Lunes, Oktubre 15, 2018

PUMARITO BILANG LINGKOD

21 Oktubre 2018 
Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Isaias 53, 10-11/Salmo 32/Hebreo 4, 14-16/Marcos 10, 35-45 


"Naparito ang Anak ng Tao hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at ialay ang Kanyang buhay para sa ikatutubos ng lahat." (10, 45) Winika ni Hesus ang mga salitang ito sa mga alagad sa wakas ng Ebanghelyo. Ito'y naganap matapos hiniling nina Apostol Santo Santiago at San Juan sa Kanya na ibigay sa kanila ang karangalang maupo sa Kanyang tabi sa Kanyang kaharian sa langit - isa sa kanan at isa sa kaliwa. Nagalit ang sampung alagad sa magkapatid na Santiago at Juan nang marinig ang kanilang hiniling sa Panginoong Hesukristo. Para sa sampung alagad, hindi nagpakita ng kahit kaunting kahihiyan man lamang ang magkapatid. Ang kakapal ng kanilang mga mukha. Nayabangan sila sa magkapatid kaya gayon na lamang ang galit ng sampung alagad sa mga anak ni Zebedeo na sina Santiago at Juan. Sino ba sila para ipagkaloob sa kanila ang karangalang yaon? 

Itinuro ni Hesus sa mga alagad na dapat nilang pairalin ang kultura ng kababaang-loob. Tulad ng Panginoong Hesus na buong kababaang-loob na bumaba sa lupa upang iligtas ang sangkatauhan, ang mga apostol ay tinuturang mamuhay nang may kababaang-loob bilang mga lingkod. Si Hesus ay hindi pumarito upang idakila at itaas ang sarili kundi upang maglingkod nang may kababaang-loob. At iyon ang halimbawang ipinakita ni Hesus bilang Panginoon at Guro. Ang halimbawang ipinakita ni Hesus ay hindi lamang para sa mga apostol kundi para sa lahat ng mga nananalig at sumasampalataya sa Kanya. 

Ang kababaang-loob ni Hesus ay inilarawan ni propeta Isaias sa kanyang pahayag sa Unang Pagbasa. Sa pahayag na ito, si Hesus ay inilarawan bilang isang nagdurusang lingkod. Inihayag ni Isaias na maraming hirap at pighati ang Kanyang dadanasin. Sabi sa pahayag na ito na niloob ng Diyos na magbata ng maraming hirap at sakit ang Kanyang Lingkod upang mapatawad ang lahat ng mga kasalanan sa pamamagitan nito. Alang-alang sa pagdurusa ng Kanyang Lingkod, patatawarin Niya ang lahat ng tao mula sa kani-kanilang mga kasalanan (53, 11). At ang mga salitang ito ay natupad sa bundok ng Kalbaryo. Buong kababaang-loob na tinanggap ni Hesukristo ang malagim na pagdurusa't kamatayan sa krus para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. 

Ito rin ang pinagtuunan ng pansin sa Ikalawang Pagbasa. Ang ating pagkatao ay buong kababaang-loob na tinanggap at niyakap ng Dakilang Saserdoteng si Hesus. Sa kabila ng Kanyang pagka-Diyos, ipinasiya pa rin Niyang tanggapin at yakapin ang ating pagkatao, maliban sa pagkakasala. Ipinasiya Niyang harapin ang mga tukso sa buhay tulad ng bawat isa sa atin. Subalit, sa halip na magpatalo sa tukso, nilabanan at pinagtagumpayan Niya ang mga ito. At nanatili Siyang masunurin sa kalooban ng Ama hanggang sa Kanyang pagkamatay sa krus. Kahit na maaari Niyang gamitin ang Kanyang kapangyarihan bilang Diyos upang maging iba sa atin, hindi Niya iyon ginawa. Bagkus, ang ating pagkatao ay buong kababaang-loob na tinanggap at niyakap ni Kristo. At nang maging tao, buong kababaang-loob Niyang inihain ang Kanyang sarili sa krus para sa kapatawaran ng mga kasalanan ng sangkatauhan. At tunay ngang kahanga-hanga ang Kanyang ginawa para sa atin. 

Si Hesus ay nagpakita ng kababaang-loob sa kabila ng Kanyang pagka-Diyos. Sa pamamagitan ng Kanyang kababaang-loob, tayong lahat ay Kanyang iniligtas. Ang mga pagkakasala natin ay nagkaroon ng kapatawaran. Nahayag sa pamamagitan ng Kanyang kababaang-loob ang Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob para sa ating lahat. Dahil tunay Niya tayong iniibig at kinahahabagan, buong kababaang-loob na hinarap at tinanggap ni Hesus ang kamatayan sa krus alang-alang sa ating lahat. 

Hindi lamang para sa mga apostol ang utos ng Panginoong Hesus. Ang bawat isa'y inuutusan ng Panginoong Hesus na magpakita ng kababaang-loob tulad Niya. Ang pagtalima sa utos ng Panginoon ay nagpapahayag ng pagmamahal at pagpanig sa Kanya. Naipapahayag ng bawat isa ang kanyang pag-ibig at pananalig sa Panginoon sa pamamagitan ng pagtupad sa Kanyang atas. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento