"Pater, dimitte illis, quia nesciunt, quid faciunt."
"Ama, patawarin Mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa." (Lucas 23, 34)
Ang pagpapatawad ay isa sa mga pinakamahirap gawin. Napakahirap magpatawad, lalung-lalo na kung mabigat ang kasalanan ng nagkasala sa atin. Isang halimbawa ng mga mabibigat na bagay ay ang pagkakanulo sa iyo ng isang matalik na kaibigan. Ang kaibigang ito ay pinagkakatiwalaan mo at talagang malapit sa iyo. Napakasakit tanggapin na ang kaibigang mapagkakatiwalaan ang siya pang magkakanulo sa iyo. Napakasakit ng mga kasalanang iyon, at nag-iwan pa ng mga malalaking sugat ang iniwan sa iyong puso't damdamin. Sino ang hindi masasaktan kapag may nagkasala sa kanya nang mabigat? Wala.
Ano ba ang nais nating gawin kapag mabigat ang kasalanan ng ating kapwa-tao sa atin? Hindi ba, nais nating gumanti? Kapag may utang, may kabayaran. Gusto nating maramdaman ng may kasalanan sa atin ang kasalanang ginawa niya sa atin. Kapag napakasakit ang kasalanang ginawa laban sa atin, ang kabayaran noon ay mas lalo pang masakit kadalasan. Humahanap tayo ng mga pagkakatong upang gantihan natin ang nagkasala sa atin. Kaya nga, sinasabi natin, "Kapag may utang, may kabayaran."
Naranasan din ito ng Panginoong Hesukristo. Ipinagkanulo Siya ng isa sa Kanyang mga alagad - si Hudas Iskariote. Si San Pedro Apostol, tatlong beses niyang ipinagkaila na kilala niya o isa siya sa mga alagad ni Hesus. Iniwanan si Hesus ng lahat ng Kanyang mga alagad (maliban na lamang kay San Juan). Ang mga taong nagbigay-pugay kay Hesukristo noong pumasok Siya sa Jerusalem ay tumalikod sa Kanya at hiniling kay Pilato ang Kanyang kamatayan sa Krus.
Sa halip na magtanim ng galit laban sa Kanyang mga kalaban, hiniling at ipinagdasal ni Hesus sa Ama na patawarin ang mga tumalikod, nagkanulo, at pumapatay sa Kanya. Bakit? Hindi ba mas maganda para kay Hesus na hilingin at ipagdasal sa Ama ang pagparusa at paglipol sa mga taong pumapatay sa Kanya? Oo, maaari nga Niyang ginawa iyon. Kung tutuusin, si Hesus ay walang ginawang kasalanan. Inosente ang Panginoong Hesus. Bakit hindi hiniling ni Hesus sa Ama na parusahan o sumpaan ang mga kalaban Niya?
Buong buhay ni Kristo, nagturo Siya tungkol sa pag-ibig at pagpapatawad. Sa panalanging itinuro ng Panginoon, binigyang diin ng Panginoon ang pagpapatawad. Ang Diyos ay mapagpatawad. Hindi Niya itinatanggi ang sinumang humihingi ng kapatawaran sa Kanya. Para sa lahat ang pagpapatawad ng Diyos. Walang pinipili ang Diyos kung sino ang dapat at hindi dapat patawarin. Lahat ay pinapatawad ng Diyos. Walang bawal o hadlang sa pagpapatawad ng Diyos.
Isa pa nga sa mga turo ng Panginoon ay ang pag-ibig sa mga kaaway natin. Napakahirap gawin iyon. Hindi nagbibiro ang Panginoon noong sinabi Niyang ibigin ang kaawa natin. Mahirap ang umibig sa kaaway, lalung-lalo na kung mabigat ang kasalanan o atraso ng ating kaaway sa atin. Hindi nga natin gusto ang ating kaaway, kailangan pa nating ibigin. Inuutusan tayo ng Panginoon na ibigin natin ang ating mga kaaway. Napakahirap.
Ang halimbawa ng pag-ibig sa kaaway ay ipinapakita sa atin ng Panginoong Hesukristo na nakabayubay sa Krus. Ang unang ginawa ni Hesukristo noong Siya'y ipinako sa Krus ay humingi Siya ng patawad mula sa Amang nasa langit para sa mga kasalanang ginagawa ng mga kaaway Niya laban sa Kanya. Isinagawa ni Hesus ang mga tinuro Niya tungkol sa pagpapatawad sa Krus. Nagdasal si Hesus sa Ama upang patawarin ang mga kalaban Niya.
"Mata sa mata at ngipin sa ngipin." (An eye for an eye, a tooth for a tooth). Binibigyang-diin ng kasabihang ito ang paghihiganti. Ito'y isang masikat at kontrobersyal na kasabihan. Ang ibig sabihin ng kasabihang ito ay anuman ang inutang, iyon din ang kabayaran. Pero, sinasabi ng yumaong si Martin Luther King, Jr. na kapag ang batas na ito ay sinundan ng mga tao ngayon, wala nang mata at ngipin ang tao ngayon. Walang kakwenta-kwenta ang paghihiganti. Kapag inisip ng isang tao na kapag naghiganti siya, siya'y magkakaroon ng kaginahawaan, nagkakamali siya. Mas lalo bibigat ang kanyang loob kapag naghiganti siya.
Mahirap mang tularan ang pagpapatawad ni Kristo, sikapin nating magpatawad katulad Niya. Sabi pa nga ni Kristo, "Maging mahabagin kayo gaya ng inyong Ama." Anuman ang ating kasalanan, handang magpatawad ang Diyos sa ating mga kasalanan. Walang hahadlang sa pag-ibig at awa ng Panginoon sa atin. Nawa ay sikapin rin nating magpatawad katulad ng Diyos. Mahirap man ang ibigin at patawarin ang ating mga kaaway, pero, kung humihingi tayo ng kapatawaran mula sa Diyos, dapat nating patawarin ang ating kapwa-tao.
Noong tinanong ni Pedro si Hesus kung ilang beses dapat magpatawad, sinabi ni Hesus na hindi lang pitong beses magpatawad ang isang tao, kundi 70 times 7 times. Ganyan magmahal at magpatawad ang Diyos. Hindi binibilang ng Diyos kung ilang beses tayo nagkasala laban sa Kanya. Kahit ilang beses nagkasala tayo laban sa Panginoon, nakahanda Siyang magpatawad. Nawa ay sikapin nating magpatawad, katulad ng pagpapatawad sa atin ng Diyos. Hindi natin kailangang gustuhin ang ating kaaway, pero kailangan nating ibigin at mahalin ang ating kaaway, katulad ng pagmamahal sa atin ng Panginoon.
IKALAWANG WIKA:
"Hodie meceum eris in Paradiso."
"Sinasabi ko sa iyo: Ngayon di'y isasama kita sa Paraiso." (Lucas 23, 43)
Ipinapangako ng Panginoong Hesus ang Kanyang kaharian kay Dimas, ang nagtitikang magnanakaw. Hindi naging maganda ang takbo ng buhay ni Dimas bago siya ipinako sa Krus. Isa siyang magnanakaw. Siguro, buong buhay niya, marami siyang ninakaw mula sa kanyang kapwa-tao. Ang pagnanakaw ay isang krimen sa mata ng Diyos at sa mata ng tao. Sa Sampung Utos ng Diyos, ang ikapitong utos ay ang pagbabawal sa pagnanakaw.
Ang pinakamahalatang bagay na ninanakaw ay ang pagnanakaw ng mga materyal na bagay katulad ng pera, relo, telepono at marami pang iba. Pero, hindi lamang iyon ang kaisa-isang paraan ng pagnanakaw. Maraming mga iba pang gawain na maituturing rin nating pagnanakaw. Katulad na lamang ng pagpatay at pagsisinungaling. Ang pagpatay sa kapwa ay isang paraan ng pagnanakaw sapagkat ninanakaw mo ang karapatan ng isang tao upang mabuhay. Ang pagsisinungaling ay isang uri ng pagnanakaw dahil ninanakaw mo ang katotohanan mula sa iyong kapwa. Maraming mga maling gawain na maaaring maging pagnanakaw.
Mahirap magbago kapag tayo ay nasasanay sa kamaliang ginagawa natin. Isang halimbawa nito ay ang pagnanakaw. Mahirap ang hindi magnakaw kung sanay ka nang magnakaw. Si Dimas, halimbawa. Bago siya ipinako sa krus kasama ni Hesukristo, wala siyang inisip tungkol sa pagbabagong-buhay. Sanay na siya sa pagnanakaw magmula noong nagsimula siya. Mahirap talagang magbago kapag sanay na ang isang tao. Para bang nagiging trabaho ni Dimas ang pagnanakaw. Doon lamang siya kumikita.
Ang salaring ito ay namuhay sa kadiliman ng kasamaan buong buhay niya. Hindi siya nakatawid mula sa kadiliman patungo sa liwanag. Naging tahanan na niya ang kadiliman. Mahirap para sa kanya ang lumabas mula sa kadiliman. Kung ang lalaking ipinanganak na bulag at si Lazaro ay nakatawid mula sa kadiliman patungo sa liwanag, hindi iyon nangyari kay Dimas. Namuhay siya bilang isang kriminal, kalaban ng batas. Mas madali ang gumawa ng masama kaysa mabuti para sa kanya.
Hindi nagtagal ay nahuli ng mga autoridad ang magnanakaw. Hinatulan rin siya ng kamatayan sa krus, ang death penalty noong kapanahunan ni Kristo. Napakabigat ng mga kasalanang ginawa niya laban sa kapwa-tao. Ilang beses na niyang nilabag ang batas ng kanyang bansa. Marami siyang ginawang kasalanan sa kanyang buhay. Dahil sa kasamaang ginawa niya, pinarusahan siya ng kamatayan sa krus. Ang parusa sa kanya ay napakatindi dahil paulit-ulit na ang paglabag niya sa batas. Sobra na.
Tatlo ang krus sa Golgota. Isa sa mga salarin ay nakapako sa kanan at kaliwa, habang si Hesus ay nakapako sa gitna nila. Nang makita niya na si Kristo ay kinukutya na walang kalaban-laban, naliwanagan siya. Isang inosenteng tao ang nakapako sa tabi niya. Walang kasalanang ginawa ang taong nakapako sa tabi niya. Sa pagkatao ni Kristo, nakita niya ang liwanag. Tatawid siya mula sa kadiliman papunta sa liwanag sa pamamagitan ng Panginoon.
Ang Panginoon naman ay nananalangin para sa mga kumukutya at nanlilibak sa Kanya habang nakapako sa Krus. Si Hestas, ang isang salaring ipinako rin ay kumutya rin sa Panginoon. Hinamon niyang iligtas ng Panginoon ang Kanyang sarili at isama rin ang dalawang salarin na ipinako rin sa krus. Pero, ipinagtanggol ni Dimas ang Panginoon. Nakita niya na isang matuwid na tao ang Panginoon. Walang ginawang kasalanan ang Panginoon. Inosente ang Panginoon. Pinagsabihan pa nga niya si Hestas dahil sa pagkutya niya sa Panginoon. Kahit nakapako sa krus, si Hestas ay wala pa ring takot sa Diyos.
Sa pamamagitan ng pagtanggol sa Panginoon, inaamin rin ni Dimas na siya, si Hestas at ang lahat ng mga naroroon ay mga makasalanan, maliban na lamang sa isang taong ipinako sa gitna nina Dimas at Hestas, ang Panginoong Hesukristo. Nagkaroon ng lakas si Dimas na aminin ang mga pagkakamaling ginawa niya buong buhay niya. Namuhay siya sa kadiliman at nakakita siya ng liwanag habang siya'y namamatay sa krus. Pinarusahan siya dahil nararapat siya. Habang dinadanas niya ang parusa sa kanya, nakakita siya ng liwanag sa pamamagitan ni Hesus.
Katulad nina Dimas at Hestas, tayo rin ay mahihina. Nagkakasala tayo palagi. Marami tayong mga pagkakasalang ginagawa araw-araw. Sino sa atin ang may karapatan na magsabig wala siyang kasalanan? Wala. Lahat tayo ay mga makasalanan. Ang Diyos lang ang perpekto. Tayong lahat, may dungis ng kasalanan. Pero, huwag tayo mawalan ng pag-asa. May liwanag sa dilim. Handang-handa ang Diyos na patawarin tayo. Magkaroon nawa tayo ng lakas katulad ni Dimas na aminin ang kanyang pagkakamali at humingi ng kapatawaran mula sa Diyos. Ang Diyos ay maaawain, walang pagmamaliw ang awa at pag-ibig ng Diyos.
Ginantimpalaan si Dimas ng Panginoong Hesus dahil sa kanyang katapangan. Ang pangako ni Hesus kay Dimas ay isasama ni Hesus si Dimas sa Paraiso. Huwag na tayo maghanap ng mga palusot kung tayo ay nagkakasala. Huwag tayong matakot na aminin ang ating pagkakamali sa harapan ng Diyos. Tayong lahat ay tao, may kahinaan at pagkakamali rin. Ang Diyos ay naghihintay sa araw ng ating pagbabalik-loob sa Kanya. Sa araw ng ating pagbabalik-loob sa Diyos, labis ang galak ng Diyos na nahanap na sa wakas ang mga tupang naliligaw.
Maaawain at mapagmahal ang Panginoong Diyos at hindi Niya itatakwil ang sinumang lumapit sa Kanya upang humingi ng kapatawaran. Hinding-hindi tayo itatakwil ng Diyos kapag tayo ay humingi ng awa sa Kanya.
IKATLONG WIKA:
"Meum, ecce filius tuus... Ecce Mater tua."
"Babae, narito ang iyong anak... Narito ang iyong ina." (Juan 19, 26-27)
Siguro, marami po ang mga magtatanong, "Nasaan po si San Jose noong si Hesus ay ipinako sa krus?" Pagkatapos ng paghahanap kay Hesus sa Templo, wala na tayong mapapakinggan pa tungkol sa Banal na Pamilya nina Hesus, Maria, at Jose. Tahimik silang nabuhay nang mapayapa at puno ng pagmamahalan sa isa't isa. Bago magsimula ang pangangaral ng Panginoong Hesus, si San Jose ay namatay. Dahil sa pagkamatay ni Jose, si Hesus ay nagtrabaho para sa pamilya. Si Hesukristo ay nagtrabaho para sa Kanyang sarili at para kay Maria.
Noong si Kristo'y tatlumpung taon gulang na, sinimulan na Niya ang Kanyang pangangaral. Si Kristo at ang Mahal na Ina ay naghiwalay sa simula ng Kanyang ministro. Ano naman ang ginagawa ng Birheng Maria habang si Kristo ay nagtuturo? Siguro, sinusubaybayan at nakikinig ang Mahal na Birhen sa mga tinuturo ng Panginoon. Tahimik na sinusubaybayan at nakikinig ng Birheng Maria sa mga pagtuturo ni Hesukristo. Kahit na iniwan ni Kristo ang Kanyang tahanan sa Nazaret, sinasamahan pa rin Siya ng Mahal na Ina sa katahimikan.
Dalawang beses nagkita ang Panginoong Hesukristo at ang Mahal na Birheng Maria noong si Hesukristo'y hinatulang mamatay. Ang unang pagkakita ng mag-ina ay habang pinapasan ni Hesus ang Kanyang Krus sa Via Dolorosa. Hindi ito mahahanap sa Bibliya, ngunit ito ang Ika-4 na Istasyon sa Tradisyunal na Daan ng Krus. Ang pangalawang pagkita nila ay noong si Hesus ay nakabayubay na sa Krus. Ang wikang pinagninilayan ngayon ay tungkol kay Ginoong Santa Maria at si San Juan Apostol sa paanan ng Krus ni Kristo Hesus.
Napakasakit para kay Santa Maria na makita ang kanyang anak na ipinako sa krus. Para sa isang ina, masakit para sa kanila ang makita ang kanilang anak na nasasaktan, nahihirapan, at nagdurusa. Alam ni Santa Maria na walang kasalanang ginawa si Hesukristo. Hindi nararapat kay Kristo ang mamatay sa Krus dahil wala naman Siyang kasalanan. Kung maaari, ang Birheng Maria ang maaaring maging testigo para kay Hesukristo upang patunayan na walang kasalanan si Hesus. Pero, nakiisa rin si Maria sa paghihirap ni Hesus. Tahimik na nakiisa si Maria sa pagpapakasakit ni Hesus.
Hindi iniwan ni Maria si Hesus. Iniwan at tinalikuran ng mga alagad (maliban na lang kay San Juan Apostol) ang Panginoon. Si Hudas Iskariote ang nagkanulo kay Hesus kapalit ng tatlumpung pirasong pilak. Si San Pedro Apostol naman ay nagtatwa kay Hesus nang tatlong beses upang hindi siya mapahamak. Kahit na iniwanan si Hesus ng Kanyang mga alagad (maliban kay San Juan Apostol), hindi Siya iniwanan ni Maria. Ipinapakita nito ang katapatan ng Mahal na Birheng Maria.
Si Hesus ay katulad natin. Nagkatawang-tao at namuhay katulad natin, maliban na lamang sa pagkakasala. Hindi ba, tayong lahat ay mayroong mga ina? Kung wala tayong mga ina, paano tayo mabubuhay ngayon? Nagpakababa si Hesus at namuhay bilang tao, ngunit hindi Siya nagkasala. Si Hesus, katulad natin, may Ina. Kahit na Siya'y Diyos, hindi Siya nagpakita agad. Isinilang ni Maria si Hesus sa sabsaban sa Betlehem at namuhay Siya na may mga magulang. May pamilya rin si Hesus. Hindi Niya ipinagkait o ikinahiya si Maria.
Noong sinabi ni Hesus, "Ang sinumang gumagawa sa kalooban ng Diyos ang Aking ina at mga kapatid," ikinakahiya ba Niya si Maria? Hindi. Ipinapakilala ni Hesus ang mga kabilang sa Kanyang pamilya. Si Maria ay isang halimbawa ng sinabi ni Hesus. Hindi Niya ipinagkakait si Maria bilang Kanyang Ina. Minamahal ni Hesus ang Kanyang Inang si Maria. Ang ikaapat na utos sa Sampung Utos ng Diyos ay ang paggalang sa mga magulang. Si Hesus, bilang tao, ay sumunod sa utos na ito. Bilang Diyos, Siya ay nag-utos sa lahat ng mga tao na dapat ibigin at igalang ng isang tao ang kanyang mga magulang.
Si San Juan Apostol ang kumakatawan sa atin sa paanan ng Krus. Inihabilin ni Hesus si Maria kay Juan at sa ating lahat. Si Maria ay inihahabilin sa atin bilang ating ina at huwaran. Tayong lahat ay naging mga kapatid at bahagi ng pamilya ni Kristo dahil si Maria ang ating ina. Ang pananalig at pagiging masunurin ng Mahal na Ina sa kalooban ng Diyos ay dapat nating tularan. Hindi nawalan ng pag-asa at pananalig ang Mahal na Birheng Maria sa Diyos sa mga pagsubok sa buhay. Bagkus, si Maria ay nananalig pa rin sa Diyos hanggang sa kanyang kamatayan. Nawa ay maging matapang tayo katulad ni Maria na nananalig at sumusunod sa kalooban ng Diyos. Tularan natin ang pagtalima ni Maria sa kalooban ng Diyos. Si Maria ay isang huwaran na dapat nating tularan.
IKAAPAT NA WIKA:
"Deus Meus, Deus Meus, utquid dereliquisti Me?"
"Diyos Ko, Diyos Ko, bakit Mo Ako pinabayaan?"
(Marcos 15, 34 at Mateo 27, 46)
Sa unang dinig, si Kristo ay nawawalan ng pag-asa. Nagrereklamo at mukhang nagagalit na si Kristo dahil mag-isa na lang Siya. Iniwan Siya ng lahat ng Kanyang mga alagad (maliban kay San Juan Apostol). Si Hesus ay ipinagkanulo ni Hudas Iskariote kapalit ng tatlumpung pirasong pilak, ikinahiya ni San Pedro Apostol nang tatlong ulit, at ang mga taong sumalubong sa Kanya noong pumasok Siya sa Herusalem ay kumukutya sa Kanya. Wala nang kasama ang Panginoon; mag-isa na lamang Siya. Kapag nadinig natin ang pagsigaw ni Kristo ng "Diyos Ko, Diyos Ko, bakit Mo Ako pinabayaan?", ang unang iisipin natin ay wala nang pag-asa si Kristo.
Kadalasan, kapag nasasabi natin, "Bakit mo ako pinabayaan?" may halong galit ang pagtanong na ito. Hindi ito sa kaso ng Panginoon. Ang Panginoon ay hindi nagalit, nawalan ng pag-asa o nagrereklamo sa Ama. Bagkus, nagdarasal Siya. Dinarasal Niya ang Salmo 22, ang panalangin ng paghihirap. Bagamat hindi nasusulat, masasabi natin na binanggit ng Panginoon ang unang linya ng Salmo 22 at dinasal Niya sa katahimikan ang kabuuan ng Salmo 22. Ang wika ng Panginoon ay hindi wika ng kawalan ng pag-asa, galit o pagrereklamo. Ito ay isang wika ng panalangin.
Hindi lang isang panalangin ang Salmo 22. Ang Salmo 22 ay isa ring propesiya tungkol sa pagpapakasakit at pagkamatay ni Hesus. Kinutya ng mga tao si Hesus na nakapako sa krus at ang mga nagbabantay kay Hesus sa krus ay nagsapalaran para sa Kanyang damit. Ilan lamang iyon sa mga inilalarawan ng Salmo 22 tungkol sa pagpapakasakit at pagkamatay ng Panginoong Hesus. Ang lahat ng ito'y natupad noong si Hesus ay nakapako sa krus.
Sinasabi sa aklat ni propeta Isaias, "Dahil sa ating mga kasalanan kaya Siya nasugatan; Siya ay binugbog dahil sa ating kasamaan. Tayo ay gumaling dahil sa pahirap na tinamo niya at sa mga hampas na kanyang tinanggap." (Isaias 53, 5) Ang Panginoong Hesus ang tinutukoy ng Propeta Isaias noong sinulat ni Isaias ang kanyang propesiya tungkol sa pagdurusa ng lingkod ng Diyos. Si Hesus ay nagdusa at namatay sa krus alang-alang sa atin. Tayo ang dapat pinarusahan para sa dami ng ating mga kasalanan. Pero, dahil minamahal tayo ng Panginoon, inalay Niya ang Kanyang sarili, pinasan Niya ang kasalanan at kasamaan ng sangkatauhan, at namatay alang-alang sa atin.
Ang panalangin naman ni Hesus sa wikang ito sa Ama ay ang kapatawaran para sa mga kasalanan ng bawat tao. Pinapasan Niya ang kasalanan ng bawat tao. Muling humingi ng kapatawaran ang Panginoon para sa ating mga kasalanan. Bilang tao, tayo ay nagkakasala. Tayong lahat ay may lakas at may mga kahinaan. Hindi tayo perpekto. Marami tayong dungis ng kasalanan. Ang Diyos lang ang walang dungis ng kasalanan. Siya lamang ang makapangyarihan at ang pinakamabuti sa lahat. Walang makakapantay sa pagiging perpekto ng Diyos. Walang perpektong tao sa mundo. Kahit ang mga pari, madre, at iba pang mga lingkod ng Diyos, marami din silang mga kahinaan. Nagkakasala rin sila. Kaya, importante ang magdasal para sa kanila upang sila'y patnubayan ng Diyos.
Ipinapakita ng Panginoong Hesukristo sa wikang ito na minamahal Niya tayo at pinapasan Niya ang bigat ng ating mga kasalanan. Si Hesus ay nagdasal at humingi ng kapatawaran mula sa Ama para sa lahat ng mga kasalanan natin. Minamahal at pinapatawad tayo ni Hesus mula sa ating mga kasalanan. Si Hesus ay ang dakilang saserdote. Ang hain ng dakilang saserdote ay ang Kanyang sarili. Inalay ni Hesus ang Kanyang sarili bilang handog sa Ama na patawarin tayo mula sa ating mga kasalanan. Napakadakila ng haing ginawa ng dakilang saserdote na si Hesus. Ang hain ni Hesus ay perpekto at walang makakapantay sa hain ni Hesus.
Huwag tayong mawalan ng pag-asa sa Diyos. Hindi itinatakwil ng Diyos ang sinumang lumalapit sa Kanya upang humingi ng kapatawaran. Itinakwil ba Niya ang paghahaing ginawa ni Hesus para sa ating mga kasalanan? Hindi. Hindi itinakwil ng Ama ang paghahain ng Anak para sa sangkatauhan. Bagkus, tinanggap Niya ang paghahain ng Ama at pinapatawad Niya tayo mula sa ating mga kasalanan dahil minamahal Niya tayo. Ipinapakita ng Diyos sa atin ang Kanyang dakilang pag-ibig sa atin sa krus ni Hesus. Pinayagan ng Diyos na mamatay si Hesus sa krus upang tayo ay maligtas mula sa kasalanan at kamatayan.
Nawalan ba ng pag-asa si Hesus sa Ama? Hindi. Bagkus, buong pagtitiwala Niyang inihain ang Kanyang sarili para sa ating lahat sa Ama. Tinanggap naman ng Ama ang paghahain ni Hesus, ang dakilang saserdote. Nawa ay huwag rin tayong mawalan ng pag-asa sa Diyos. Lumapit tayo sa Kanya at humingi ng kapatawaran sa Kanya para sa mga kasalanang ginawa natin laban sa Kanya. Hindi tayo itatakwil ng Diyos dahil minamahal Niya tayo at handang-handa Siyang magpatawad.
IKALIMANG WIKA:
"Sitio."
"Nauuhaw Ako." (Juan 19, 28)
Bahagi ng buhay ang pagkauhaw. Nauuhaw tayo dahil kinakailangan nating uminom at napapagod na tayo. Iilan lamang sa mga iniinom natin ay tubig, gatas, juice at soft drinks upang mapawi ang ating pagkauhaw. Maginhawa ang ating pakiramdam kapag napawi na ang ating pagkauhaw. Ang pag-inom sa tuwing tayo ay nauuhaw ay pagtugon sa pangangailangan ng ating mga katawan.
Hindi lang po tubig ang kinauuhawan natin. Bilang tao, may mga kinauuhawan tayo na hindi kayang pawiin ng inumin. Mga halimbawa nito ay ang pagkauhaw sa kayamanan, pagkauhaw sa atensyon, pagkauhaw sa kapangyarihan, pagkauhaw sa pag-ibig at maraming iba pa. May mga tao pa nga, kahit mayaman na sila, kahit gaano pa man sila kayaman, ay palaging malungkot. Bakit? Nasa kanila na ang lahat ng kapangyarihan at yaman. Bakit malungkot pa rin sila? May mga pagkauhaw din sila na hindi mapawi ng kayamanan at kapangyarihan. Ganun din po ang nangyayari sa atin kadalasan. Hindi mapawi ng tubig o anumang materyal na bagay ang ating pagkauhaw. Parang may kulang.
Ang ikalimang wika ng Panginoong Hesus mula sa krus ay ang pinakaiksing salita sa Pitong Huling Wika ng Panginoon. Ang Diyos na Siyang lumikha ng tubig ang humihingi ng tubig mula sa tao. Ang Diyos, sa katauhan ni Hesus, ay nagpangako ng tubig ng buhay sa babaeng Samaritana noong nagkatagpo sila sa Balon ni Jacob. Ngayon, ang Diyos, sa katauhan ni Hesus, ay humihingi ng maiinom. Nauuhaw Siya. Uhaw na uhaw na Siya. Pagkatapos ng ilang kilometro ng paglalakbay mula sa palasyo ni Pilato papuntang Golgota. Uhaw na uhaw ang Panginoon.
Maaaring inumin ni Kristo ang suka na ibinigay sa Kanya ng kapitan ng mga kawal bago pa man Siya ipinako sa Krus. Pero, bakit hindi Niya ininom? Ayaw Niyang mabawasan ang bawat patak ng dugo sa Kanyang paghihirap upang tubusin ang sangkatauhan. Gusto ni Kristo na buong-buo ang bawat patak ng dugo upang matubos ang sangkatauhan. Sa pamamagitan ng Kanyang dugo ay nililinis ang bawat tao mula sa kanilang mga kasalanan. Nagtiis Siya alang-alang sa atin.
Ano naman ang kinauuhawan ng Panginoon? Nauuhaw na nga Siya, pero hindi Niya tinanggap ang alak o suka na ibinigay sa Kanya. Ano ba ang kinauuhawan ng Panginoon? Tayo ang Kanyang kinauuhawan Niya. Nauuhaw Siya para sa atin. Tinatawagan tayo ng Panginoon na magbalik-loob sa wikang ito. Uhaw na uhaw Siya para sa ating pagbabalik-loob sa Kanya. Nakahanda Siyang patawarin tayo dahil minamahal Niya tayo.
Kung tinutugon natin ang pangangailangan ng ating mga katawan, kaya ba nating tumugon sa pagtawag ni Kristo sa atin? Tinatawag tayo ng Panginoon na magbalik-loob sa Kanya. Ang hiling ng Panginoon sa wikang ito ay ang ating pagbabalik-loob natin sa Kanya. Saan nga ba tayo patungo? Marahil ay pumupunta at naglalakad tayo sa kadiliman ng kasalanan. Nauuhaw na ang ating kaluluwa. Kahit ano pa ang gawin natin, para bang may kulang. Walang makakapawi sa uhaw ng ating kaluluwa. Nakakalungkot, halos hindi natin ito pinapansin. Mas binibigyang pansin natin ang ating mga pisikal na pangangailangan.
Hindi lahat ng bagay sa mundo ang nakakapawi sa ating mga uhaw. Anuman ang nakukuha natin, para bang may kulang. Maaaring ang isang tao ay ang pinakamayaman sa buong mundo, pero hindi siya kuntento. Nalulungkot siya. Kahit nasa kanya na ang lahat ng kayamanan, hindi pa siya masaya. Uhaw pa rin siya. May kulang sa kanyang buhay. Hindi siya masaya dahil may kulang. Kahit ano pa ang gawin niya, hindi pa siya makuntento.
Ang Diyos lamang ang nakakapawi sa ating pagkauhaw. Tayo ay nagiging kuntento sa Diyos. Siya lamang ang may kapangyarihang pawiin ang ating pagkauhaw nang buong-buo. Walang makakapantay sa kapangyarihan ng Diyos. Pinapawi Niya ang ating mga kauhawan ng ating kaluluwa. Nasa Kanya ang tubig na walang hanggan. Hindi po ito literal na tubig. Napapawi ng literal na tubig ang ating pagkauhaw, pero pansamantala lamang iyon. Kapag lumapit tayo sa Diyos, papawiin Niya ang pagkauhaw ng ating kaluluwa.
Tanungin po muna natin ngayon ang ating mga sarili: Ano ang ating tugon sa pagkauhaw ni Hesus?
IKAANIM NA WIKA:
"Consummatum est."
"Naganap na." (Juan 19, 30)
Ang Panginoong Hesus ay hindi sumuko kahit kailan buong buhay Niya. Maraming pagkakataon sa buhay ni Hesus kung saan maaari Siyang sumuko. Katulad na lamang noong si Hesus ay hindi tinanggap ng Kanyang mga kababayan sa Nazaret. Masakit para kay Hesus ang hindi tanggapin sa Nazaret, dahil ang Panginoon ay lumaki sa Nazaret kasama nina Jose at Maria. Kahit na hindi tinanggap si Kristo sa Nazaret, hindi pa rin Siya sumuko.
Patuloy na sinundan ni Hesus ang kalooban ng Ama buong buhay Niya, kahit ang ibig sabihin noon ay mamatay Siya sa krus. Tinutulan ng mga alagad ang pagkamatay Niya sa krus, pero, naganap ang plano ng Diyos. Ipinako at namatay Siya sa krus para sa ating mga kasalanan. Hindi Niya hinandlangan o sinuway ang plano ng Ama. Kahit kailan, hindi sumuway sa kalooban ng Ama ang Panginoon. Sabi pa nga ni Kristo sa Halamanan, "Mangyari nawa ang kalooban Mo."
Ang ikaanim na wika ng Panginoon sa krus ay isang pagpapahayag na tapos na ang Kanyang misyon. Pagkasabi nito, ang Panginoon ay nagbuntong-hininga. Natapos na ang Kanyang misyon. Sinunod Niya ang kalooban ng Ama. Nagtagumpay Siya laban sa kasamaan at kamatayan. Binayaran na Niya ang kasalanan ng sangkatauhan. Nagtagumpay na ang Panginoon. Si Kristo ay nagtagumpay sa Kanyang misyon.
Ang krus ang simbolo ng tagumpay ni Kristo laban sa kasamaan at kamatayan. Kaya, ang makikita natin sa ating mga Simbahan ay ang crucifixo o ang imahen ni Hesus na nakabayubay sa krus. Sa pamamagitan ng krus, nagtagumpay si Hesus para sa ating lahat. Ang tagumpay ni Hesus sa krus ay tagumpay rin natin. Nanaig ang plano ng Diyos. Nagtagumpay ang Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus. Iniligtas na tayo ng Panginoon. Ang oras na ito, na dapat oras ng hapis, ay oras rin ng tagumpay.
Pinasan ni Hesus ang ating mga kasalanan sa krus. Ang lahat ng ating mga kasalanan ay binayaran na Niya. Tayo ang dapat nakapako sa krus, ngunit dahil minamahal tayo ng Diyos, pinayagan Niya na ang Kanyang Bugtong na Anak na si Hesukristo ang pumalit sa atin bilang hain para sa ating mga kasalanan. Inihandog ni Hesus ang Kanyang sarili bilang hain sa Ama sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. Si Hesus ay ang dakilang saserdote sapagkat ang Kanyang pag-aalay ay walang katulad at perpekto. Si Hesus ang Kordero ng Diyos sapagkat ang kordero ay ginagamit noong kapanahunan ni Kristo bilang hain para sa ikapagpapatawad ng kasalanan ng sangkatauhan. Hindi pangkaraniwang kordero ang inalay ni Hesus, ang Kanyang sarili ang inalay Niya.
Ngayon naman, nasa atin ang desisyon kung tatanggapin natin ang paghahain at tagumpay ni Hesus sa krus o hindi. Hindi tayo didiktahan ng Diyos. Hindi pipili ang Diyos para sa atin. Binigyan tayo ng kalayaan upang piliin kung tatanggapin natin ang alay ni Hesus sa krus o hindi. Hindi tayo pipilitin ng Diyos. Minamahal tayo ng Diyos at iginagalang Niya ang kalayaan natin. Kahit gaano pa mang gusto ng Diyos na tanggapin natin ang tagumpay at pag-aalay ni Hesus ng Kanyang sarili, nasa atin pa rin ang desisyon kung tatanggapin natin ang tagumpay at paghahain ni Hesus ng Kanyang sarili alang-alang sa atin.
Habang nagpakasakit at namatay si Kristo, tayo ay Kanyang inisip. Tayong lahat at ang ating kaligtasan ang nasa isipan ni Kristo. Ganung tayo kamahal ng Panginoon. Inisip Niya tayo habang Siya'y nagpapakasakit. Tayong lahat ay naging dahilan kung bakit Siya nakapako sa krus. Kung gugustuhin ng Panginoon, maaari sana Siyang bumaba mula sa krus gamit ang Kanyang kapangyarihan. Pero, nanatiling masunurin si Kristo sa kalooban ng Ama. Hindi Siya tumalikod sa kalooban ng Ama at hindi Niya tayo tinalikuran.
Tularan natin ang pagtitiis ng Panginoong Hesukristo. Hindi Niya tinalikuran ang kalooban ng Ama at hindi Niya isinuko ang pag-ibig Niya sa atin. Patuloy na naging masunurin si Hesus sa kalooban ng Ama at naging mapagmahal sa atin hanggang kamatayan. Hindi madali ang pagtitiis hanggang sa katapusan. Gaano mang kahirap ang mga tiniis ni Hesus, tiniis Niya ito alang-alang sa ating lahat. Si Hesus ay hindi sumuko hanggang sa katapusan. Huwag rin tayong sumuko hanggang sa katapusan.
IKAPITONG WIKA:
"In manus tuas, Domine, commendo spiritum meum."
"Ama, sa mga kamay Mo'y ipinagtatagubilin Ko ang Aking Espiritu."
(Lucas 23, 46)
Habilin. Ang paghahabilin ay ang pag-uutos at pagkakatiwala ng isang bagay sa kamag-anak, matalik na kaibigan, o isang taong mapagkakatiwalaan. Kadalasan, ang paghahabilin ay nagaganap bago mamatay ang isang tao. Inihahabilin ng isang tao sa kanyang kamag-anak, kaibigan o isang taong mapagkakatiwalaan ang isang mahalagang bagay para sa kanya. Halimbawa, inihahabilin ng isang tao ang kanyang bahay sa kanyang kamag-anak na alagaang mabuti ang bahay na iyon. Linisin araw-araw, puntahan ang bahay, ipaayos ang bahay at marami pang iba. Nananalig ang taong iyon na ang bahay ay mananatili sa mabuting kalagayan, bago pa siya bumalik o pagkatapos siyang mamatay.
Bago namatay si Hesus sa krus, may inihabilin Siya sa Ama. Ang Kanyang Espiritu. Sumuko na si Hesus sa kalooban ng Ama, at isinusuko na rin ni Hesus ang Kanyang Espiritu sa Ama. Hindi nawalan ng pag-asa si Hesus ng Ama. Kahit na nagdurusa si Hesus, hindi pa rin nawalan ng pananalig sa Ama. Anumang pambabastos ang ginawa ng mga tao kay Hesus, nanalig pa rin Siya sa Ama. Natapos na ang Kanyang misyon, at ipinagkakatiwala Niya sa Ama ang lahat ng mangyayari sa Kanya. "Ama, bahala na po Kayo sa mangyayari sa Akin," ang ibig sabihin ng ikapitong wika ni Hesus. Sumuko si Hesus sa kalooban ng Diyos, at isinuko Niya ang Kanyang Espiritu sa Ama.
Malilito siguro kayo kung bakit kanina, sinabi ko, huwag sumuko dahil si Hesus ay hindi sumuko. Ngayon naman, sinasabi ko, si Hesus ay sumuko sa kalooban ng Ama at isinuko rin Niya sa Ama ang Kanyang Espiritu. Ang ibig sabihin ng salitang 'sumuko' na ginamit ko kanina ay ang pagtalikod. Ang negatibong pagsuko. Ang 'sumuko' na ginagamit ko ngayon ay ang positibong pagsuko. Pagsunod at pagtiwala ang positibong pagsuko na ginagamit ko. Iyon po. Maaaring gamitin ang salitang 'pagsuko' sa positibo o sa negatibong paraan.
Bago natin isuko ang lahat sa Diyos, kailangan nating sumuko sa Kanyang kalooban. Sumunod tayo sa kalooban ng Diyos, katulad ng pagsunod ni Kristo sa kalooban ng Diyos. Hindi pinayagan ni Kristo na hadlangan ninuman o anuman ang pagsunod Niya sa kalooban ng Diyos. Sinabi ni Kristo sa halamanan, "Mangyari nawa ang kalooban Mo." Ang panalangin ni Kristo sa halamanan ng Getsemani ay ang pagsuko at pag-sang-ayon Niya sa kalooban ng Ama. Sa pamamagitan ng pagsuko sa kalooban ng Ama, sumang-ayon si Kristo sa kalooban ng Ama.
Noong sumuko ang Panginoon sa plano ng Ama, hindi Siya nagreklamo. Hinding-hindi Siya umatras sa kalooban ng Ama. Bagamat napakasakit ang mga pananakit na ginagawa ng mga tao sa Panginoon, hindi Siya umatras sa kalooban ng Ama. Sinunod ng Panginoon ang kalooban ng Ama at hindi Siya nagreklamo kung bakit Niya kinailangang magdusa. Bagkus, inalay Niya ang Kanyang sarili sa kalooban ng Ama. Ang Anak ay naging masunurin sa kalooban ng Ama, kahit napakasakit ang mga pananakit na gagawin sa Kanya.
Ang Panginoong Hesus ay hindi rin nawalan ng pag-asa sa Ama. Sa huling wika ng Panginoon mula sa krus, ipinapakita Niya ang Kanyang buong pagtitiwala sa Ama. Kung gagamitin natin ang madaling salita upang ilarawan ang ibig sabihin ng Panginoon, masasabi Niya na, "Ama, bahala na po Kayo sa Akin. Natapos Ko na po ang pinagawa Ninyo sa Akin. Kayo na po ang bahala. Tapos na po ang Aking misyon. Nagtagumpay po Ako, Ama. Bahala na po kayo sa anumang mangyari sa Akin." Buong pagtitiwala inihabilin ng Ama ang Kanyang Espiritu.
Hindi tayo bibiguin ng Diyos. Ang Diyos ay hindi nakakabigo. Dapat manalig sa Kanya ang lahat. Walang binibigo ang Diyos. Tapat ang Diyos sa Kanyang pangako sa atin. Kapag tayo ay nabibigo, tinutulungan tayo ng Diyos. Tinutulungan tayo ng Diyos na manalig sa Kanya. Ang Diyos ay laging handang tumulong sa mga nabibigo. Ipinapaalala sa atin ng Diyos na hindi tayo nag-iisa sa panahon ng pagsubok. Bagkus, ang Diyos ay kasama at karamay natin sa panahon ng pagsubok.
Sa kabila ng pagdurusa at kamatayan, si Hesus ay hindi nawalan ng pananalig sa Ama. Ipinapakita ni Hesus sa wikang ito na kung sa tingin natin ay wala na tayo mapagkakatiwalaan, nagkakamali tayo. Ang Diyos ay mapagkakatiwalaan. Hinding-hindi tayo bibiguin ng Diyos. Mapagkakatiwalaan at tapat ang Diyos sa lahat ng tao. Anuman ang estado natin sa buhay, ang Diyos ay laging nandoon kasama natin, nakikiramay at tumutulong sa atin na manalig sa Kanya. Ang Diyos ay ang Emmanuel, ang Diyos na palagi nating kasama. Hinding-hindi tayo pababayaan o bibiguin ng Diyos. Ang Diyos ay kaisa natin sa bawat araw, sa hirap at ginhawa, at hanggang sa katapusan ng ating buhay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento