(Jer 1:4-5, 7-9/Salmo 71/1 Kor 12:31-13:13 (o 13:4-13)/Lk 4:21-30)
Nagalit ang mga kababayan ni Hesus nang sabihin Niya na natupad ang sinabi ni propeta Isaias sa pamamagitan Niya. Ang alam nila ay isang sinungaling, isang kalapastanganan sa Diyos ang binigkas Niya. Isang malungkot na pangyayari ito para kay Hesus. Hindi Siya tinanggap ng Kanyang mga kababayan sa Nazaret sapagkat kulang sila sa pananampalataya.
Ang mga propeta ay nagsasalita tungkol sa katotohanan. Ang misyon ng mga propeta ay magsisi ang mga tao mula sa kanilang mga kasalanan at magbalik-loob sa Diyos. Samantala, ang mga pekeng propeta ay nagsasalita tungkol sa kasinungalingan. Ang ginagawa ng mga pekeng propeta ay magsabi ng mga kasinungalingan upang malugod sa kanila ang mga nakikinig sa kanila. Kaya, mas marami ang nakikinig sa mga pekeng propeta. Maraming nalulugod sa kanila ngunit iba naman ang sitwasyon ng mga tunay na propeta. Ang daming nagalit sa kanila sapagkat masakit para sa kanila ang tanggapin ang katotohanan. Alam nila na mali ang ginagawa nila ngunit nasasaktan sila sapagkat nagugustuhan nila ang ginagawa nilang mali. Nagsasalita ng ganyan ang mga tunay na propeta dahil iwinawasto nila ang mga nagkamali. Ang bunga noon ay ang pagpatay sa kanila ng mga taong iyon.
Gayon din ang dinaranas ni Kristo. Maraming nalulugod sa Kanya ngunit marami rin ang nagagalit sa Kanya. Noong ipinahayag Niya na Siya nga ang Anak ng Diyos, marami ang nagalit sa Kanya at gusto pa nilang patayin Siya agad. Ang mga taong iyon kulang sa pananalig sa Diyos kaya hindi nila matanggap na si Kristo nga ang hinirang, ang magliligtas ng tao mula sa kasamaan at kamatayan. Ibig pa nilang ibulid sa bangin si Kristo ngunit pinigil Niya ang mga tao at umalis mula sa Nazaret. Ang mga ginawa Niya sa Kapernaum ay hindi Niya magawa sa Nazaret sapagkat kulang sa pananampalataya ang Kanyang mga kababayan.
Ngunit walang makapigil kay Hesus. Itinuloy ni Hesus ang pagsaksi sa katotohanan kahit marami pa naman ang nagagalit at gustong pumatay sa Kanya. Ang bunga ng pagsaksi sa katotohanan ni Hesus ay ang pagkamatay Niya sa Krus sa Kalbaryo. Kahit hindi nalulugod sa Kanya ang mga tao, nalulugod ang Diyos kay Hesus dahil sa Kanyang pagiging masunurin hanggang kamatayan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento