Linggo, Hunyo 8, 2014

TINAWAG UPANG MAGING BANAL, ISINUGO UPANG MAGING BAYANI

Dakilang Kapistahan ng Pentekostes (A) 
Mga Gawa 2, 1-11/Salmo 103/1 Corinto 12, 3b-7. 12-13/Juan 20, 19-23



Nagsimula ang ating Unang Pagbasa at Ebanghelyo ngayong Linggo ng Pentekostes sa pamamagitan ng pagkakatipon ng mga alagad sa isang lugar. Sa Ebanghelyo, narinig natin na nakapinid pa nga ang pintuan ng lugar na pinagtitipunan nila dahil natatakot sila sa mga Hudyo. Pinatay ng mga autoridad ng bayan si Hesus, kaya ang mga alagad ay natatakot sa kanila dahil ayaw nilang mamatay. Takot na takot sila sapagkat ayaw pa nilang mamatay. 

Sa Ebanghelyo, si Hesus ay nagpakita kahit nakapinid ang pintuan ng lugar na pinagkakatipunan ng mga alagad. Ang unang binahagi ni Hesus sa mga alagad ay kapayapaan. Kapayapaan ang unang ibinahagi ni Kristo sa Kanyang mga alagad sapagkat natatakot sila. Natatakot sila dahil sa nangyari sa Panginoon at ayaw nilang mangyari din iyon sa kanila. Natatakot din sila dahil naaalaala pa rin nila ang kasalanan nila laban sa Panginoon. Iniwan nila si Kristo sa panahon na kung kailan kinailangan Niya ang mga alagad. Hindi nila ipinagtanggol si Kristo.

Pero, pinatawad na sila ng Panginoon. Paano? Sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kapayapaan sa kanila. Napawi ang takot ng mga alagad. Ang takot ng mga alagad ay naging kagalakan sapagkat tunay ngang muling nabuhay ang Panginoon. Nagalak sila sapagkat nabuhay ang Panginoon. Nagalak sila sapagkat pinatawad sila ng Panginoon. Kapayapaan ang ibinahagi ni Kristo upang pawiin ang takot ng mga alagad. 

Ipinagkaloob rin ni Hesus sa mga alagad ang Espiritu Santo sapagkat sinusugo Niya ang mga alagad upang ipahayag at ipangaral sa lahat ng dako ang Mabuting Balita. Alam ng Panginoong Hesus na hindi na Siya magtatagal sa mundo. Kaya, hinirang ni Hesus ang mga alagad upang ipagpatuloy nila ang pangangaral tungkol sa Mabuting Balita ng Panginoon na sinimulan Niya. Ang magiging patnubay at gabay ng mga alagad ay ang Espiritu Santo. 

Sa unang kabanata ng mga Gawa ng mga Apostol, bago umakyat si Hesus sa langit, iniutos ni Hesus sa mga alagad na maghintay sa Jerusalem para sa pagdating ng Espiritu Santo. Sila ay bibinyagan sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo ang tutulong sa misyon ng mga alagad na ipahayag ang Mabuting Balita tungkol kay Hesukristo. Tutulungan sila ng Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo ang magiging katulong at patnubay ng mga alagad. Alam ng Panginoon na hindi magiging madali ang misyon ng mga alagad. Kaya, ipinangako ng Panginoon sa mga alagad na ipapadala Niya ang Espiritu Santo upang tulungan sila. 

Pagdating ng Espiritu Santo sa araw ng Pentekostes, ang mga alagad ay lumabas mula sa silid na pinagtataguan nila. Lumabas sila at malakas na ipinahayag sa mga tao sa Jerusalem sa iba't ibang wika ang kadakilaan ng Diyos. Sila'y naging matapang upang ipahayag ang Mabuting Balita ng Panginoon. Hindi na natakot ang mga alagad, sapagkat pinapatnubayan sila ng Espiritu Santo. Pormal nang sinimulan ng mga alagad ang kanilang misyon. Ipagpapatuloy ng mga alagad ang misyon ni Hesus na ipahayag at ipangaral ang Mabuting Balita. 

Alam nating lahat na idineklara ng Kapulungan ng mga Obispo ng Pilipinas ang taong ito bilang Taon ng mga Layko. Ang tema po ng Taon ng mga Layko ay, "Tinawag upang maging banal, isinugo upang maging bayani." Hinahamon tayo ngayong taon na magpakatapang. Ang mga alagad ay nagpakatapang upang ipahayag at ipangaral ang Mabuting Balita sa lahat ng dako. Bagama't may mga taong ayaw makinig sa kanya, hindi sila sumuko. Pinapatnubayan sila ng Espiritu Santo. Hindi na sila natakot sa anumang pag-uusig sa kanila. Ang Espiritu Santo ang pumapatnubay sa kanilang misyon hanggang sa kanilang kamatayan. 

Lahat ng mga alagad ni Hesus ay namatay bilang martir, maliban sa isa - si San Juan Apostol. Lahat ng mga alagad ni Hesus ay namatay alang-alang sa Mabuting Balita. Nagtiis sila ng hirap at namatay para sa ikadarakila ng Diyos. Si San Lorenzo Ruiz at si San Pedro Calungsod, dalawang Laykong Pilipino, ay nag-alay ng buhay para sa Diyos. Hindi nila bumitiw sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Sina San Lorenzo Ruiz at San Pedro Calungsod ay nagbuwis ng buhay para sa kanilang pananampalataya. Anuman ang pag-uusig ginawa sa kanila, hindi sila bumitiw o tumalikod sa kanilang pananampalataya sa Diyos. 

Nawa'y piliin natin na maging matapang. Atin pong ipahayag ang ating pananampalatayang Katoliko sa isip, salita at gawa. Mahirap man gawin ito, pero atin pong gawin ito para sa ikadarakila ng Diyos. Huwag nating ikahiya ang ating pananampalataya sa Diyos. Tayong lahat ay mga Pilipinong Katoliko. Huwag nating ikahiya ang Diyos Ama. Huwag nating ikahiya si Hesus. Huwag nating ikahiya ang Espiritu Santo. Mahal tayo ng Diyos Ama. Mahal tayo ni Hesus, ang Diyos Anak. Mahal tayo ng Diyos Espiritu Santo. Mahal din natin ang Diyos.

Hindi lamang ang mga alagad at mga banal ay pinapatnubayan ng Espiritu Santo. Tayong lahat ay pinapatnubayan ng Espiritu Santo. May misyon tayo sa buhay. Ang Espiritu Santo ay ibinigay sa atin ni Kristo upang patnubayan tayo sa ating misyon sa buhay. Kailangan natin ng tulong. Hindi magiging madali ang ating paglalakbay at misyon sa buhay. Alam iyon ng Panginoon. Higit pa ang karunungan ng Diyos kaysa sa atin. Alam Niya na hindi natin kaya maglakbay sa mundo nang nag-iisa. Kaya, ipinagkaloob ng Panginoon sa atin ang Espiritu Santo upang patnubayan tayo sa ating paglalakbay at misyon sa buhay. 

Anuman ang ating estado sa buhay, tayo ay pinapatnubayan ng Espiritu Santo. Sa panahon ng pagsubok at pagkakaabala, ipinagkakaloob sa atin ng Espiritu Santo ang biyaya ng kapayapaan. Ang Espiritu Santo ay nagbibigay ng kapayapaan at buhay sa atin upang ipagpatuloy natin ang ating paglalakbay at misyon dito sa mundo. Tayong mga Laykong Katoliko ay ipinagkakaloob ng Espiritu Santo ng kapayapaan at buhay upang piliin natin ang katapangan. 

Nawa, sa pagpapatnubay sa atin ng Espiritu Santo, tayong lahat ay maging mga laykong nagpapahayag ng Mabuting Balita sa pamamagitan ng isip, salita at gawa. Hindi man magiging madali ito para sa atin, pero ang Espiritu Santo ay laging kasama natin upang tayo ay patnubayan at gabayan sa bawat araw ng ating buhay. Papatnubayan at gagabayan tayo ng Espiritu Santo sa ating paglalakbay sa araw-araw bilang mga Laykong Pilipino na ipinagmamalaki ang pananampalatayang Katoliko. 

Magpakatapang tayong lahat bilang mga Laykong Pilipino. Katulad ng mga alagad, hindi na sila natakot sa bawat araw ng kanilang misyon dahil sa pagpapatnubay ng Espiritu Santo. Tayong lahat, bilang mga Laykong Pilipino, ay hinirang ng Panginoon upang maging banal at isinugo upang maging bayani, katulad ng mga alagad at mga banal sa langit. Ang Espiritu Santo ay ibinigay ng Panginoon sa atin upang patnubayan at gabayan sa ating paglalakbay sa lupa. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento