14 Oktubre 2018
Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Karunungan 7, 1-11/Salmo 89/Hebreo 4, 12-13/Marcos 10, 17-30 (o kaya: 10, 17-27)
May tanong ang mga Pagbasa para sa atin. Nais itanong sa atin ng mga Pagbasa kung ano ang pipiliin natin. Ano ang mas matimbang para sa atin? Ano ang mga bagay na pinahahalagahan natin? Iyan ang mga katanungang ibinibigay sa atin ng mga Pagbasa upang pagnilayan nang taimtim. Ang ginagawang pagbibigay ng tanong na ito sa atin ng mga Pagbasa ngayong Linggo ay napakalinaw dahil ito ang pinagtutuunan ng pansin ng nilalaman ng mga ito.
Ang pagpili ni Haring Solomon sa Karunungan kaysa sa anumang kayamanan sa lupa ang pinagtuunan ng pansin sa Unang Pagbasa. Ang kuwentong ito ay isinalaysay rin sa ikatlong kabanata ng Unang Aklat ng mga Hari, gayon din sa unang kabanata ng Ikalawang Aklat ng mga Cronica. Sa simula ng kanyang pagkahari sa Israel, tinanong ng Diyos si Solomon kung ano ang kanyang hiniling at ito'y Kanyang ipagkakaloob sa kanya. Sa halip na humiling ng kayamanan at kapangyarihan, Karunungan ang hiniling ni Solomon. At sabi sa Unang Pagbasa na mas matimbang pa ang Karunungan kaysa sa kalusugan o kagandahan (7, 10). Ang pagpapahalaga ni Solomon sa karunungan ay walang katulad. Para sa kanya, ang Karunungan ay higit na mahalaga kaysa anumang bagay dito sa mundo.
Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang pagtatagpo ni Hesus at ng lalaking mayaman. Ang lalaking mayaman ay napuno ng kalungkutan matapos sabihan siya ni Hesus na talikuran ang kanyang mga kayamanan at ipamigay ang mga ito sa mga mahihirap kung kaya't umalis na lamang siya. Naging masunurin siya sa Kautusan, subalit hindi niya magawang ibenta't ipamigay ang lahat ng kanyang kayamanan. Kung siya ang tatanungin, mas mahirap ang ipinapagawa sa kanya ng Panginoong Hesus kung ito'y ikukumpara sa ipinapagawa ng Kautusan. Para sa kanya, mas mahalaga ang kanyang mga kayamanan at hindi niya kayang pakawalan ang mga ito.
Hindi madali ang ipinapagawa ng Panginoong Hesukristo. Napakahirap ang mga ipinapagawa Niya. Napakahirap tanggapin ang mga kundisyong ibinibigay Niya sa bawat isa. Kapag sinabi ng isang tao na napakadaling magsakripisyo para lang kay Kristo, siya'y nagsisinungaling. Hindi madaling magsakripisyo. Katunayan, walang sakripisyong madali. Ang lahat ng sakripisyo ay mahirap gawin. At batid iyon ng lalaking mayamang nagtanong kay Hesus sa Ebanghelyo. Hindi niya kinayang bitawan ang kanyang mga kayamanan dito sa lupa. Higit niyang pinahalagahan ang mga iyon kaysa anumang bagay. Hindi niya kayang isakripisyo ang lahat ng iyon.
Totoo nga ang sinasabi sa pambungad ng Ikalawang Pagbasa. Nasasaad roon na higit na matalas kaysa alinmang patalim ang Salita ng Diyos (4, 12). Hindi layunin ng Salita ng Diyos na laging magbigay ng tuwa't aliw sa bawat tao. Sa halip, ang tunay na layunin ng Salita ng Diyos ay ihayag sa lahat ang niloloob ng Panginoon. At ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ay may kalakip na sakripisyo. Maraming sakripisyo ang kailangan nating gawin, lalo na ang pagbitiw at pagtalikod sa mga kagustuhan natin. Napakasakit isipin yaon, sa totoo lang. Tatalikuran ang ating mga kagustuhan sa buhay para magbigay kaluwalhatian sa Panginoong Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa kalooban Niya. Nais nating sumunod sa kalooban ng Diyos, subalit ayaw nating bitawan ang mga hangarin natin sa mundo. Mahirap na sakripisyo iyan para sa bawat isa sa ating lahat. Walang sinumang tao dito sa daigdig ang makapagsasabing hindi siya nahirapang magsakripisyo.
Kaya, ang mga katanungang iniiwan sa atin ngayong Linggo - ano ang mas matimbang? Ano nga ba ang (mga) pinahahalagahan natin? Kailangan nating pagnilay-nilayan nang buong kataimtiman ang mga ito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento