Sabado, Abril 19, 2014

LIWANAG SA DILIM

Magdamagang Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (A) 
Genesis 1, 1-2, 2 (o kaya: 1, 1. 26-31a)/Salmo 103 (o kaya: Salmo 32)/Genesis 22, 1-18 (o kaya: 22, 1-2. 9a. 10-13. 15-18)/Salmo 15/Exodo 14, 15-15, 1/Exodo 15/Isaias 54, 5-14/Salmo 29/Isaias 55, 1-11/Isaias 12/Baruc 3, 9-15. 32-4, 4/Salmo 18/Ezekiel 36, 16-17a. 18-28/Salmo 41 (o kaya: Salmo 50)/Roma 6, 3-11/Salmo 117/Mateo 28, 1-10



Ang unang bahagi ng Bihiliya ng Pasko ng Pagkabuhay ay kadiliman. Ang Unang Pagbasa sa Siyam na Pagbasa natin ngayon (Pito mula sa Lumang Tipan, at dalawa mula sa Bagong Tipan) ay ang salaysay ng paglikha ng Diyos sa sanlibutan. Mula sa kadiliman, nilikha ng Diyos ang liwanag. Nagkaroon ng liwanag sa utos ng Diyos. Ang unang nilikha ng Diyos ay ang liwanag. Nilikha Niya ang liwanag ng araw, at sa pamamagitan ng paglikha ng Diyos sa liwanag ay nagkaroon ng araw at gabi. Ang araw ay nilikha sa pamamagitan ng liwanag, at ang gabi ay nilikha sa pamamagitan ng kadiliman.

Subalit, noong nagkasala ang unang magulang ng sangkatauhan, sina Eba't Adan, pumasok ang kadiliman ng kasalanan sa mundo. Ang kadiliman ay naghari sa buong lupain. Bagamat may araw pa rin, ang kadiliman ng kasalanan ay naghari sa buong sanlibutan. Naging alipin ng kadiliman ang sangkatauhan. Matagal na namuhay ang sangkatauhan bilang mga alipin ng kadiliman. Kinailangan na nila ng Tagpagligtas na magliligtas sa kanila. Ipinangako ng Diyos sa sangkatauhan na sila'y lalaya mula sa kaalipinan ng kasamaan. 

Ang Ikatlong Pagbasa ay tungkol sa pagpapalaya ng mga Israelita mula sa Ehipto. Matagal na namuhay ang bayang Israel bilang alipin ng mga Ehipsiyo. Dininig ng Diyos ang kanilang mga panalangin at sinugo Niya si Moises upang palayain ang bayang Israel mula sa kaalipinan ng kasamaan. Isinama at ginabayan si Moises ng Diyos upang sabihin kay Faraon na iniuutos ng Panginoon sa Faraon na palayain ang mga Israelita. Dahil sa katigasan ng ulo at puso ng Faraon, ang Panginoon ay nagpadala ng Pitong Salot sa Ehipto. Hindi pa rin pinalaya ng Faraon ang mga Israelita. Ang huling salot sa Ehipto ay ang pagkamatay ng mga panganay na anak sa Ehipto. Dahil hindi nailigtas ang anak ni Faraon, pinalayas niya ang mga Israelita. 

Bigla na lang nagbago ang isip ni Faraon nang umalis na ang mga Israelita. Hinabol ni Faraon at ng kanyang mga kawal ang mga Israelita. Natakot na ang mga Israelita nang makita nilang hinahabol sila nina Faraon. Pinalayas na nga ni Faraon ang mga Israelita mula sa Ehipto, saka pa niya hinabol ang mga Israelita. Kung kailan nakalaya na sila mula sa Ehipto, saka pa sila hinabol. Nakakatakot, hindi ba? Dahil sa paghabol ng mga Ehipsiyo sa mga Israelita, natakot na sila. Natakot sila dahil hindi nila inaasahan na hahabulin pala sila ng mga Ehipsiyo. 

Ano naman ang ginawa ng Diyos tungkol dito? Hinati ng Diyos sa dalawa ang tubig ng Dagat ng mga Tambo. Nakatawid ang mga Israelita sa Dagat ng mga Tambo, pero hinabol pa rin ng mga Ehipsiyo. Nang makatawid na sina Moises at ang mga Israelita, ibinalik ng Diyos sa dati ang tubig ng Dagat ng mga Tambo. Nataob ang mga karwahe ng mga Ehipsiyo at nalunod silang lahat. Kakaiba ang paraan ng pagliligtas ng Diyos. Pinayagan Niyang habulin ng mga Ehipsiyo ang mga Israelita, at iniligtas ng Diyos ang mga Israelita mula sa mga Ehipsiyo sa huli. Nagtagumpay ang Diyos. Nagtagumpay ang mga Israelita. Malaya na ang mga Israelita. Pinalaya sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. 

Tayo rin, mga kapanalig, ay naging mga alipin ng kasalanan. Inalipin tayo ng kasalanan. Walang ligtas sa kadiliman ng kasalanan. Bago tayo bininyagan, nasa atin ang tatak ng kasalanang mana. Inalipin tayo ng kasalanan. Dinungisan tayo ng kasalanan. Ang kasalanang mana ay pinapasa sa bawat henerasyon. Ang kasalanang mana ay nililinis natin sa Sakramento ng Binyag. Pero, kahit na bininyagan na tayo, namumuhay pa rin tayo sa kadiliman ng kasalanan. Napakaraming kasalanang nagaganap sa mundo. Ang mundo ay punong-puno ng kasalanan. Nagpapaalipin tayo sa kasamaan. Malaya na nga tayo, nagpapaalipin pa tayo sa kasalanan. Dahil sa nagpapaalipin tayo sa kasalanan, masasabi natin na nabubuhay tayo sa kadiliman. 

Isinugo ng Diyos si Hesus upang tayo ay palayain mula sa kadiliman ng kasamaan. Si Hesus ang ipinangakong Tagapagligtas. Ipinangako ng Diyos na Siya'y magpapadala ng isang Tagapagligtas. Si Hesus nga ang Tagapagligtas na iyon. Pero, hindi Siya nakilala o tinanggap ng sangkatauhan noong Siya'y nagkatawang-tao at namuhay dito sa lupa (Juan 1, 11). Pero, ginanap pa rin ni Hesus ang Kanyang misyon - palayain ang mga makasalanan mula sa kadiliman at kaalipinan ng kasalanan. Si Hesus ang liwanag sa dilim. Siya ang nagsilbing ilaw para sa mga taong naligaw at sumuway sa Diyos. 


Habang nasa sanlibutan si Hesus, pinagaling Niya ang maraming maysakit, lalung-lalo na ang mga bulag. Ang mga bulag ay nakakita sa pamamagitan ng Panginoon. Ang Panginoon ang nagbigay ng liwanag sa mga bulag. Nakakakita na ang maraming bulag nang dahil sa Panginoon. Ang Panginoon ang liwanag at ang nagbibigay ng liwanag sa sanlibutan. Halimbawa, ang lalaking ipinanganak na bulag. Bulag ang lalaking ito magmula pa man siyang isinilang. Pero, pinagaling siya ni Kristo. Nakakakita siya ng liwanag at nakita din niya si Kristo na nagpagaling at nagpakita sa kanya. Dahil sa pagpapagaling sa kanya ni Kristo, siya'y nakakita at nanalig sa Diyos. 

Sa araw ng Sabado de Gloria, ang Panginoon ay nagpapahinga sa kadiliman. Pagkatapos ng Kanyang pagdurusa, nagpapahinga ang Panginoon sa kadiliman. Inilibing sa kadiliman ng libingan ang Panginoong Hesukristo. Sa Kanyang pagpapahinga sa kadiliman, si Kristo ay pumunta sa daigdig ng mga patay upang palayain ang mga umaasa kay Kristo na hindi nakakita sa Kanya sa mundo. Nangaral ang Panginoon sa daigdig ng mga patay at pinalaya Niya mula sa kadiliman ng daigdig ng mga patay ang mga taong umaasa sa Kanya. Pinalaya sila ng Panginoon mula sa kadiliman. 

Sa gabi ng Sabado de Gloria, ginugunita natin ang paglabas ni Hesus mula sa kadiliman ng libingan. Hindi kinaya ng libingan si Hesus. Ang Mesiyas, na pinatay sa Kalbaryo noong unang Biyernes Santo, ay lalabas mula sa libingan. Tinalo ng Panginoong Hesukristong muling nabuhay ang kadiliman ng kamatayan at kasalanan. Ang muling pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo ang pinakadakilang himala sa lahat ng mga himalang ginawa Niya. Sa pamamagitan ng himalang ito, tumawid ang Panginoon mula sa kadiliman ng Kanyang kamatayan patungo sa liwanag ng Kanyang muling pagkabuhay. 

Alam po ninyo, tayong lahat, nang hindi natin nalalaman, ay naililibing na rin ng kadiliman. Hindi po natin mapapansin ito, pero nagpapaalipin tayo sa kadiliman ng kasalanan. Dahil sa tagal natin sa libingang ito, nasanay na tayo at halos ito na yata ang ating tahanan. Ang kadilimang tinutukoy ko ay ang kadiliman ng kasalanan. Dahil sa dami-dami ng ating mga kasalanan, tayo ay nabubuhay sa kadiliman. Inaalipin tayo ng kadiliman ng kasamaan, pero nagpapaalipin naman tayo. Hindi tayo lumalaban. Sanay tayo sa kadilimang ito. Naging tahanan na natin ito. Nakakalungkot, pero ito ay totoo. 

Si Hesus ay nagtagumpay at tumawid mula sa kadiliman ng kasamaan at kamatayan patungo sa liwanag ng Kanyang muling pagkabuhay. Sa pamamagitan ng Kanyang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay, nagtagumpay ang Panginoong Hesus. Hindi Siya kinaya ng kadiliman ng kasamaan. Gaano pa mang kalakas ang kapangyarihan ng kasamaan at kamatayan, mas makapangyarihan pa rin si Hesus. Dahil sa kapangyarihan ni Hesus, hindi Siya kinaya ng kadiliman at kamatayan. Matagumpay na lumabas si Hesus mula sa libingan. Nagtagumpay si Hesus laban sa kapangyarihan ng kadiliman, kasamaan at kamatayan. 

May liwanag sa dilim. Si Hesus ang liwanag sa dilim. Inaakay tayo ni Hesus mula sa kadiliman ng ating mga kasalanan patungo sa liwanag ng bagong buhay. Tayong lahat ay inaanyayahan ni Hesus na lumabas at magtagumpay laban sa kapangyarihan ng kasamaan, kadiliman at kamatayan. Nawa ay lumabas na tayo mula sa mga madilim na libingan natin, libingan ng kasalanan, at tumawid patungo sa pagbabagong-buhay, katulad ng pagtawid ni Hesus.

"Nasaan, O kamatayan, ang iyong tagumpay?
Nasaan, O kamatayan, ang iyong kamandag?"
(1 Corinto 15, 55)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento