Mga Gawa 1, 1-11/Salmo 46/Efeso 1, 17-23/Mateo 28, 16-20
Ang salaysay ng Pag-Akyat ng Panginoong Hesus sa Langit ay matatagpuan sa Unang Pagbasa ngayong Linggo. Sa Unang Pagbasa, mapapakinggan natin na ang Panginoong Hesukristong muling nabuhay ay nagpakita at nagturo sa Kanyang mga alagad tungkol sa kaharian ng Diyos sa loob ng apatnapung araw. Apatnapung araw pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay, si Hesus ay umakyat sa langit pagkatapos Niyang tagubilinan ang Kanyang mga alagad. Inutusan ni Hesus ang mga alagad na manatili lamang sa Jerusalem para sa pagpanaog ng Espiritu Santo sa kanila upang maipahayag nila ang Mabuting Balita ng Panginoon. Pagkasabi nito, si Hesus ay umakyat sa langit.
Hindi binanggit ni San Mateo sa pagwawakas ng kanyang Ebanghelyo ang pag-akyat ni Kristo sa langit. Matutunghayan natin sa pagwawakas ng Ebanghelyo ni San Mateo ang pangako ng Panginoon sa Kanyang mga alagad. Ano ang pangakong iyon? Si Kristo ay laging makakasama ng alagad hanggang sa katapusan ng sanlibutan. Hinding-hindi pababayaan ng Panginoon ang mga alagad. Ang Panginoon ay ang Emmanuel, na ang ibig sabihi'y, "Kasama natin ang Diyos."
Nagsalita ang Diyos sa pamamagitan ni propeta Isaias tungkol sa Mesiyas. Isang dalaga ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki at tatawagin siyang Emmanuel, na ang ibig sabihi'y, "Sumasaatin ang Diyos." Binigyang diin ni San Mateo sa kanyang salaysay ng Mabuting Balita ng Panginoon ang pagiging Emmanuel ng Panginoong Hesus. Tinupad ng Panginoon ang propesiya sa aklat ni propeta Isaias patungkol sa Mesiyas - Siya ay tatawaging Emmanuel.
Sa unang kabanata ng Mabuting Balita ayon kay San Mateo, nagpakita ang isang anghel ng Panginoon kay San Jose sa pamamagitan ng isang panaginip at nagsalita ang anghel tungkol sa sanggol sa sinapupunan ng Mahal na Birheng Maria. Hindi nakisama sa ibang lalaki ang Mahal na Birheng Maria. Siya'y naglihi sa pamamagitan ng Espiritu Santo, at ang sanggol sa sinapupunan ng Mahal na Ina si Hesus, ang ipinangakong Mesiyas na hinihintay ng bayang Israel. Sa pamamagitan nito, natupad ang propesiya tungkol sa Mesiyas sa aklat ni propeta Isaias.
Sa huling kabanata ng Mabuting Balita ayon kay San Mateo, mapapakinggan natin na si Hesus ay nagpakita sa Kanyang mga alagad sa Galilea. Isinugo ni Hesus ang Kanyang mga alagad upang gawing mga alagad Niya ang lahat ng mga bansa dito sa lupa at binyagan sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo. Ang huling sinabi ni Hesus sa Ebanghelyo ay ang pangakong Siya laging makakasama ng mga alagad hanggang sa katapusan ng sanlibutan.
Alam ng Panginoon na hindi kaya ng mga alagad na ipahayag sa buong daigdig ang Mabuting Balita nang nag-iisa. Kailangan nila ng tulong sa kanilang misyon dito sa lupa. Kaya, ipinangako ng Panginoon sa kanila na bagamat hindi Siya makikita o makakasama ng mga alagad nang pisikal, kasama pa rin Niya ang mga alagad. Si Kristo ay makakasama nila nang espiritwal. Bagamat hindi nila makikita ang Panginoon nang pisikal, Siya'y makakasama ng mga alagad.
Si Kristo ang ating Emmanuel, Siya ang Diyos na sumasaatin. Hinding-hindi Niya tayo pababayaan. Ito ang Kanyang mensahe sa atin ngayong Linggo. Bagamat hindi natin makikita nang personal si Kristo, Siya'y kasama natin. Sabi pa nga ni Kristo sa Ebanghelyo ayon kay San Juan noong nagpakita Siya kay Santo Tomas Apostol: "Mapalad ang mga sumasampalataya sa Akin, kahit hindi nila Ako nakikita." Pinagpala tayong lahat, na bagamat hindi nakikita natin ang Panginoon, tayo ay sumasampalataya at nananalig sa Kanya. Nananalig tayo na ang Panginoon ay kasama natin, kahit hindi natin nakikita Siya nang personal o pisikal dito sa mundo.
Noong nakaraang Huwebes (Mayo 29) ay ipinagdiriwang ng mga taga-Landayan, San Pedro, Laguna, ang Kapistahan ni Lolo Uweng, ang Santo Sepulcro ng Landayan. Dahil sa dami ng mga deboto ni Lolo Uweng, ang Landayan ay tinawagang Quiapo ng Laguna dahil sa dami ng mga deboto ni Lolo Uweng. Ikinuwento sa akin ng aking tiyuhin sa Pilipinas noong ako'y bumisita sa Pilipinas noong Mahal na Araw 2013 ang kwento ng pananampalataya ng mga taga-Landayan. Ganito ang kwento ni Lolo Uweng, ayon sa mga matatanda ng Landayan:
Isang araw noong kapanahunan ng mga Kastila, ang pinuno ng bayan ng Landayan ay nadismaya sapagkat wala siyang mahanap na pagkain para sa kanyang bayan dahil kinabukasan ay ipagdiriwang nila ang piyesta ng Landayan. May isang mama na nakapansin sa kanya. Tinanong ng mama ang pinuno ng barangay ng Landayan kung ano ang problema niya at sinabi naman ng pinuno sa mamang ito ang kanyang problema. Sinabi naman ng mama na pumunta siya sa lawa, at pupunta sa kanya ang mga isda. Hindi na niya kailangan ng lambat. Bakit? Sapagkat ang mga isda na mismo ang pupunta sa kanyang bangka. Nagpasalamat ang pinuno ng bayan sa mamang ito at tinanong nito kung sino siya upang sabihin niya kung sino ang tumulong sa kanya. Ang sagot ng mama, "Tawagin mo lang akong Lolo Uweng." Itinuro din ni Lolo Uweng kung saan siya nakatira.
Noong pumalaot sa lawa ang pinuno ng bayan upang mangisda, nakahuli siya ng napakaraming isda. Hindi pa nga niya kailangan ng lambat dahil ang mga isda pa nga ay lumapit sa kanyang bangka. Napakarami ang mga isdang nahuli niya. Dahil dito, nakahanda na ang mga pagkain para sa araw ng kapistahan ng Landayan. Totoo nga ang sinabi ni Lolo Uweng.
Sa mismong araw ng kapistahan ng Landayan, tinanong ng taong-bayan sa pinuno nila kung saan nanggaling ang napakaraming isdang iyon. Sinabi niya na ang mga isdang iyon ay nanggaling sa isang taong nagngangalang Lolo Uweng. Itinuro pa niya ang tahanan ni Lolo Uweng. Hindi nila inakala na ang tahanan pala ni Lolo Uweng ay ang kapilya ng lugar na iyon. Pagpasok nila doon, nakita nila ang pari. Tinanong nila kung nasaan si Lolo Uweng. Sinabi ng pari sa kanila na wala siyang kilalang Lolo Uweng. Siya lang raw ang tao na nandoon sa kapilya. Itinuro na ng pinuno kung sino ang taong sa larawan ng kapilyang iyon. Nagulat ang pari sa mga sinabi ng pinuno sapagkat ang mukhang itinuro niya ay ang mukha ng Panginoong Hesukristo. Sinabi ng pinuno ng bayan na nakipagkita siya kay Kristo.
Ano ang aral na makukuha natin mula sa kuwento ng mga matatanda ng Landayan patungkol sa kanilang debosyon kay Hesus na nakahimlay sa Banal na Libingan? Ipinapakita ng kwentong ito na bagamat wala na sa lupa si Hesus, patuloy Niya tayong tutulungan sa ating misyon sa buhay. Tinutulungan ni Hesus ang Simbahang itinatag Niya sa misyon ng Simbahan na gawing mga alagad Niya ang lahat ng mga tao sa buong mundo. Tinutulungan ni Kristo ang Simbahan sa pangangaral ng Mabuting Balita. Totoo nga ang Kanyang pangako. Hinding-hindi pababayaan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan. Siya'y kasama natin hanggang sa katapusan ng sanlibutan.
Hayaan kong tapusin ang aking pagninilay sa pamamagitan ng isa na namang kwento. Isang araw, may isang lalaking naglalakad. Sa kanyang paglalakad, may nakita siyang isang lalaking bulag na nakaupo sa lansangan. Dahil sa awa ng lalaki sa bulag, binilhan niya ng isang lobo ang lalaking bulag. Tinanong niya ang lalaking bulag, "Ano ang hawak mo?" Sagot naman ng bulag, "Lobo." Nagtaka ang lalaking bumili ng lobo at tinanong niya sa bulag, "Paano mo nalalaman na lobo ang hawak mo, gayong hindi mo nakikita?" Ang sagot ng bulag, "Oo, hindi ako makakita. Isa akong bulag. Pero, alam kong lobo ang hawak ko dahil nararamdaman ko ito."
Tayo rin, mga kapatid, ay katulad ng bulag. Bagamat hindi nakikita ng ating mga mata ang Panginoon, tayo ay nananalig na totoong buhay ang Panginoon. Sumasampalataya tayo sa Panginoon, at hindi na natin kailangan ng patunay. Kahit hindi natin nakikita, nananalig tayo sa Panginoon. Nararamdaman natin ang yakap, pagmamahal, at paggabay ng Panginoon sa atin. Ang pangako ng Panginoon sa wakas ng Mabuting Balita ayon kay San Mateo ay hindi lamang para sa mga alagad. Ang pangako ng Panginoon ay para sa ating lahat. Kasama natin ang Panginoon hanggang sa katapusan ng sanlibutan, kahit hindi natin Siya nakikita.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento