Linggo, Abril 27, 2014

MGA MATA NG PANANAMPALATAYA

Ikalawang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (A)
(Linggo ng Dakilang Awa ng Diyos)
Mga Gawa 2, 42-47/Salmo 117/1 Pedro 1, 3-9/Juan 20, 19-31



Pamilyar ang lahat ng tao sa kasabihang, "To see is to believe." Ibig sabihin ng kasabihang ito, maniniwala lamang ang isang tao kapag siya mismo ay nakakita sa isang bagay o pangyayari. Sa panahon ngayon, meron po tayong mga social networking sites katulad ng Facebook, Twitter, Instagram at marami pang iba. Dito ibinabahagi ng mga tao ang kanilang mga litrato, katulad na lamang ng mga selfie o ang litrato na kinukunan nila mula sa kanilang mga telepono. Biruin niyo, may mga kamera sa telepono sa panahon ngayon. Dati, ang telepono ay para lamang sa pagtawag at pag-text. Ngayon, pwede nang kumuha ng mga litrato. Kakaiba ang teknolohiya ng kapanahunan ngayon. 

Ginagamit ng mga TV networks katulad ng CNN, BBC, ABS-CBN, GMA-7, TV5 at marami pang iba ang social media upang magdala rin ng mga balita. Ito rin ay isang panibagong paraan ng pagdala ng mga balita at magpalabas ng kanilang mga programa. Dati, ang mga programa ay napapanood natin sa telebisyon o napapakinggan sa radyo. Ngayon, pati sa internet, meron na rin. Lalung-lalo na ang mga news channel. Ginagamit nila ang social media upang magdala ng balita sa mga tao. Paano? Nagpopost sila ng mga litrato upang makita ng mga tao ang mga nangyayari sa mundo ngayon. Hindi kumpleto ang ulo ng mga balita kapag walang litrato. Napaka-epektibo ng mga litrato ngayon. Kapag nabalitaan natin ang isang pangyayari, makita lamang natin ang litrato, maniniwala tayo sa balitang iyon. 

Noong kapanahunan ni Kristo, walang mga social networking sites o modernong teknolohiya. Siguro, kung merong social networking sites noong kapanahunan ng Panginoon, malamang maniniwala agad ang mga alagad sa mga sinasabi ni Maria Magdalena. Pwedeng kumuha ng litrato si Maria Magdalena kasama si Kristo. Kapag ipinakita na ni Maria Magdalena sa mga alagad ang kanyang litrato kasama ni Kristo, malamang maniniwala agad ang mga alagad. Maniniwala agad ang mga alagad ng Panginon dahil nakita nila ang litrato ni Kristong muling nabuhay. Sayang, walang mga social networking sites o kamera noong kapanahunan ni Kristo. 

Dahil hindi sila naniwala sa sinabi ni Maria Magdalena at hindi nila naunawaan na kinailangang muling mabuhay ang Panginoon, nagpakita si Hesus sa kanila. Nagalak ang mga alagad nang makita nila ang Panginoong muling nabuhay. Ang bati ng Panginoong Hesus, "Sumainyo ang kapayapaan!" Napasakit man para sa Panginoon ang kasalanang ginawa laban sa Kanya ng mga alagad, pinatawad na sila ng Panginoon. Natapos na ang Kanyang pagpapaksakit, muling nabuhay na si Hesukristo, ang bati ni Kristong muling nabuhay sa mga alagad, "Sumainyo ang kapayapaan!" Hindi nagpakita si Hesukristong muling nabuhay sa mga alagad upang gumanti. Nagpakita ang Panginoong Hesukristo sa mga alagad upang magdala ng kapayapaan. 

Si Santo Tomas Apostol ay hindi kasama ng iba pang mga alagad noong unang nagpakita si Hesukristong muling nabuhay. Noong ibinalita ng mga alagad na si Hesus ay muling nabuhay, hindi siya naniwala agad. Bagamat gustong paniwalaan ni Tomas ang balita ng mga alagad, nagduda siya. Gusto niyang makita ang Panginoon. Kaya, ang kundisyon ni Tomas ay hindi siya maniniwala hangga't hindi niya nakita ang Panginoong Hesukristo. Hindi makikinig o maniniwala s Tsa anumang ibalita sa kanya tungkol kay Kristo hangga't nakita na niya si Kristo. 

Dininggin ng Panginoon ang kahilingan ni Tomas. Kung gagamitin ko ang wika ng mga direktor ng mga pelikula o teleserye, isang take two ang ikalawang pagpapakita ng Panginoong Hesukristo sa mga alagad. Tinawag ni Hesukristo si Tomas at ipinakita kay Tomas ang Kanyang mga kamay at tagiliran. Pinayagan ni Hesus na hawakan ni Tomas ang Kanyang mga kamay at ang Kanyang tagiliran. Nagkatotoo ang kahilingan ni Tomas. Totoo ang sinasabi at ibinabalita sa kanya ng mga alagad. Si Hesukristo ay muling nabuhay talaga. Dahil dito, buong katapangan niya ipinahayag, "Panginoon ko at Diyos ko!" Ang pagdududa ni Tomas ay nawala sapagkat nananalig na siya na ang Panginoong Hesukristo ay tunay na muling nabuhay at ipinahayag rin Niya na si Hesus ay Diyos. Si Hesus ay tunay na Diyos at tunay na tao.

To see is to believe. Masikat ang kasabihang ito, at ito'y madalas paniwalaan ng mga tao. Pero, sinabi ng Panginoong Hesus: "Mapalad ang mga nananalig sa Akin, kahit hindi nila Ako nakita." Ang ibig sabihin noon, "To believe is to see." Tayong lahat ay mapalad. Bagamat hindi natin nakita ang Panginoong Hesukristo, nananalig tayo sa Kanya. Sumasampalataya tayo sa Panginoong Diyos kahit hindi natin nakikita ang Diyos. Ipinapahayag natin sa Kredo na sumasampalataya sa Diyos. Nilikha ng Diyos ang mga nakikita natin at hindi nakikita. Sumasampalataya tayo sa Diyos. Bagamat hindi nakikita natin ang Diyos, nananalig tayo sa Diyos. Kasama natin ang Diyos sa bawat oras at sandali ng ating buhay. Ang Diyos ay Emmanuel, ang Diyos ay kasama natin palagi, kahit hindi nakikita ng ating mga mata ang Diyos. 

"Hesus, ako ay nananalig sa Iyo." Ito ay ipinasulat ni Hesus kay Santa Faustina sa ibabaw ng larawan ng Dakilang Awa ng Diyos. Ang larawang ipinagawa ng Panginoong Hesus kay Santa Faustina ay ang larawan ng Dakilang Awa ng Diyos. Huwag nating pagdudahan ang Diyos. Ang Diyos ay totoo at tunay na nabubuhay. Hindi kathang-isip ang Diyos, hindi Siya panaginip, hindi Siya imahinasyon, buhay ang Diyos. Ang Panginoong Diyos ay ang Diyos ng buhay at awa. Mapalad tayong lahat, sapagkat nananalig tayo sa Panginoong Hesukristo kahit hindi Siya nakikita ng ating mga mata. 


Manalangin tayo:

Pumanaw Ka, Hesus, 
subalit ang bukal ng buhay
ay bumalong para sa mga kaluluwa 
at ang karagatan ng awa ay bumugso para sa sanlibutan. 

O Bukal ng Buhay, 
Walang Hanggang Awa ng Diyos, 
yakapin Mo ang sangkatauhan 
at ibuhos Mong ganap ang Iyong sarili para sa aming lahat.

O Banal na Dugo at Tubig, 
na dumaloy mula sa Puso ni Hesus
bilang Bukal ng Awa para sa aming lahat, 
ako'y nananalig sa Iyo! 

Banal na Diyos, 
Banal na puspos ng kapangyarihan, 
Banal na walang hanggan, 
maawa po Kayo sa amin at sa buong sansinukob. 
Amen. 

O Hesus, Hari ng Awa, kami'y nananalig sa Iyo. 

Mahal na Birheng Maria, Ina ng Diyos at Ina ng Awa, ipanalangin mo kami.
Santa Faustina, ipanalangin mo kami.
Santo Papa Juan Pablo II, ipanalangin mo kami. 
Santo Papa Juan XXIII, ipanalangin mo kami. 



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento