4 Nobyembre 2018
Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Deuteronomio 6, 2-6/Salmo 17/Hebreo 7, 23-28/Marcos 12, 28b-34
Ang pinakamahalagang utos ay inihayag sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo. Unang inihayag ni Moises ang pinakamahalagang utos sa mga Israelita sa Unang Pagbasa. Muling inihayag ni Hesus ang pinakamahalagang utos sa Ebanghelyo bilang tugon sa katanungan ng isa sa mga eskriba sa Kanya. Ang pinakamahalagang utos - ibigin ang Panginoong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip; at ibigin ang kapwa gaya ang sarili. Ibinubuod ng pinakamahalagang utos ang Sampung Utos ng Diyos. Iyon naman ang ugat at diwa ng Sampung Utos - pag-ibig. Pag-ibig sa Diyos at kapwa. Iyon ang nais ituro ng mga utos ng Diyos.
Binanggit sa Ikalawang Pagbasa ang minsanang paghahandog ng sarili ng Dakilang Saserdoteng si Hesus para sa ating lahat. Ang Panginoong Hesus ang haing walang kapintasan. Siya ang perpektong hain. Ipinasiya ng Panginoong Hesus na ihain ang buo Niyang sarili sa krus para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. Kahit na hindi naman Niya kailangang gawin iyon dahil wala Siyang dungis ng kasalanan, ipinasiya pa rin Niyang gawin iyon. Sa pamamagitan nito'y nahayag ang Kanyang pagmamahal para sa ating lahat. Dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig para sa ating lahat, ipinasiya ng Panginoong Hesukristo na ihandog ang Kanyang sarili sa krus upang tayong lahat ay maligtas. Ang krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus ang dakilang larawan ng Kanyang walang hanggang pag-ibig at kagandahang-loob.
Tunay na mapagmahal ang Diyos. Ang Diyos ang bukal ng pag-ibig. Siya ang unang umibig, tulad ng sinabi ni Apostol San Juan sa kanyang unang sulat (4, 19). Ang Kanyang pag-ibig ay tunay na ganap at walang hanggan. Ang Kanyang pag-ibig ay hinding-hindi mapapantayan ninuman. Siya lamang ang makakapagbigay ng pag-ibig na walang hanggan. Pinatunayan Niya nang paulit-ulit ang Kanyang pag-ibig para sa ating lahat. Ang pinakadakilang ginawa ng Diyos na naghayag ng Kanyang dakilang pag-ibig ay ang pagsugo Niya kay Kristo Hesus bilang Mesiyas at Tagapagligtas natin. Si Kristo na Kaniyang Bugtong na Anak ay ibinigay sa atin upang maging ating Manunubos. Ito'y Kanyang ginawa sa pamamagitan ng pag-aalay ng Kanyang sarili sa krus at ng muli Niyang Pagkabuhay.
Kaya naman, inuutusan ng Panginoon ang bawat isa na umibig. Ibigin Siya nang higit sa lahat ng bagay at ibigin ang kapwa kung paanong iniibig ang sarili. Tayong lahat ay inuutusang magpalaganap ng pag-ibig. Nararapat lamang na ibigin ang Diyos sapagkat ilang ulit Niyang inihayag ang Kanyang pag-ibig para sa ating lahat, sa kabila ng ating pagiging makasalanan. Nararapat rin lamang na ang kapwa'y ibigin natin sapagkat nilikha rin silang kawangis ng Diyos tulad natin. Mahirap mang gawin ito, kailangan pa rin nating ito. Kung nahihirapan tayong umibig ng kapwa, paano pa kaya ang umibig sa Diyos? Ang kapwa, nakikita natin. Ang Diyos, hindi nakikita ng ating mga mata na bahagi ng ating mga katawang lupa. Papaanong magiging madali ang umibig sa Diyos na 'di nakikita ng ating mga mata kung nahihirapan tayong umibig ng kapwa-taong nakikita ng ating mga mata?
Mapapatunayan lamang natin na tayo'y tunay na kapanig at tapat sa Diyos kung susundin natin ang Kanyang utos na umibig. Ibigin Siya nang higit sa lahat at ibigin ang kapwa kung paanong minamahal natin ang ating mga sarili. Gaano mang kahirap tuparin ang mga ito dahil sa mga tukso sa buhay, kung tunay nating minamahal ang Diyos, tutuparin pa rin natin ito. Hindi man ito sasapat para sa mga pagkakataong inihayag ng Diyos ang Kanyang walang hanggang pag-ibig at kagandahang-loob para sa ating lahat, ang pagtupad sa Kanyang utos ay kalugud-lugod sa Kanyang paningin. May gantimpala ang Diyos para sa mga tunay na umiibig sa Kaniya nang buong katapatan - ang buhay na walang hanggan sa Kaniyang piling sa kalangitan.
Inuutusan tayo ng Panginoon na umibig. Ano ang ating tugon?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento