Ikatlong Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (A)
Mga Gawa 2, 14. 22-33/Salmo 15/1 Pedro 1, 17-21/Lucas 24, 13-35
Ang Panginoong Hesus ay nagpakita sa dalawang alagad na naglalakbay patungong Emaus. Paano? Una, nilapitan ni Hesus ang mga alagad at nag-usap habang sila'y naglalakbay patungong Emaus. Ikalawa, si Hesus ay inanyayahan ng dalawang alagad na kumain sa bahay nila. Ikatlo at huli, ipinakilala ni Hesus ang Kanyang sarili sa mga alagad sa pamamagitan ng paghahati ng tinapay.
Bago nagpakilala ang Panginoon sa dalawang alagad na ito, ang dalawang alagad ay nag-uusap tungkol sa mga nangyari. Nadismaya sila sa pagkakilala nila kay Kristo. Hindi nila maintindihan ang mga nangyari kay Kristo. Umaasa sila palalayain ni Kristo ang bayang Israel mula sa mga Romano. Hindi nila maintindihan ang pagka-Mesiyas ng Panginoon. Ang iniisip nilang Tagapagligtas ay isang maka-mundo at pulitikong Mesiyas. Iyon ang inaasahan nila mula sa Panginoon. Nakakalungkot lamang ay pinatay si Kristo ng mga autoridad ng bayan.
Noong ibinalita sa kanila nina Maria Magdalena at ng iba pang mga kababaihan na kasama nila na walang laman ang libingan, inisip lamang nila na ninakaw ang bangkay ni Hesus. Hindi nila inisip na si Hesus ay posibleng muling nabuhay. Ipinahayag nga ni Hesus sa mga alagad bago Siya dinakip na Siya'y magpapakasakit, mamamatay, at muling mabubuha ysa ikatlong araw. Hindi nila inisip iyon. Hindi nila maintindihan ang mga sinabi ni Hesus o ang mga nangyayari. Kaya, ang tanong nila sa isa't isa, "Sino ba ang Hesus na ito?"
Sa kanilang paglalakbay patungong Emaus, lumapit si Hesus sa dalawang alagad. Bagamat bukas ang mga mata at nakita ng dalawang ito si Hesus, hindi nila nakilala si Hesus. Akala pa nga nila, isang dayuhan ang nakikipaglakbay kasama nila. Hindi na nga maintindihan ng dalawang alagad ang mga nangyari, hindi pa rin nila nakilala si Hesus sa daan patungong Emaus. Kahit nakita ng mga mata nila si Hesus, hindi nila nakilala. Para sa kanila, isang dayuhan lamang ang taong kasama nila.
Habang naglalakbay sila kasama ni Hesus, ipinapaliwanag Niya sa dalawang alagad na ang mga pangyayaring naganap ay ipinahayag ng mga propeta. Ipinahayag ng mga propeta na kinakailangang muna magbata ng hirap ang Mesiyas bago Niya makamit ang tagumpay. Ito ay ang plano ng Diyos. Ang Mesiyas ay magpapaksakit at mamamatay, at sa ikatlong araw ay muling mabubuhay. Sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Hesus, nakumpleto ang plano ng Diyos. Pinili ng Panginoon ang pinakamahirap na paraan upang makamit ang tagumpay - pag-aalay ng Kanyang sarili sa krus bilang hain para sa mga kasalanan ng sanlibutan.
Noong dumating na sila sa Emaus, doon na nila nakilala ang Panginoon. Ang Panginoon ay inanyayahan at pinatuloy ng mga alagad sa kanilang bahay. Hinati ni Hesus ang tinapay noong dumulog sila sa hapag at doon nakilala ng dalawang alagad na ang kausap nila sa daan ay si Hesus nga. Naniwala na nga sila sa mga ibinalita nina Maria Magdalena na walang laman ang libingan at sinabi ng anghel na ang Panginoong Hesus ay muling nabuhay. Totoo nga ang ibinalita sa kanila.
Sa Huling Hapunan, hinati ni Hesus ang tinapay at ibinigay iyon sa mga alagad. Muling hinati ni Hesus ang tinapay noong Siya'y muling nabuhay. Ang paghahati ng tinapay ang nagpakilala kung sino nga ba si Hesus. Natandaan ng dalawang alagad na hinati ni Hesus ang tinapay bago Siya namatay at ngayong muling nabuhay si Hesus, hinati Niya uli ang tinapay. Wala silang ibang matandaan na naghati ng tinapay, maliban kay Hesus. Ang paghahati ng tinapay ang nagpakilala kay Hesus.
Ipinapakita rin ni Hesus ang Kanyang pagmamahal sa atin sa pamamagitan ng paghahati ng tinapay. Buong buhay Niya ay inalay alang-alang sa sangkatauhan. Kahit na Siya'y Diyos, kahit na Siya ang pinakamakapangyarihan sa lahat, pinili Niya na mag-alay ng buhay alang-alang sa atin. Maaari sanang piliin ng Panginoong Hesukristo ang pinakamadaling paraan upang tayo'y iligtas. Kaya naman Niya tayo iligtas nang hindi pinahihirapan. Pero, pinili ni Hesus ang pinakamahirap na paraan - kamatayan sa krus. Gaano mang kasakit ang paghampas, koronang tinik at pako, inalay pa rin ni Hesus ang Kanyang sarili.
Sino ba si Hesus? Alam nating lahat na Siya ang Mesiyas, ang Bugtong na Anak ng Diyos, ang Diyos na nagkatawang-tao, ang Pangalawang Persona ng Banal na Trinidad at marami pang iba. Pero, huwag rin nawa nating kalimutan na si Hesus ay ang Mesiyas na nagmamahal sa atin. Bagamat mahirap at masakit man para sa Kanya na mamatay Siya alang-alang sa atin, pinili ni Hesus mamatay alang-alang sa atin. Walang pag-iimbot ang Kanyang dakilang pag-ibig sa atin.
Sa bawat pagdiriwang ng Banal na Misa, ginugunita natin ang paghahain ni Hesus sa Kalbaryo. Ang ordinaryong tinapay at alak ay nagiging katawan at dugo ni Kristo. Ang bawat pagdiriwang ng Banal na Misa ay isang pagsasaalaala sa paghahain ni Hesus sa Kalbaryo. Sinasabi nga ng pari sa Banal na Konsekrasyon: "Ito ang Aking katawan na ihahandog para sa inyo." Hindi na ito ang mga salita ng pari, sapagkat si Hesus ay nagsasalita sa pamamagitan ng pari. Inialay ni Hesus ang Kanyang katawan sa Kalbaryo bilang pagpapatunay ng Kanyang pag-ibig sa atin.
Sino si Hesus? Ang Mesiyas, ang Bugtong na Anak ng Diyos, ang Ikalawang Persona ng Banal na Trinidad na nag-alay ng Kanyang buhay alang-alang sa ating lahat. Bakit Niya ginawa iyon? Dahil sa Kanyang pag-ibig sa atin. Masakit man para sa Kanya ang paghahampas sa haliging-bato, koronang tinik, at ang mga pako, hindi Niya pinagsisihan ang ginawa Niya. Ito ang patunay na minamahal tayo ni Hesus nang buong-buo. Tunay na walang pag-iimbot ang Panginoong muling nabuhay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento