Huwebes Santo:
Pagmimisa sa Pagtatakipsilim sa Paghahapunan ng Panginoon
Exodo 12, 1-8. 11-14/Salmo 115/1 Corinto 11, 23-26/Juan 13, 1-15
Dalawang sakramento ang itinatag ng Panginoong Hesus sa gabi ng Huwebes Santo. Ang unang Sakramentong itinatag ni Hesus ngayon ay ang Sakramento ng Eukaristiya. Sa bawat pagdiriwang ng Banal na Misa, inaalaala natin ang Huling Hapunan ng Panginoon. Ang Panginoong Hesus ay kumuha ng tinapay at alak at ibinigay sa Kanyang mga alagad. Sa mga salita ng pari sa Banal na Konsekrasyon, ang ordinaryong tinapay at alak ay nagiging Katawan at Dugo ni Hesukristo. Si Kristo ay nasa piling natin sa pamamagitan ng tinapay at alak.
Ang ikalawang Sakramento na itinatag ni Kristo ay ang Sakramento ng Banal na Orden o pagpapari. Si Kristo ay isang pari din. Siya ang pinakadakilang Pari sa lahat ng mga pari. Bakit? Walang katulad ang inihandog ni Kristo. Ang mga Pari noong kapanahunan ni Kristo ay nag-aalay ng mga tupa o kordero para sa kapatawaran ng mga kasalanang ginawa ng bayang Israel. Si Hesus ay namuhay na walang kasalanan. Kailanman ay hindi nagkasala si Hesus laban sa Ama. Pero, ipinasan Niya ang kasalanan ng sangkatauhan sa Kanyang pag-aalay ng sarili sa Kalbaryo. Ang handog ni Hesus sa krus ay ang perpektong pag-aalay at iyon ay sapat na. Hindi na mapantayan ninuman ang paghahandog ni Kristo ng Kanyang sarili sa Krus.
Sa bawat pagdiriwang ng Banal na Misa, dalawang pangyayari ay ating ginugunita. Ang unang pangyayari ay ang Huling Hapunan ng Panginoon dahil doon inihandog Niya ang Kanyang Katawan at Dugo sa pamamagitan ng tinapay at alak. Ang pangalang pangyayari naman ay ang paghahandog ng Panginoon ng Kanyang sarili sa Kalbaryo. Sinabi pa nga ng Panginoong Hesus sa Huling Hapunan: "Ito ang Aking Katawan, na ihahandog para sa inyo." Inihandog ni Hesus ang Kanyang katawan para sa atin sa Kalbaryo. Walang katulad ang paghahain ni Hesus sa Krus.
Ibinilin ni Kristo sa mga alagad na alalahanin Siya sa bawat salu-salo. Ang Banal na Misa ay isa ring salu-salo. Nagkakatipon tayo upang ipagdiwang at gunitain ang Pag-aalay ni Kristo ng Kanyang sarili sa krus. Sa bawat pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya, si Kristo ay inaalaala natin. Ang Panginoong Hesukristo ay nagbuwis ng buhay sa krus alang-alang sa atin. Minamahal Niya tayo at alang-alang sa atin, nag-alay Siya ng buhay sa krus. Ito'y ating ginugunita at ipinagdiriwang sa bawat pagdiriwang ng Banal na Misa.
Ang pag-aalay ni Hesus ng Kanyang sarili ay ang paglaya natin mula sa kaalipinan ng kasalanan at kamatayan. Ang Huling Hapunan ni Hesus kasama ng mga alagad ay ang Hapunang Pampaskuwa. Ipinagdiriwang ng mga Hudyo ang Paskuwa. Ginugunita nila ang kanilang paglaya mula sa kaalipinan sa Ehipto. Matagal na sila namuhay bilang mga alipin ng mga Ehipsiyo. Dahil sa pag-ibig ng Diyos sa kanila, hinirang ng Diyos si Moises na palayain ang mga Israelita mula sa kaalipinan sa Ehipto. Mula sa kaalipinan sa Ehipto, sila'y naging malaya at naglakbay ng apatnapung taon papunta sa lupang ipinangako ng Diyos sa mga Israelita.
Ganun din po ang ginawa ng Diyos para sa ating lahat. Isinugo ng Diyos ang Panginoong Hesus upang palayain tayo mula sa kaalipinan ng kasalanan. Tayo ay dating mga alipin ng kasalanan at kamatayan. Pero, noong dumating si Kristo, pinalaya Niya tayo mula sa pagkabihag. Dati tayong mga alipin ng kasamaan, pero, sa pamamagitan ng pagkamatay ni Hesus sa krus sa Kalbaryo, pinalaya na tayo ng Diyos. Ang Panginoong Hesus ang ating Tagapagligtas, ang Mesiyas, ang magliligtas sa ating lahat mula sa kasamaan.
Noong nagkasala sina Eba at Adan sa Halamanan ng Eden, pumasok ang kasamaan sa mundo. Inalipin ang sangkatauhan ng kasamaan ng mahabang panahon. Ang Diyos ay nag-isip at gumawa ng paraan upang mailigtas Niya ang sangkatauhan mula sa kaalipinan ng kasamaan. Ipinangako ng Diyos sa bayang Israel na darating ang isang dakilang sugo, ang Mesiyas, ang Kristo, ang Tagapagligtas ng bayang Israel. Ililigtas ng Mesiyas ang sangkatauhan mula sa kaalipinan ng kasamaan. Palalayain ng Mesiyas ang sangkatauhan. Ang Mesiyas ay matagal nang hinintay ng sangkatauhan.
Ang Mesiyas ay dumating sa mundo sa katauhan ni Hesus. Bilang Mesiyas, nagpagaling si Hesus ng maraming maysakit, nangaral tungkol sa kaharian ng Diyos at maraming iba pa. Kailanman ay hindi nagkasala si Hesus laban sa Diyos at laban sa kapwa-tao. Ang misyon ng Panginoong Hesus ay maging hain sa Diyos para sa ating mga kasalanan. Kahit may mas madaling paraan ang Panginoon upang mailigtas Niya ang sangkatauhan, pinili Niya ang pinakamahirap na paraan. Pinili Niyang mamatay alang-alang sa kasalanan ng karamihan. Ang alay ni Hesus sa Ama ay ang Kanyang sarili para sa ating mga kasalanan, at tinanggap ng Ama ang paghahain ni Hesus sa krus.
Bakit pinili ni Hesus ang pinakamahirap na paraan upang iligtas tayo mula sa kaalipinan ng kasamaan? Ipinapakita ni Hesus sa atin na sa pamamagitan ng pagtitiis ng hirap at kamatayan sa krus ng Kalbaryo, minamahal Niya tayo. Sinabi ng Panginoong Hesus sa mga alagad bago Siya dinakip: "Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan." (Juan 15, 13) Ipinamalas ng Panginoon ang Kanyang dakilang pag-ibig sa atin sa pamamagitan ng pag-aalay ng Kanyang sarili sa krus. Hindi natin matumbasan ang pag-ibig ng Diyos.
Sa paggunita natin sa mga Mahal na Araw, huwag natin kalilimutan na inibig tayo ng Diyos at tayo'y Kanyang pinalaya mula sa kaalipinan ng kasamaan at kamatayan. Ipinamalas ng Diyos sa pamamagitan ng krus ni Hesus ang Kanyang pag-ibig sa atin. Gaano mang kasakit para sa Ama na makita ang Anak na binabastos, hinahamak, sinasaktan at pinapatay, isinugo pa rin ng Ama si Hesus upang tayo ay maligtas at maging malaya. Pinalaya tayo ni Hesus sa pamamagitan ng pag-alay ng Kanyang buhay sa krus. Kahit alam ni Hesus na napakasakit ang pagkamatay Niya sa krus sa Kalbaryo, ginawa pa rin Niya iyon alang-alang sa atin upang palayain tayo mula sa kaalipinan ng kasamaan.
May isa pang utos ang Panginoong Hesus sa mga alagad sa gabi ng Huwebes Santo - magmahal. Inutusan ng Panginoong Hesus tayong lahat na magmahal katulad ng pagmamahal Niya sa atin. Mahirap mang tularan ang pag-ibig ni Kristo, sikapin pa rin nating magmahal ng kapwa. Ang Sampung Utos ng Diyos ay hinalo ni Hesus sa isang utos - magmahal. Mahalin natin ang Diyos, mahalin natin ang ating kapwa-tao. Iyan ay nakakalugod sa mata ng Diyos - ang pagmamahal natin sa Kanya at pagmamahal natin sa kapwa-tao.
Nawa, sa pag-aalaala natin sa dakilang pag-ibig ni Kristo ngayong Mahal na Araw, sikapin rin nating mahalin ang kapwa-tao. Kung minamahal natin ang Diyos, dapat nating mahalin ang ating kapwa-tao, kahit ang ating pinakamortal na kaaway. Minahal ni Hesus ang Diyos at ang Kanyang kapwa. Hindi lamang minahal ni Hesus ang Diyos at ang Kanyang pamilya. Minahal din ni Hesus ang Kanyang mga kaaway. Ipinapakita Niya ito noong Siya'y ipinako sa krus. Ang panalangin ni Hesus sa krus para sa mga kaaway ay, "Ama, patawarin Mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa." (Lucas 23, 34) Nawa ay mahalin din natin ang ating kapwa at ang ating mga kaaway, tulad ng pagmamahal natin sa Diyos, at ang pagmamahal ng Diyos sa atin na ipinakita Niya sa krus ni Hesus.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento