Ezekiel 37, 12-14/Salmo 129/Roma 8, 8-11/Juan 11, 1-45 (o kaya: 11, 3-7. 17. 20-27. 33b-45)
Ang Ebanghelyo ngayon ay tungkol sa pagbuhay ni Hesus kay Lazaro. Masyadong mahaba po muli ang Mabuting Balita, katulad ng Ebanghelyo noong Ikatlong Linggo ng Kuwaresma at Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma. Si Hesus ay dumating sa Betania apat na araw makalipas ang pagkamatay ni Lazaro. Nakalibing na si Lazaro noong dumating si Hesus. Pero, muling binuhay ni Hesus si Lazaro. Inutusan ni Hesus si Lazaro na lumabas mula sa libingan at si Lazaro ay lumabas ng buhay sa libingan.
Isang resuscitation ang naganap sa kaso ni Lazaro. Namatay siya, muling nabuhay, at mamamatay uli. Pansamantala lamang siya mabubuhay, katulad ng sinumang tao dito sa lupa. Hindi iyon resurrection, resuscitation iyon. Kahit na muling binuhay ni Kristo si Lazaro, ang buhay niya dito sa lupa ay hindi magtatagal. Mamamatay siya muli. Ang resurrection naman ay ang muling pagkabuhay na hindi na mamamatay. Noong si Kristo'y muling nabuhay, hindi na Siya namatay. Kaya ang resurrection o ang muling pagkabuhay ng Panginoon ang Kanyang pinakadakilang himala sa lahat ng mga himalang ginawa Niya.
Bago lumabas si Lazaro mula sa kanyang libingan, pinagsabihan si Hesus ng mga kapatid nina Marta at Maria na si Lazaro ay may sakit. Pero, hindi naman pumunta si Hesus sa bahay nila upang pagalingin ni Hesus si Lazaro. Hinintay ni Hesus ang pagkamatay ni Lazaro. Kung kailan mamatay si Lazaro, saka pa lang pupunta ang Panginoon. May galit ba si Hesus kay Lazaro at sa kanyang mga kapatid? Hindi. Hinintay ni Hesus ang tamang pagkakataon upang masaksihan nila ang kadakilaan at kapangyarihan ng Diyos. Kahit mamatay si Lazaro, bubuhayin ng Diyos si Lazaro.
Wika ng Panginoon sa Juan 5, 21, "Kung paanong binubuhay ng Ama ang mga patay, gayon din naman, bubuhayin ng Anak ang sinumang nais niyang buhayin." Ang Diyos ay may kapangyarihang bumuhay sa mga patay. Walang imposible sa Diyos. Kahit ang mga patay ay kaya Niyang buhayin. Walang humahadlang sa kapangyarihan ng Diyos. Hindi kayang pantayan ng kamatayan ang kapangyarihan ng Diyos. Walang makakapantay sa kapangyarihan ng Diyos. Walang imposible.
May ugnayan ang Ebanghelyo ngayon sa Ebanghelyo noong nakaraang Linggo. Kadiliman. Walang nakita ang lalaking ipinanganak na bulag kundi kadiliman. Si Lazaro na nakalibing ay nasa kadiliman. Inutusan sila ni Hesus na pumunta sa liwanag. Ang lalaking ipinanganak na bulag ay inutusan na maghilamos sa deposito ng tubig sa Siloe pagkatapos nilagyan ni Hesus ng putik sa mga mata niya. Si Lazaro naman ay inutusan ni Hesus na lumabas mula sa libingan. Lahat sila ay tumawid mula sa kadiliman patungo sa kaliwanagan.
Kung tayo ay inuutusan ni Hesus, ano ang magiging sagot natin? Ano ang magiging tugon natin sa utos ni Hesus na tumawid mula sa kadiliman patungo sa liwanag? Si Lazaro ay sumunod sa utos ni Hesus na lumabas mula sa kanyang libingan. Iyan ang papel niya sa himala ni Hesus. Siya ay nakinig sa utos ni Hesus at muli siyang nabuhay. Ang lalaking bulag mula sa kanyang pagsilang ay naghilamos sa deposito ng tubig sa Siloe. Kung hindi nila sinunod ang utos ni Hesus sa kanila, ang lalaking bulag ay hindi makakakita at hindi muling mabubuhay si Lazaro. Nawa ay sumunod rin tayo sa utos ni Hesus sa atin.
May ugnayan rin ang Ebanghelyo ngayon sa Ebanghelyo noong Ikalawang Linggo ng Kuwaresma. Si Hesus ay nagbagong-anyo bilang sulyap sa Kanyang kadakilaan na makakamit Niya pagkatapos ng Kanyang kamatayan sa Krus. Ang Panginoong Hesus rin ay nagsalita tungkol sa kamatayan at buhay sa Ebanghelyo ngayon. Sabi Niya, "Hindi magwawakas sa kamatayan ang sakit na ito. Nangyari ito upang maparangalan ang Diyos at sa pamamagitan nito'y maparangalan ang Anak ng Diyos." (Juan 11, 4) Hindi rin nagtapos ang lahat noong ang Panginoong Hesus ay namatay sa Krus. Sa ikatlong araw, muli Siyang nabuhay. Napagtagumpayan ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang muling pagkabuhay ang kapangyarihan ng kamatayan. Hindi makakapantay ang kamatayan sa kapangyarihan ng Diyos.
Ang pagbuhay ni Kristo kay Lazaro ay isang sulyap lamang ng Kanyang muling pagkabuhay. Ipinapakita sa atin na ang kamatayan ay hindi magtatagumpay kailanman sa kapangyarihan ng Diyos. Walang imposible sa Diyos at walang makakatalo sa dakilang kapangyarihan ng Diyos. Hindi nagtapos ang lahat sa kamatayan ni Hesus. Muli Siyang nabuhay sa ikatlong araw. Hindi na namatay ang Panginoong Hesukristo pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay. Sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Hesukristo, nagtagumpay Siya laban sa kamatayan. Hindi Siya kinaya ng kapangyarihan ng kamatayan. Walang makakatalo sa kapangyarihan ng Panginoon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento