Martes, Oktubre 30, 2018

TANGING HANGARIN

2 Nobyembre 2018 
Paggunita sa Lahat ng mga Pumanaw na Kristiyano 
(Ang mga sumusunod na Pagbasa ay isa sa mga pangkat ng mga Pagbasa na maaaring pagpilian para sa araw na ito. Tingnan ang mga pagbasa sa mga bilang 1031-1035 sa Leksyonaryo - Salita ng Diyos)
Mga Panaghoy 3, 17-26/Salmo 25/Filipos 3, 20-21/Mateo 11, 25-30 


Sa Araw ng mga Kaluluwa, pinagtutuunan ng pansin ang ating pananagutan bilang mga Kristiyanong naglalakbay dito sa daigdig - ang pag-aalay ng mga panalangin para sa mga yumaong Kristiyano. Tungkulin natin ang ipagdasal ang mga yumao, lalo na ang mga kaluluwang nasa Purgatoryo. Hindi na sila makakapagdasal para sa kanilang mga sarili sapagkat tapos na ang kanilang oras dito sa lupa. Kaya naman, umaasa sila sa ating mga panalangin upang matapos na ang paglilinis sa kanila sa Purgatoryo at nang makapasok na rin sila sa langit kung saan sila'y makakahimlay nang mapayapa sa piling ng Diyos magpakailanman. 

Tulad nating lahat, ang mga kaluluwa sa Purgatoryo ay umaasa lamang sa habag at kagandahang-loob ng Diyos. Ito ang pinagtuunan ng pansin sa mga Pagbasa para sa araw na ito. Sa Unang Pagbasa, inilarawan ang kahalagahan ng pagkakaroon ng pag-asa sa Panginoon sa kabila ng mga pagsubok sa buhay. Sa Ikalawang Pagbasa, inilarawan kung paanong ang pag-asa ay dumating sa daigdig sa pamamagitan ni Kristo Hesus. At sa Ebanghelyo, inaanyayahan ng Panginoong Hesus ang lahat ng mga napapagal na lumapit sa Kaniya upang makasumpong ng kapahingahan. Sa pamamagitan ng paanyayang ito para sa lahat, inihayag ni Hesus ang Kanyang habag at kagandahang-loob. Siyang nagdulot ng pag-asa sa lahat sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay ay puspos ng habag at kagandahang-loob. Ang Kanyang habag at kagandahang-loob ang dahilan kung bakit tayong lahat ay iniligtas sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Ito rin ang dahilan kung bakit Niya ipinangakong maghahanda Siya ng mga silid sa Kanyang kaharian sa langit (14, 2). 

Iisa lamang ang inaasam-asam ng mga kaluluwa sa Purgatoryo - matamasa ang pangako ng walang hanggang kapahingahan sa langit. Tulad nating lahat, umaasa sila na makapakinabang sa pangako ng kalangitan. Wala silang ibang hangarin kundi ang makahimlay sa piling ng Panginoon magpakailanman. Nais nilang mamuhay na puno ng ganap na kaligayahan, kasaganaan, at buhay na walang hanggan sa langit. Kaya naman, umaasa sila sa ating mga panalangin. Umaasa sila na sa pamamagitan ng ating mga panalangin, mapapabilis ang paglilinis sa kanila sa Purgatoryo upang makahimlay sila sa piling ng Panginoon magpakailanman sa langit. Sa tulong ng ating mga panalangin, mararanasan nila nang buo ang habag at kagandahang-loob ng Panginoon sa Kanyang piling magpakailanman.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento