Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo (A)
Mga Gawa 12, 1-11/Salmo 33/2 Timoteo 4, 6-8. 17-18/Mateo 16, 13-19
Isang napakaespesyal ang araw na ito para sa ating Simbahan. Bakit? Sapagkat sa araw na ito, ipinagdiriwang natin ang Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo. Napakaespesyal ang dalawang ito sapagkat sa Kalendaryo ng ating Simbahan, dalawa ang araw na ipinagdiriwang ang kapistahan ng dalawang santong ito. Una, si Apostol San Pedro. Ipinagdiriwang natin ang kanyang pagiging unang Santo Papa ng Santa Iglesia Katolika sa ika-22 ng Pebrero. Pangalawa, si Apostol San Pablo. Ipinagdiriwang natin ang kanyang pagbabagong-buhay tuwing ika-25 ng Enero. At pangatlo, ipinagdiriwang ng Simbahan ngayon ang Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo.
Si San Pedro Apostol ay nagsimula bilang isang mangingisda. Noong nakilala ni San Pedro si Hesus, nagbago ang kanyang buhay. Binago ang kanyang buhay. Iniwan niya ang pangingisda at naging alagad ni Hesus. Subalit, nagkaroon din siya ng mga kahinaan sa buhay bilang alagad ni Hesus. Noong ipinahayag ni Hesus na siya'y ipapatay, nagprotesta si Pedro at hindi niya pinayagang mangyari iyon. Subalit, pinagsabihan si Pedro ng Panginoon at sinabing kalooban ng tao ang iniisip niya, hindi ang kalooban ng Diyos.
Noong gabi ng Huling Hapunan, ipinahayag muli ni Hesus na Siya'y papatayin. Nagprotesta muli si Pedro at sinabing handa siyang mamatay alang-alang kay Kristo. Subalit, alam ni Kristo na hindi iyon mangyayari. Alam ni Kristo na matatakot si Pedro na mamatay kasama Niya. Alam ng Panginoon upang hindi mapahamak si Pedro, tatlong beses itatatwa ni Pedro ang Panginoon. Gayon nga ang nangyari. Bago tumilaok ang manok, tatlong beses itinatwa ni Pedro ang Panginoong Hesukristo upang hindi mapahamak.
Sa Ebanghelyong narinig natin kahapon (Bisperas ng Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo), mapapakinggan natin ang pagtanong ng Panginoong Hesukristo kay San Pedro kung talagang minamahal niya ang Panginoon. Tandaan po natin na tatlong beses itinatwa ni San Pedro ang Panginoon. Kaya, bilang pagbawi, tinanong ni Hesus si Pedro nang tatlong ulit kung minamahal nga ba Siya ni Pedro. Napakasakit para kay Pedro na marinig nang tatlong ulit mula kay Hesus ang katanungan tungkol sa pagmamahal. Tatlong ulit sumagot si Pedro na minamahal niya ang Panginoon.
Dito rin ipinahayag ni Hesus kung paanong mamamatay si Pedro. Sinabi niyang siya'y dadalhin sa mga lugar na hindi niya ninanais puntahin at nakagapos pa. Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan, si San Pedro ay magbibigay ng luwalhati sa Diyos. Kahit hindi gusto ni San Pedro na pumunta sa isang lugar, mapipilitan siyang pumunta doon. Ito ay dahil sa kanyang pangangaral tungkol sa Mabuting Balita ng Panginoon. Uusigin si San Pedro dahil kay Kristo. Ang Panginoon ang dahilan kung bakit uusigin si San Pedro (Juan 21, 15-19).
Noong araw ng Pentekostes, pumanaog ang Espiritu Santo sa Mahal na Birheng Maria at sa mga apostoles. Ang mga alagad ng Panginoong Hesus, na dating mga duwag, ay lumabas mula sa silid na pinagtitipunan nila upang simulan ang kanilang misyon - ipangaral ang Mabuting Balita sa lahat ng mga bansa. Si San Pedro, ang dating duwag na nagtatwa kay Hesus nang tatlong ulit, ay naging matapang at magiting sa kanyang pangangaral tungkol sa Panginoong Diyos.
Si San Pablo Apostol naman ay naging matapang. Pero, ang kanyang katapangan ay ginamit sa pawang kamalian. Bakit? Sapagkat inusig niya ang lahat ng mga tagasunod at nananampalataya kay Kristo. Siya pa ang pumayag na ibato hanggang sa mamatay ang unang martir ng Santa Iglesia na si San Esteban. Lahat ay ginawa niya para sa Hudaismo. Isa siyang masigasig na Hudyo. Pero, ang kanyang pagkasigasig ay nagpabulag sa kanya. Paano? Gumagawa siya ng masama sa pamamagitan ng pagpatay ng tao. Inusig niya ang mga nananampalataya kay Kristo.
Nagbago ang lahat sa daang papuntang Damasco. Si Hesus ay nagpakita kay Pablo, na dating kilala bilang Saulo. Ipinakilala ni Hesus ang Kanyang sarili kay Saulo at sinabing Siya ang inuusig niya. Pagkatapos ng pagtagpo ni Saulo kay Hesus, siya'y nabulag, kahit nakabukas ang kanyang mga mata. Dinala si Saulo sa Damasco, at hindi siya kumain o umunom nang tatlong araw at tatlong gabi hanggang sa dumating si Ananias. Si Ananias ay hinirang ng Panginoon upang ibalik ang paningin ni Saulo. Pagkatapos ibalik kay Saulo ang kanyang paningin, si Saulo ay nagpabinyag at naging tagasunod ni Kristo.
Umabot hanggang Roma ang pangangaral nina San Pedro at San Pablo Apostol. Doon sila ipinatay dahil sa kanilang pananampalataya. Si San Pedro ay ipinako sa krus nang patiwarik habang si San Pablo ay pinugutan ng ulo. Napakabiolente ng kanilang kamatayan. Pero, hindi nagtatapos ang kanilang misyon ng pagpapalaganap ng Mabuting Balita ng Panginoon. Ang ating Simbahan, ang Santa Iglesia Katolika, ay nagpapatuloy sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita ng Panginoon. Ipinagpapatuloy ng Simbahan ang misyon na ibinigay ng Panginoong Hesukristo sa mga alagad - ipakilala ang Diyos sa lahat ng dako.
Hindi lahat ng mga hinirang ng Diyos ay perpekto. Katulad nina San Pedro at San Pablo Apostol. Tatlong beses itinatwa ni San Pedro ang Panginoong Hesukristo. Si San Pablo naman, inusig ang mga tagasunod ni Hesukristo. Pero, binago sila ng Panginoon. Sa tulong at awa ng Panginoon, sila ay naging magiting sa pangangaral ng Mabuting Balita tungkol sa Panginoong Diyos. Ipinangaral nila ang mga ibinilin ng Panginoong Hesus sa kanila. Bagamat inuusig sila, hindi sila tumigil sa pangangaral at pagpapalaganap ng Mabuting Balita. Tinuloy nila ang misyon na ibinigay ng Panginoon sa kanila hanggang sa araw ng kanilang pagkamatay. Silang dalawa ay namatay bilang mga martir sa Roma dahil sa kanilang pananampalataya sa Diyos.
"Mapalad kayo kapag dahil sa Aki'y inaalimura kayo ng mga tao, pinag-uusig at pinagwiwikaan ng lahat ng uri ng kasamaan na pawang kasinungalingan. Magdiwang kayo at magalak, sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit." (Mateo 5, 12-13) Sinabi ni Kristo na mapalad ang mga inuusig dahil sa Kanya. Malaki ang magiging gantimpala ng mga taong pinag-uusig nang dahil kay Kristo. Si San Pedro at San Pablo Apostol ay inusig dahil sa pangangaral nila tungkol kay Kristo. Pero, sa pamamagitan ng kanilang pagka-martir, sila ay ginantimpala ng Diyos. Malaki ang kanilang gantimpala mula sa Diyos dahil sa kanilang pagtitiyaga at kagitingan sa pangangaral ng Mabuting Balita. Gaano mang ka-biolente ang kanilang pagpanaw, malaki ang gantimpala nila mula sa Diyos dahil sa kanilang pagtitiyaga at katapangan sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita.
Nawa'y magsilbing inspirasyon para sa ating lahat ang kagitingan nina Apostol San Pedro at San Pablo ngayong Taon ng mga Laiko. Bagamat mga makasalanan at mahihina silang dalawa, binago ng Diyos ang kanilang buhay. Mula sa pagiging makasalanan, sila, katulad ng iba pang mga santo, ay sinikap nilang mamuhay para sa Diyos. Kahit sila'y inusig, hindi ito naging hadlang para sa kanila upang bumitiw sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Humantong man sa biolenteng paraan ng kamatayan, sina San Pedro at San Pablo Apostol ay tumanggap ng isang malaking gantimpala mula sa Diyos dahil sa kanilang kagitingan at kakisigan sa pangangaral ng Mabuting Balita.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento