Mga Gawa 10, 34a. 37-38/Salmo 117/Colosas 3, 1-4 (o kaya: 1 Corinto 5, 6b-8)/Juan 20, 1-9
Nais ko pong simulan ang aking pagninilay sa bukang-liwayway ng Pasko ng Pagkabuhay na may Salubong sa pamamagitan ng isang biro. Hindi po totoo ang kwentong ito, biro lang po ito. Bato-bato sa langit, ang matamaan, huwag pong magalit. Bago magtapos ng Bihiliya ng Pasko ng Pagkabuhay, sinabi ng pari sa kongregasyon, "Ang mga lalaki, sumama kayo sa imahen ng Panginoong muling nabuhay. Ang mga babae, sumama naman kayo sa imahen ng Mahal na Birheng Maria." Humirit naman ang mga bading sa kongregasyon. Tanong nila sa pari, "Papaano po kami, Padre?" Sagot ng pari, "Come, follow me." Bato-bato sa langit, ang matamaan, huwag pong magalit. Wala po akong tinatamaan sa kwentong ito.
Isang tradisyon nating mga Pilipino tuwing araw ng Pasko ng Pagkabuhay ay ang Salubong. Ang pagdiriwang ng Salubong ay ginaganap pagkatapos ng Bihiliya ng Pasko ng Pagkabuhay o bago magsimula ang Misa sa bukang-liwayway ng Pasko ng Pagkabuhay. Dito natin isinasaalala ang pagkita ng Panginoong Hesukristo na muling nabuhay sa Mahal na Birheng Maria. Noong unang Biyernes Santo, nagtagpo ang mag-ina. Malungkot ang pagkita nina Hesus at Maria noong nagkatagpo sila sa Landas ng Pagdurusa.
Ngayong muling nabuhay si Kristo, muli silang nagkita. Pero, ang kanilang pagkita ngayon ay hindi katulad ng pagkita nila noong unang Biyernes Santo. Hindi na malungkot ang muling pagkita ni Kristo at ng Mahal na Ina. Bagkus, ang pangyayaring iyon ay isang pangyayari ng kagalakan at kadakilaan. Namasdan ng Mahal na Ina ang kaluwalhatian ni Kristo. Nagalak ang Mahal na Birhen nang makita niya ang kanyang anak na muling nabuhay. Hindi na nagdurusa ang Anak ni Maria. Muling nabuhay si Kristo. Nagalak ang Mahal na Ina nang makita niya ang kaninginingan ng kaluwalhatian ng kanyang anak.
Maitatanong ninyo, saan po natin mababasa sa Bibliya ang pagpapakita ni Hesus sa Kanyang Inang si Maria sa Bibliya? Wala pong nakasulat sa Bibliya tungkol sa pagpapakita ni Kristong muling nabuhay sa Kanyang Ina na nagdadalamhati. Tahimik ang Bibliya tungkol sa pangyayaring ito. Kung ganun, saan po nagsimula ang tradisyon ng Salubong? Bakit ipinagdiriwang natin ang Salubong kung wala naman ito sa Bibliya?
Bahagi ng mga Banal na Pagsasanay (Spiritual Exercises) ni San Ignacio de Loyola ang pagpapakita ni Hesus kay Maria pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay. Bagamat hindi sinabi ni San Ignacio de Loyola kung ano ang sinabi ni Hesus at Maria sa isa't isa, ang pangyayaring ito ay isinama ni San Ignacio de Loyola sa kanyang mga Banal na Pagsasanay upang mapagnilayan natin ito. Nagpakita ang Panginoon sa Mahal na Ina dahil sa Kanyang pag-ibig sa Kanya. Alam ni Hesus na ang Kanyang Inang si Maria ay nalulumbay at nahahapis dahil sa pagkamatay ni Hesus sa krus. Pinuntahan ng Panginoong Hesus ang Ginoong Santa Maria upang ang kalungkutan ng Birheng Maria ay maging kagalakan.
Ang yumaong Santo Papa, Juan Pablo II, ay nagsalita tungkol sa pagpapakita ng Panginoon sa Mahal na Birhen. Isang linggo na lamang po at ang Beato Papa Juan Pablo II ay magiging Santo na. Nagbigay ng mga dahilan si Beato Papa Juan Pablo II kung bakit maaaring nagpakita ang Panginoong muling nabuhay sa Mahal na Birhen. Narito po ang isa sa mga dahilan:
Nasaan ang Panginoong Hesus bago Siya nagpakita kay Maria Magdalena?
Isang posibilidad kung bakit wala ang Panginoong Hesus noong pumunta sa libingan si Maria Magdalena ay dahil dumalaw ang Panginoong Hesus sa Birheng Maria. Nagpakita muna ang Panginoon sa Mahal na Ina bago Siya nagpakita kay Maria Magdalena. Bakit wala si Hesus noong pumunta si Maria Magdalena sa libingan? Ang posibleng dahilan ay nagpakita ang Panginoong Hesus sa Birheng Maria. Nakita na ni Maria si Kristo. Nagalak si Maria nang makita niya na ang kanyang Anak na muling nabuhay. Kaya, hindi na siya sumama kay Maria Magdalena at ng iba pang mga Maria papunta sa libingan. Nakita na niya ang Panginoong muling nabuhay.
Sinasabi ko ba na isa itong doktrina ng Simbahan? Hindi. Hindi ito isang opisyal na doktrina ng Simbahan. Pero, maaari nating paniwalaan na naganap ang pangyayaring ito o hindi. Nasa atin ang desisyon kung paniniwalaan natin kung nagpakita si Kristong muling nabuhay sa Mahal na Ina.
Ako kung ako ang tatanungin, sasabihin ko na naniniwala ako na si Maria ang unang nakakita kay Hesus na muling nabuhay. Bakit? Para sa akin, ang dahilan ay minamahal Niya ang Kanyang Ina. Alam ni Hesus na nagluluksa ang Kanyang Inang si Maria dahil sa nangyari kay Hesus noong unang Biyernes Santo. Dahil sa pagmamahal ni Hesus kay Maria, nagpakita si Hesus kay Maria upang ang kalungkutan ni Maria ay maging kagalakan. Iyon nga ang ginawa ni Hesus.
Ipinapakita ni Hesus na sa pamamagitan ng pagpapakita Niya kay Maria pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay ang pagiging mapagmahal Niya sa Kanyang Ina. Bahagi ng Sampung Utos ng Diyos ang paggalang at pagmamahal sa mga magulang. Si Hesus ay isang perpektong halimbawa nito. Noong Siya'y namuhay bilang bata, iginalang at minahal Niya sina Maria at Jose. Noong Siya'y namatay, si Maria ay kaisa ni Hesus sa Kanyang pagpapakasakit at pagkamatay. Alam ni Hesus na nasaktan at nalulumbay si Maria dahil sa pagkamatay ni Hesus noong unang Biyernes Santo. Dahil sa pagmamahal ni Kristo kay Maria, nagpakita Siya kay Maria noong Siya'y muling nabuhay.
Sa kabila ng kanyang paghahapis, si Maria ba ay nawalan ng pananalig sa Diyos? Hindi. Bagkus ay nanalig si Maria sa Diyos. Hindi nawalan ng pananalig sa Diyos si Maria. Nanalig si Maria na si Hesus ay muling mabubuhay sa ikatlong araw. Dahil sa pananalig ni Maria sa Diyos, ginantimpalaan siya ng Diyos noong muling nabuhay ang kanyang anak na si Hesus. Ang gantimpalang iyon ay ang pagpapakita ni Hesus kay Maria paglabas ni Hesus ng Kanyang libingan. Hindi nagpakita si Hesus kay Maria dahil nawalan ng pananalig o nagduda si Maria sa Diyos. Bagkus, ito ay ang gantimpala ni Maria para sa kanyang pananalig at pagsunod sa kalooban ng Diyos. Si Maria ang unang makakakita kay Hesus na muling nabuhay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento