Lunes, Marso 11, 2019

HANDANG TUPARIN ANG KALOOBAN NG DIYOS

19 Marso 2019 
Dakilang Kapistahan ni San Jose, Kabiyak ng Puso ng Mahal na Birhen 
2 Samuel 7, 4-5a. 12-14a. 16/Salmo 88/Roma 4, 13. 16-18. 22/Mateo 1, 16. 18-21. 24a (o kaya: Lucas 2, 41-51a)  


Tanging sa mga unang kabanata ng Ebanghelyo nina San Mateo at San Lucas lamang mahahanap ang pangalan ni San Jose. Hindi mahahanap ang kanyang pangalan sa Ebanghelyo ni San Marcos sapagkat ang nasabing Ebanghelyo ay nagsimula sa pangangaral ni San Juan Bautista sa ilang. Malaki na si Hesus sa mga sandaling iyon. Tahimik si San Marcos tungkol sa buhay ng Panginoong Hesus bilang kabataan. Hindi rin mahahanap ang kanyang pangalan sa Ebanghelyo ni San Juan. Sinimulan ni San Juan ang kanyang Ebanghelyo sa pamamagitan ng isang animo'y tula tungkol kay Hesus bilang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao. 

Sa mga unang kabanata ng Ebanghelyo nina San Mateo at San Lucas kung saan ang kanyang pangalan ay nababanggit, matutuklasan ng bawat isa na ni minsan ay nagsalita si San Jose. Lagi siyang tahimik. Hindi siya nagsalita kahit kailan. Kung mayroon man siyang sinabi, hindi ito naitala sa Ebanghelyo nina San Mateo at San Lucas. Dalawang halimbawa nito'y ang mga tampok na salaysay sa Ebanghelyo para sa solemneng araw na ito. Isa sa dalawang salaysay na ito ang maaaring pagpilian - ang isa'y mula sa unang kabanata ng Ebanghelyo ni San Mateo at ang isa nama'y mula sa ikalawang kabanata ng Ebanghelyo ni San Lucas. Ang mga kaganapan bago isilang ang Panginoong Hesukristo ay inilahad sa salaysay mula sa Ebanghelyo ni San Mateo. Ang paghahanap ng Mahal na Birheng Maria at ni San Jose sa Batang Hesus sa Herusalem ay itinampok sa salaysay mula sa Ebanghelyo ni San Lucas. 

Kapansin-pansin sa mga salaysay na ito kung paanong si San Jose ay nananatiling tahimik sa harap ng mga pagsubok sa buhay. Gaano mang kakumplikado ang bawat sitwasyon sa mga tampok na salaysay, nanatili siyang tahimik. Si San Jose ay inilarawan nina San Mateo at San Lucas bilang isang taong tahimik sa harap ng mga kumplikasyon sa buhay upang ilarawan ang katatagan ng kanyang pananalig sa Diyos. Dahil sa kanyang matatag na pananalig, si San Jose ay laging handang tumupad at sumunod sa kalooban ng Diyos. Ang mga may matatag na pananalig sa Diyos tulad ni San Jose ay tahimik sa harap ng mga kumplikasyon sa buhay dahil ang lahat ng bagay ay kanilang ipinagkatiwala sa Diyos. Ang Diyos ang magbibigay ng solusyon sa lahat ng mga problema sa buhay. 

Mas madetalye ang tampok na eksena sa salaysay ni San Mateo. Napakalaki ng problemang iniharap ni San Jose. Ang Mahal na Birheng Maria ay natagpuang nagdadalantao nang hindi pa kasal. Naguguluhan na si San Jose sa mga sandaling iyon. Hindi niya alam kung ano ang dapat niyang gawin. Kahit may napag-isipan siyang gawin, hindi siya nakakasiguro kung iyon nga ba talaga ang dapat gawin. Kaya, itinulog na lamang niya. At sa kanyang panaginip, inilahad sa kanya ng isang anghel ang solusyong bigay ng Diyos. Bagamat ang solusyon ng Diyos sa problema ni Jose ay hindi tulad ng kanyang naisip na solusyon, hindi nagdalawang-isip si Jose na tanggapin at sundin ang solusyong ito ng Diyos. Ipinakita ni San Jose na handa siyang sumunod sa kalooban ng Diyos, kahit iba ito sa kanyang naiplano. 

Si Haring David ay nanalig sa pangako ng Panginoong Diyos na inilahad ng propetang si Natan sa Unang Pagbasa. Si Abraham ay nanalig sa pangakong binitiwan ng Diyos sa kanya. Kaya naman, ang kanyang halimbawa ay itinampok ni Apostol San Pablo habang siya'y nangaral tungkol sa pananalig sa Diyos sa Ikalawang Pagbasa. Tulad ng dalawang dakilang taong ito mula sa Lumang Tipan, si San Jose ay nagpakita ng kanyang pananalig sa Diyos. Inihayag ni San Jose ang kanyang matatag na pananalig sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang katahimikan at kahinahunan sa mga kumplikadong sitwasyon sa buhay. 

Bakit laging tahimik si San Jose? Lagi siyang tahimik sapagkat matibay ang kanyang pananalig sa Diyos. At dahil sa tibay ng kanyang pananalig, lagi siyang handang tuparin kung ano ang loobin ng Diyos. At sa Diyos niyang ipinagkatiwala ang lahat ng nauukol sa kanya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento