Biyernes, Abril 18, 2014

ANG HAIN NG DAKILANG SASERDOTE

Biyernes Santo sa Pagpapakasakit ng Panginoon
Isaias 52, 13-53, 12/Salmo 30/Hebreo 4, 14-16; 5, 7-9/Juan 18, 1-19, 42 



Maraming titulo ang Panginoong Hesus. Kabilang narito ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos, ang Kordero ng Diyos, ang Mabuting Pastol, at marami pang iba. Isa sa napakaraming titulo ng Panginoong Hesukristo ay ang Dakilang Saserdote. Siguro, tatanungin ninyo, "Kung si Kristo ay ang Dakilang Saserdote, bakit hindi Siya isang saserdote?" Oo, hindi naging saserdote si Hesus noong Siya'y nabubuhay sa lupa. Nagturo si Hesus sa lahat ng mga tao tungkol sa kaharian ng Diyos at marami pang iba. Ang mga salita ni Hesus ay mas makapangyarihan kaysa sa mga saserdote. Ngayon, paano naging saserdote ang Panginoon kung hindi Siya naging saserdote noong Siya'y nabubuhay sa lupa? 

Sa kapanahunan ni Kristo, ang mga pari ay nag-aalay ng mga susunuging handog bilang pagbabayad-puri sa mga kasalanang ginawa ng sangkatauhan. Gumagamit ang mga Hudyo ng mga hayop, pero madalas ang mga kordero ay ginagamit para sa susunuging handog. Ang pari naman ang papatay sa kordero o ng anumang hayop at susunugin iyon, maliban na lamang sa balat ng hayop. Ang balat ng hayop ay hindi sinunog upang magamit ng pari. 

Paano naman ngayon naging saserdote si Hesus? Noong nilikha ng Diyos ang mundo, ang lahat ng Kanyang nilikha ay mabuti. Isa sa mga nilikha ng Diyos ay ang tao. Ang unang tao dito sa lupa ay si Adan. Si Eba naman ay nilikha ng Diyos mula sa tadyang ni Adan upang maging kasama ni Adan. Inutusan ng Diyos sina Eba't Adan na maaari silang kumain mula sa bunga ng anumang puno sa Halamanan ng Eden, huwag lang mula sa puno ng karunungan ng mabuti't masama. Tinukso ng ahas sina Eba't Adan, at nanaig ang tukso. Kinain nila ang bunga mula sa punong iyon, at pumasok sa mundo ang kasamaan sa pamamagitan ng pagsuway nina Eba't Adan sa utos ng Diyos. 

Ninakaw mula sa Diyos ang Kanyang nilikha. Inalipin ng kasamaan ang mga nilikha ng Diyos. Napakasakit para sa Diyos ang makita na ang Kanyang mga nilikha ay inaalipin ng kasamaan. Ang Diyos ay nag-isip ng plano kung paano Niya mababawi ang Kanyang mga nilikha. Babawiin ng Diyos ang Kanyang nilikha. Minamahal ng Diyos ang Kanyang mga nilikha, at nagplano Siya kung paano mababalik sa Kanya ang mga nilikha Niya. Ililigtas ng Diyos ang sangkatauhan mula sa kaalipinan ng kasamaan. Paano? Isusugo Niya ang Kanyang Bugtong na Anak na si Hesukristo. 

Sinabi ng Panginoong Hesus noong Siya'y dumating sa lupa, "Narito Ako upang tupdin ang Iyong kalooban." (Hebreo 10, 9) Hindi sumuway o tumalikod ang Panginoon sa kalooban ng Ama kailanman. Kahit na ninais gawing isang pulitikong hari si Hesus ng mga sumusunod sa Kanya, hindi Niya tinalikuran ang Ama. Kahit na nagkaroon si Hesus ng mga kaaway, kahit na binalak Siyang patayin ng mga autoridad, hindi Siya umatras sa kalooban ng Ama. Makikita natin ang katapatan ng Panginoong Hesukristo sa kalooban ng Ama at Siya'y nanatiling masunurin, kahit ang katumbas ng Kanyang pagiging masunurin ay ang Kanyang buhay sa lupa. Walang makapipigil sa Panginoon sa pagsunod sa kalooban ng Ama. 

Ang wika ng Panginoon sa krus sa Ebanghelyo bago Siya namatay: "Naganap na!" (Juan 19, 30) Naganap na ang paghahaing ginawa ng dakilang saserdote. Naganap na ang lahat ng mga propesiya ng mga propeta sa Lumang Tipan tungkol sa Mesiyas. Natupad na ang lahat ng gawain ng Mesiyas sa katauhan ni Hesus. Inihain ni Hesus ang Kanyang sarili bilang hain para sa ating mga kasalanan. Hindi natin mabilang ang dami ng kasalanan ng sangkatauhan. Napakaraming kasalanan ang sangkatauhan. Pero, sa pamamagitan ng paghahain ni Hesus sa krus, ang mga kasalanan ng sangkatauhan ay nilinis ng bawat patak ng dugo ng sangkatauhan. 

Si Hesus ang dakilang saserdote dahil napakadakila ng Kanyang paghahain sa krus. Hindi pangkaraniwan ang Kanyang inihain. Kung ang mga saserdote ay nag-aalay ng dugo ng mga hayop, lalung-lalo na ang mga tupa, inihain ni Hesus ang Kanyang sarili. Bagamat masakit para sa Ama ang makita na ang Kanyang Anak ay nagdurusa at namamatay, tinanggap Niya ang paghahaing ginawa ni Hesus alang-alang sa atin. Tinanggap ng Diyos Ama ang paghahain ni Hesus para sa atin. Hindi matumbasan ninuman ang paghahaing ginawa ni Hesus. 

Bakit inihain pa ni Hesus ang Kanyang sarili? Hindi ba't may mas madaling paraan upang mailigtas ang sangkatauhan? Oo, bilang Mesiyas, siguro may iba pang mga paraan si Hesus upang mailigtas ang sangkatauhan. Pero, pinili ni Hesus ang pinakamahirap na paraan ng pagliligtas. Pini ni Hesus na mamatay alang-alang sa ating mga kasalanan. Sa bawat patak ng dugo ni Hesus, nililinis ang mga kasalanan ng sangkatauhan. Gaano pa mang karami ang kasalanan ng sangkatauhan, mas marami pa rin ang mga patak ng dugo ni Hesus. 

Sinu-sino ang mga nililinis ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang dugo? Tayong lahat ay nililinis ng dugo ni Hesus. Pero, kinakailangan nating tanggapin o sumang-ayon sa paglilinis ni Hesus sa atin. Kahit gaano pa man tayo kamahal ni Hesus, ginagalang Niya ang ating desisyon. Hindi Niya tayo pipilitin na tanggapin ang Kanyang paghahain sa krus. Wala nang magagawa ang Panginoon kung hindi natin tanggapin ang Kanyang sakripisyo sa krus. Gaano pa man tayo kamahal, nasa atin ang desisyon kung tatanggapin natin ang Kanyang paghahain sa krus. 

Ipinapakita sa atin ng Diyos kung gaano Niya tayo kamahal sa pamamagitan ng pag-alay ni Hesus ng Kanyang sarili para sa ating lahat. Bagamat napakasakit para sa Ama na makita Niya na si Hesus ay mamatay para sa ating lahat, pinayagan ng Ama na si Hesus ay mag-alay ng buhay alang-alang sa atin. Pinapatunayan ng Diyos na talagang minamahal na tayo ng Diyos at dahil sa pagmamahal Niya sa atin, isinugo Niya ang Kanyang Anak na si Hesukristo upang iligtas tayo mula sa kasamaan at kamatayan. Minamahal Niya tayo at pinapalaya Niya tayo sa pamamagitan ng krus ni Hesus. 

Ang tawag natin sa Semana Santa sa wikang Filipino ay "Mahal na Araw." Tunay ngang mga Mahal na Araw ang mga araw na ipinagdiriwang natin ngayon. Sa mga araw na ito, ginugunita natin ang dakilang pagmamahal ng Diyos. Minamahal nga tayo ng Diyos at walang makakatumbas sa Kanyang dakilang pag-ibig sa atin. Nawa'y gunitain natin sa mga araw na ito ang dakilang pag-ibig ng Diyos. Dahil sa Kanyang pagmamahal Niya sa atin, isinugo ng Diyos ang Kanyang Bugtong na Anak, ang ating Panginoong Hesukristo, upang maging Mesiyas. Bagamat si Hesus ang hindi inaasahang Mesiyas, ang pulitikong Mesiyas, Siya ang tunay na Mesiyas na nagmamahal sa atin. Napakalaki ang sakripisyo ng Mesiyas na nagmamahal sa atin. Ang Mesiyas sa katauhan ni Hesus ang Dakilang Saserdote - inihain Niya ang Kanyang sarili alang-alang sa atin.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento