Paggunita kay San Jose, manggagawa
Genesis 1, 26-2, 3 (o kaya: Colosas 3, 14-15. 17. 23-24)/
Salmo 89/Mateo 13, 54-58
Tuwing unang araw ng buwan ng Mayo ay ipinagdiriwang natin ang Araw ng mga Manggagawa (Labor Day) sa Pilipinas. Nagpapasalamat tayo sa Diyos sa araw na ito para sa mga manggagawa. Ang mga manggagawa ay masipag sa kanilang hanap-buhay. Nagtatrabaho sila nang mabuti, hindi lamang para sa kanilang mga sarili, kundi para guminhawa ang buhay ng kanilang mga pamilya. Gaano mang kahirap ng trabaho ng isang manggagawa, ginagawa nila iyon para sa ikabubuti ng kanilang mga pamilya.
Ang Diyos ang unang manggagawa. Sa Unang Pagbasa, mapapakinggan natin na anim na araw Niyang nilikha ang langit at lupa. Nilikha ng Diyos ang lahat ng mga bagay na nakikita at di-nakikita. Ang lahat ng mga nilikha ng Diyos ay mabuti. Walang masamang bagay nilikha ang Diyos. Noong nilikha ang Diyos ang langit at lupa, kinailangan lamang Niya sabihin ang utos at ito'y susunod sa Kanya. Dahil makapangyarihan ang Diyos, kinailangan lamang ng Diyos na mag-utos, at ang Kanyang utos ay mangyayari. Anim na araw nilikha ng Diyos ang mundo. Ang tao ay nilikha Niya sa ika-anim na araw, ang huling araw ng paggawa. Pagkatapos ng anim na araw ng paglikha, ang Diyos ay nagpahinga sa ikapitong araw.
Si Hesus ay isang manggagawa din. Noong namatay si San Jose ayon sa tradisyon, ang Panginoong Hesus ang nagtrabaho para sa kanilang dalawa ni Maria. Noong Siya'y nangangaral, nagtatrabaho din si Hesukristo. Nangangaral Siya tungkol sa kaharian ng Diyos sa mga tao at nagpapagaling sa mga maysakit. Sinabi pa nga ni Hesus na hindi Siya naparito upang paglingkuran. Bagkus, naparito sa lupa ang Panginoong Hesukristo upang maglingkod. Nagpakababa si Hesus at namuhay bilang isang manggagawa katulad natin. Ipinapakita ni Hesus na Siya ay kaisa natin sa bawat araw, sa hirap at ginhawa, sa panahon ng kaginahawaan at pagsubok. Si Hesus ang ating Emmanuel - Siya ay kasama natin palagi, kahit hindi natin Siya nakikita.
Dahil sa mga ginagawa ni Kristo, nagkaroon Siya ng mga tagahanga at mga kaaway. Marami ang naiinggit sa Panginoon, katulad na lamang sa Ebanghelyo. Ang mga kababayan ng Panginoon sa Nazaret ay naiinggit sa Kanya. Kilala nila ang Panginoong Hesus magmula pa sa Kanyang kabataan. Kilala nila ang mga magulang at kamag-anak ni Hesus. Nagtataka na sila kung bakit mas may kaalaman si Hesus kaysa sa kanila? Hindi tinanggap si Hesus sa Nazaret dahil sa karunungan Niya.
Hindi lang iyan, ang mga Pariseo at matatanda ng bayan ay naging kalaban ng Panginoong Hesus. Kahit pa naman sa Araw ng Pamamahinga, nagtatrabaho pa rin si Hesus. Pinagaling ni Hesus ang lalaking matagal nang maysakit sa Betesda (Juan 5, 1-16) at ang lalaking ipinanganak na bulag (Juan 9, 1-38) sa Araw ng Pamamahinga. Para sa mga Hudyo, bawal magtrabaho o gumawa ang isang tao tuwing Araw ng Pamamahinga. Ito ang paratang ng mga kalaban ni Hesus - hindi Niya iginagalang ang Araw ng Pamamahinga. Nilalabag ni Hesus ang utos tungkol sa Araw ng Pamamahinga. Bakit Siya gumagawa ng mga kababalaghan sa Araw ng Pamamahinga?
Ipinapakita ni Hesus sa pagpapagaling Niya sa Araw ng Pamamahinga na walang pinipiling araw ang paggawa ng mabuti. Ang Araw ng Linggo ay Araw ng Pamamahinga para sa ating mga Katoliko, pero hindi ito hadlang upang gumawa ng mabuti sa kapwa, lalung-lalo na sa mga dukha. Ang Diyos ay gumagawa rin, kahit anumang araw ng sanlinggo. Gumagawa din Siya ng mga mabubuting bagay para sa atin. Ipinagkakaloob tayo ng Diyos ng mga biyaya sa bawat araw. Hindi namimili ng araw ang Diyos sa pagkakaloob ng biyaya at awa sa atin. Araw-araw Siyang nagkakaloob ng biyaya at awa sa ating lahat.
Ang mga manggagawa ay masipag sa kanilang pagtrabaho sa bawat araw. Nawa ay tularan natin ang kasipagan ng mga kapatid nating manggagawa sa mga gawain natin sa araw-araw. Tayo rin, mga kapanalig, ay mga manggagawa para sa Panginoon. Bilang mga Laykong Katoliko, magpakatapang tayo sa ating pagtrabaho para sa Panginoon. Piliin nating magpakatapang upang paglingkuran natin ang Diyos at kapwa bilang mga Laykong Pilipino sa pamamagitan ng salita at gawa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento