang Diyos ay puspos ng awa para sa lahat. Binibigyan tayo ng pagkakataon na bumalik sa Kanya habang may hininga pa tayo dito sa lupa. Iyan ang dapat nating ikagalak - mayroon tayong Diyos na puspos ng awa para sa ating lahat.
Huwag tayong mawalan ng pag-asa. Magalak tayong lahat sapagkat tayong lahat ay binibigyan ng Diyos ng pagkakataong magsisi't magbalik-loob sa Kanya. Habang may panahon pa, samantalahin natin ang bawat pagkakataong ibinibigay sa atin ng Panginoon na bumalik at makipagkasundo sa Kanya. Ito'y nagpapatunay na tayong lahat ay hindi sinusukuan ng Panginoon. Kaya naman, magalak tayo sapagkat hindi tayo susukuan ng Diyos habang may hininga pa tayo. Tayong lahat ay patuloy Niyang binibigyan ng pagkakataong magsisi't magbalik-loob sa Kanya.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento