Paggunita kay San Pedro Calungsod, ang Ikalawang Santong Pilipino
Isaias 49, 8-15/Salmo 144/Juan 5, 17-30
Ang Pilipinas po ay mayroong dalawang Pilipinong Santo - sina San Lorenzo Ruiz de Manila at si San Pedro Calungsod. Ginugunita natin sa araw na ito ang Ikalawang Pilipinong Santo, si San Pedro Calungsod. Siya po ay nagmula sa Kabisyaan. Siya ay isinama ni Padre Diego Luis de San Vitores sa kanyang misyon sa Marianas Islands sa Guam.
Napakasakit siguro ang iwanan natin ang mga mahal natin sa buhay kapag tayo ay aalis. Naramdaman rin ito siguro ni San Pedro Calungsod. Bilang tao, may mga damdamin din siya. Mahirap siguro para sa binatang ito na iwanan ang kanyang pamilya at mga mahal sa buhay sa kanyang bayan. Napakahirap ang iwanan ang pamilya.
Kahit na mahirap iwanan ang pamilya sa Kabisayaan, hindi nawalan ng pananalig sa Diyos. Araw-araw siyang nagdasal sa Panginoon upang gabayan siya at si Padre Diego Luis de San Vitores sa pagpapahayag ng Mabuting Balita. Si San Pedro Calungsod ay nagturo ng katesismo sa mga batang Chamorro bilang pagtulong sa misyon ni Padre Diego Luis de San Vitores.
Matagumpay ang misyon nina Padre Diego Luis de San Vitores at ni San Pedro Calungsod sa Guam. Marami silang nabinyagan, lalung-lalo na ang papatay sa kanila na si Matapang. Pero, nagbago ang lahat nang magkalat ng mga tsismis ni Choco, isang Intsik na nakatira sa islang iyon. Nagkalat siya ng mga tsismis tungkol sa tubig na ginagamit ni Padre Diego Luis de San Vitores. Ang tubig na iyon ay may kamandag. Nakakalason ang tubig na iyon, kaya nakakamatay ang tubig na iyon. Marami ang naniwala sa pinagkakalat ni Choco, kaya ang lahat ng mga tagaroon ay natakot magpabinyag. Wala nang nagpabinyag.
Napakalaking pagsubok ito para kina Padre Diego Luis de San Vitores at kay San Pedro Calungsod. Biruin niyo, naniwala ang mga tao sa mga tsismis tungkol sa kanila. Hindi naman totoo ang mga tsismis na iyon. Napakahirap na iyon para sa dalawang misyonerong ito. Pero, ang sabi ni Kristo na mapalad ang mga taong pinag-uusig at pinagwiwikaan ng masama nang dahil kay Kristo. Kahit na hindi totoo ang sinasabi ni Choco, hindi nila isinuko ang kanilang pananampalataya sa Panginoon. Nanatili silang tapat sa Panginoon at patuloy nilang ginawa ang kanilang misyon sa kabila ng kanilang reputasyon.
Isang araw, gusto nilang binyagan ang anak ni Matapang. Ngunit dahil na-impluwensiya ni Choco si Matapang, hindi niya pinayagang mabinyagan ang kanyang anak. Kahit ano pa ang mga ginawa at sinabi nina Padre Diego Luis de San Vitores at San Pedro Calungsod, hindi pumayag si Matapang. Hinintay nila hanggang sa umalis si Matapang. Noong umalis si Matapang, bininyagan ang kanyang anak na may pahintulot ng asawa ni Matapang.
Nang nabalitaan ni Matapang na bininyagan ang kanyang anak, lalo siyang nagalit kina Padre Diego Luis de San Vitores at Pedro Calungsod. Binalak na niyang patayin siya. Kinailangan niya ang tulong ni Hirao upang patayin ang dalawang misyonero. Si Hirao ay nagtaka noong una sapagkat mababait na tao sina Diego Luis de San Vitores at Pedro Calungsod. Pero, sinabihan siya ni Matapang na duwag siya kapag hindi siya sumama kay Matapang. Upang patunayan na hindi siya duwag, sumama si Hirao kay Matapang,
Pinaligiran nina Matapang at Hirao sina San Pedro Calungsod at Padre Diego Luis de San Vitores. Galit na galit na sa mga misyonero sina Matapang at Hirao. Tinarget muna nila si San Pedro Calungsod. Si Pedro Calungsod ay nakailag sa una at pangalawang sibat. Nagkaroon sana ng pagkakataon si Pedro Calungsod na tumakbo at makatakas upang maligtas niya ang kanyang sarili, pero hindi niya ginawa iyon. Bagkus, ipinagtanggol pa rin niya si Padre Diego kahit nagkaroon siya ng pagkakataong makatakas. Tinamaan siya ng pangatlong sibat, at namatay. Naging matapang si San Pedro Calungsod hanggang sa kamatayan.
Tunay na matapang si San Pedro Calungsod. Hindi niya iniwan si Padre Diego Luis de San Vitores. Hindi siya nawalan ng pananalig sa Diyos. Hindi siya natakot sa kamatayan. Kahit nagkaroon siya ng pagkakataong makatakas at iligtas ang sarili, inalay niya ang kanyang buhay para sa Diyos. Pinagpala nga si San Pedro Calungsod, dahil kahit gaano mang kahirap ang buhay-misyonero, pinili niyang maging matapang at ipahayag ang Salita ng Diyos sa mga katutubo ng Guam.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento