Linggo, Marso 30, 2014

WALANG PINIPILING ARAW ANG PAGGAWA NG MABUTI

Ika-4 na Linggo ng Kuwaresma (A) 
1 Samuel 16, 1b. 6-7. 10-13a/Salmo 22/Efeso 5, 8-14/Juan 9, 1-41 (o kaya: 9, 1. 6-9. 13-17. 34-38)


Isa pong mahabang Ebanghelyo ang mapapakinggan natin ngayong Linggo. Ang ating Ebanghelyo ay tungkol sa pagpapagaling ng Panginoong Hesus sa isang lalaking ipinanganak na bulag. Kakaiba ang proseso ng pagpapagaling ni Hesus sa lalaking ito. Maaaring pagalingin ni Hesus kaagad, pero may proseso sa pagpapagaling Niya sa lalaking ipinanganak na bulag. 

Ayon sa mga Hudyo, kapag bulag ang isang tao, ibig sabihin noon ay isa siyang makasalanan. Ang pagkabulag ng isang tao ay parusa ng Diyos bilang kabayaran sa kasalanang ginawa niya. Kapag ang isang tao ay bulag mula sa kanyang kapanganakan, hindi lang siya ang nagkasala. Ang kanyang mga magulang pa ang nagkasala. Ito ang ginanti ng Diyos sa mga magulang ng bata dahil sa kanilang kasalanan - ang kanyang pagkabulag. 

Para kay Kristo, hindi naging sanhi ang kanyang kasalanan o ng kanyang mga magulang ang kanyang pagkabulag mula sa pagkabata. Naging bulag ang lalaking ito upang maisalarawan sa pamamagitan niya ang kapangyarihan ng Diyos. May dahilan ang pagkabulag ang lalaking ito. Naging bulag siya dahil siya'y magiging instrumento ng Diyos upang makita natin sa pamamagitan ng kanyang pagpapagaling ang kapangyarihan ng Diyos. 

Kakaiba ang paraan ng pagpapagaling ng Panginoon sa lalaking ito. Hindi kaagad na pinagaling ng Panginoong Hesus ang lalaking ipinanganak na bulag, katulad ng pagpapagaling Niya kay Bartimeo (Marcos 10, 46-52). Kahit na kayang pagalingin ng Panginoon kaagad ang lalaking bulag sa pamamagitan ng Kanyang salita, hindi ito makikita sa ating Ebanghelyo. May proseso ang pagpapagaling sa lalaking bulag mula pa sa kanyang pagkabata. 

Una, nilagyan ni Hesus ng putik ang mga mata ng lalaking bulag. Pangalawa, inutusan ni Hesus ang lalaking bulag na maghilamos sa deposito ng tubig sa Siloe. Ang kahulugan ng Siloe ay sinugo. Masasabi natin na hindi lang inutusan ni Hesus ang lalaki na maghilamos sa Siloe, kundi sinugo Niya. Sapagkat pagkahilamos ng lalaki, makakakita na ang lalaki. At pangatlo, sinunod ng bulag ang utos ni Hesus at dahil sinunod niya ang utos ni Hesus, nakakita na siya.

Ipinapakita ng proseso ng pagpapagaling sa lalaking bulag na kailangang natin manalig at sumunod sa utos ng Panginoong Hesukristo. Kung hindi nanalig at sumunod ang lalaking bulag, hindi siya papagalingin ng Panginoon. Kahit gaanong mapagpala ang Panginoon, iginagalang Niya ang ating desisyon. Hindi tayo pipilitin ng Panginoon na tanggapin ang Kanyang alok sa atin. Inalok ni Hesus sa lalaking bulag na makakita kung susunduin Niya ang Kanyang utos. Sumunod ang lalaki sa utos ni Hesus at ginantimpalaan siya ni Hesus ng paningin. 

Ano naman ang naging reaksyon ng mga tao nang makita nila nakakakita na ang lalaking bulag? Nakakalungkot, hindi sila naging masaya para sa kanya, lalung-lalo na ang mga Pariseo, na naging mga katalo ng lalaking bulag. Pinagdududahan nila kung bakit si Hesus ay nagpapagaling sa Araw ng Pamamahinga. Labag sa batas ng mga Hudyo ang magtrabaho sa Araw ng Pamamahinga. Hindi lang ito ang unang pagkakataon ng pagpapagaling ni Hesus sa Araw ng Pamamahinga. Sa deposito ng tubig sa Betseda, pinagaling ni Hesus ang isang lalaking tatlumpu't walong taon nang may sakit. Araw ng Pamamahinga nang pinagaling ni Hesus ang lalaking iyon. Bakit mukhang nilalabag ni Hesus ang utos tungkol sa Araw ng Pamamahinga? 

Ipinapakita ng mga himalang ginawa ni Kristo sa Araw ng Pamamahinga na walang pinipiling araw ang pagpapagawa ng mabuti. Kahit araw ng Linggo, maaari pa rin tayong gumawa ng mabuti. Isa sa mga Sampung Utos ng Diyos ay ang pagbibigay-galang sa Araw ng Panginoon. Pero, kahit anong araw, maaari tayong gumawa ng mabuti sa kapwa. Hindi pinagbabawalan ng Diyos na gumawa ng mabuti sa araw ng Linggo. Dahil ang mga gawa ng kabutihan ay nakalulugod sa paningin ng Diyos. 

Ang mga himala ni Kristo ay hindi mga palabas lamang. Bagkus, ito'y mga gawa ng kabutihan. Hindi Niya ipinagyayabang sa mga tao na kaya Niyang magpagaling ng mga maysakit, mga bulag, mga pipi, at marami pang ibang mga sakit at kapansanan. Si Kristo ay nagpapagaling bilang paggawa ng kabutihan sa sangkatauhan. Ipinapakita ni Kristo ang kapangyarihan at kabutihan ng Diyos sa lahat ng mga tao sa mundo sa pamamagitan ng Kanyang mga gawain. 

Kung walang pinipiling araw ng paggawa ng mabuti ang Diyos, dapat wala rin tayong pinipiling araw upang gumawa ng mabuti sa kapwa. Sinasabi nga ng Panginoon, "Anuman ang ginawa ninyo sa mga pinakahamak na kapatid Kong ito, ito ay sa Akin ninyo ginawa." (Mateo 25, 40) Nawa ay tularan natin ang kabutihang ginawa ni Kristo para sa ating lahat. Hindi naging hadlang ang Araw ng Pamamahinga upang gumawa ng mabuti ang Panginoon. Nawa ay walang humadlang sa atin upang gumawa ng kabutihan sa kapwa-tao, tulad ng ginawa ni Hesus. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento