Lunes, Oktubre 22, 2018

HUWAG SUMUKO

28 Oktubre 2018 
Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Jeremias 31, 7-9/Salmo 125/Hebreo 5, 1-6/Marcos 10, 46-52 


Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang pagpapagaling ni Hesus sa isang bulag na lalaki na nagngangalang Bartimeo. Iisa lamang ang hinangad si Bartimeo noon - ang makakita nang maayos. Kaya naman, nang mabalitaan niyang si Hesus ay dumaraan sa lugar kung saan siya'y nagmamalimos, agad na nagmakaawa sa Kanya si Bartimeo. At ang kahilingan ni Bartimeo ay ipinagkaloob ni Hesus. Tinupad ni Hesus ang matagal nang pinangarap ni Bartimeo na makakita nang maayos. 

Sa pamamagitan ng pagmamakaawa nang paulit-ulit kahit na siya'y pinagsasabihan ng mga tao, ipinakita ni Bartimeo ang kanyang pananalig kay Hesus. Hindi tumigil si Bartimeo sa pagmamakaawa kay Hesus. Bagkus, ipinagpatuloy niya ang kanyang pagmamakaawa hanggang sa siya'y mapansin ng Panginoon. Ang pananalig ni Bartimeo sa Panginoong Hesus, ang Dakilang Saserdote na hinirang ng Ama na siyang pinagtuunan ng pansin ng manunulat ng sulat sa mga Hebreo sa kanyang pagninilay sa Ikalawang Pagbasa, ang nag-udyok sa kanya na huwag sumuko at maging matiyaga sa pagmamakaawa sa Kanya. Ang kanyang pagtitiyaga na kitang-kita sa kanyang paulit-ulit na pagmamakaawa kay Hesus ay nagbunga. Ito ang nagpatunay na tunay siyang nanalig sa Panginoong Hesukristo. 

Kagalakan ang hatid ng pahayag ng Panginoong Diyos na inilahad ni propeta Jeremias sa Unang Pagbasa. Ang lahat ng mga kabilang sa bayan ng Diyos ay aakayin Niya pabalik sa tunay nilang tahanan. Kabilang na rito ay ang mga bulag, pipi, at iba pang may kapansanan. Ang mga bulag, pipi, at iba pang may kapansanan ay makikinabang rin sa pangako ng Diyos. Hindi sila ipagdadamot ng Diyos. Hindi ipinagkakait sa kanila ang pagpapalang kalakip ng pangako ng Diyos. Lagi silang kasama sa mga makikinabang sa Kanyang mga pangako sapagkat ang Kanyang pagkalinga sa kanila ay hinding-hindi magwawakas. Ang Diyos ay hinding-hindi nandadamot sa mga mahihirap at isinasantabi ng lipunan. Lagi Niyang kinukupkop at inaaruga ang mga nasa abang kalagayan. 

Mayroon tayong Diyos na mahabagin at hindi nagtatangi. Hindi Niya ipinagkakait ang Kanyang biyaya sa sinuman. Ang Kanyang biyaya ay para sa lahat ng tao. Ang estado ng bawat tao sa lipunan ay hindi Niya ginagawang pamantayan para sa pakikinabang sa Kanyang mga pagpapala. Ang lahat ng mga tao'y inaanyayahan Niyang makinabang sa Kanyang kagandahang-loob. Sa mata ng Diyos, ang lahat ng tao dito sa lupa ay pantay-pantay at mahalaga. 

Tulad ni Bartimeo sa Ebanghelyo, huwag nating isuko ang ating pananalig sa Diyos. Huwag tayong tumigil sa pagbibigay ng ating pananalig sa Diyos. Patuloy nating ibigay ang ating pananalig sa Diyos. Ipagpatuloy natin ang pagiging matiyaga at matapat sa ating pagsasabuhay ng ating pananalig sa Diyos. Kinalulugdan ng Diyos ang mga nananalig at sumusunod sa Kanya nang buong katapatan. Kinalulugdan ng Panginoong Diyos ang mga hindi sumusuko sa Kanya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento