(Is 6:1-2, 3-8/Aw 138/1 Kor 15:1-11/Lk 5:1-11)

Kilala ang tatlo bilang isang sacred number, ika nga. Ang numerong tatlo ay sumasagisag sa Banal na Trinidad - ang Ama, Anak at Espiritu Santo. Tatlo ang hamon para sa Kuwaresma (na magsisimula sa Miyerkoles ng Abo - Pebrero 13) - pananalangin, pag-aayuno, at pagkakawang-gawa. Tatlo ang bilang ng mga Haring Mago. Pagkatapos ng tatlong araw, ang Panginoong Hesus Nazareno ay muling nabuhay. Sinusundan ng Banal na Tatlong Araw (Huwebes Santo, Biyernes Santo, at Sabado de Gloria) ang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. Pagkatapos ipagkaila ang Panginoong Hesukristo ni San Pedro, tinanong si Pedro ng Panginoon ng tatlong beses kung mahal niya talaga Siya. Ito'y isang kabayaran para kay Pedro noong ipinagkaila ang Panginoong Hesus dahil kay Pedro. At napakarami pang ibang pumapasok ang numerong tatlo.
Pangalawa, si Apostol San Pablo. Si Apostol San Pablo, na mas kilala noon bilang Saulo, ay ang dating umuusig sa mga sinaunang Kristiyano. Hindi lamang sa Herusalem ang mga sinaunang Kristiyano, nangalat pa sila sa buong lupain ng Judea at Samaria. Nabalitaan ni Saulo na napakaraming Kristiyano ang nasa bayan ng Damasco, kaya, naglakbay siya patungong Damasco upang pigilin ang mga sumasampalataya kay Kristo. Sa daan papuntang Damasco, nagbago ang buhay ni Saulo. Nagpakita sa kaniya si Hesus Nazareno sa pamamagitan ng nakasisilaw na liwanag mula sa langit. Tinanong si Saulo ni Hesus Nazareno kung bakit Siya ang inuusig ni Saulo. Doon, nagbago ang buhay ni Saulo. Pagkatapos niyang kausapin si Hesus Nazareno, siya'y nabulag kaya tinulungan siya ng mga kasama niya papuntang Damasco. Pinagsisihan niya ang ginawang pag-uusig sa mga sinaunang Kristiyano. Hindi siya kumain o uminom ng tatlong araw bilang tanda ng kaniyang pagsisisi. Nagkaroon siya ng pag-asa noong pinuntahan siya ni Ananias at ibinalik sa kaniya ang kaniyang paningin. Nagpabinyag si Saulo at siya'y ipinangalanang Pablo. Mula noon, pinangaralanan ni Pablo ang Mabuting Balita mula sa Diyos. Pinugutan siya ng ulo sa Roma sa kapanahunan ng paghahari ni Haring Nero sa Roma.
Pangatlo at panghuli, ang mga unang alagad ni Kristo sa ating Ebanghelyo ngayong Linggo. Nagsimula noong nangangaral si Hesus sa mga tao habang nakaupo sa bangka ni Simon Pedro. Pagkatapos Niyang mangaral, inutusan ng Panginoon sina Pedro at ang kaniyang mga kasama na bumalik muli sa dagat upang makahuli sila ng isda. Nagtataka siguro si Pedro, "Galing na nga kami diyan at nagpuyat, ngunit wala naman kaming nahuli. Baliw ba ang taong ito? Anong akala niya sa sarili niya? Mas magaling pa siya sa akin?" Dito makikita natin ang pagkakaiba ng mga unang alagad at ni Hesus. Si Hesus ay isang anak ng karpintero na ngayo'y nangangaral sa mga tao samantalang ang mga unang alagad ay mga mangingisda. Pero, sabi nga sa wikang Ingles, try again. Parang baga'y sinasabi ni Hesus kay Pedro na pumunta uli doon at subukan uli. Sabi rin uli sa Ingles, try and try until you succeed.
Bumalik doon sina Pedro at ang kaniyang mga kasama. Sinubukan nila muling manghuli ng isda. At biglang-bigla namang nakahuli sila ng isda. Grabe! Napakaraming isda ang nahuli nila! Hindi inakalain ng isa sa kanila na ganong karaming isda ang mahuhuli nila sapagkat sinubukan nila uli. Nang makita ni Pedro na nagkamali siya, hiniling niya kay Hesus na layuan siya sapagkat isa siyang makasalanan. Para bang humihingi ng tawad si Pedro kay Hesus dahil namaliit niya ang Panginoon. Pinatawad siya ng Panginoon at hinirang Niya sina Pedro at ang kanyang mga kasama na maging mga alagad Niya.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento