Linggo, Hulyo 6, 2014

KAPAYAPAAN AT KAPAHINGAHAN MULA KAY HESUS

Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Zacarias 9, 9-10/Salmo 144/Roma 8, 9. 11-13/Mateo 11, 25-30 


Mahalaga para sa ating lahat bilang tao ang pagpapahinga. Tayong lahat, bilang tao, ay napapagod din. Halimbawa, kapag naglalaro tayo ng basketball ng ilang oras, hindi ba, napapagod tayo? Nahahalata naman natin ang ating kapaguran. Paano natin malalaman na napapagod tayo kapag tayo ay naglalaro ng sports katulad ng basketball? Tayo ay pinagpapawisan ng todo-todo at kung paano tayong huminga. Napakabigat ng ating paghinga kapag tayo ay napapagod. Kaya, kinakailangan din nating magpahinga. Importante ang paghinga upang magkaroon tayo ng lakas muli. 

Sa ating Ebanghelyo, mapapakinggan natin na inaanyayahan tayo ng Panginoong Hesus ang mga napapagod. Alam ng Panginoon na bilang tao, tayo ay napapagod. Alam ni Hesus na hindi maipagkakaloob ng sanlibutan ang tunay na kapayapaan at kapahingahan. Ang kapahingahan mula kay Kristo ay iba sa kapahingahang ibinibigay ng sanlibutan. Ang kapayapaan mula kay Kristo ay iba sa kapayapaan ibinibigay ng sanlibutan. Tinatawag at inaanyayahan tayo ng Panginoon na lumapit sa Kanya upang tayo ay bigyan ng kapahingahan mula sa Kanya. Ang mga salitang namutawi mula sa bibig ng Panginoon ay mga salita ng awa. 

Hindi maiaalis natin ang kapaguran sa paghahanap-buhay. Anuman ang propesyon ng isang tao sa buhay, Ang kapaguran ay senyales ng kasipagan. Mabuti naman ang pagiging masipag. Kapag tayo ay nagiging masipag, umuunlad tayo. Sa paghahanap-buhay, tayo ay uunlad at gumaganda ang ating buhay. Hindi madali ang paghahanap-buhay. Hindi laging madali. May mga pagkakataon kung saan tayo ay napapagod sa ating hanap-buhay. Halimbawa, mga doktor, mga guro, mga inhinyero, at marami pang ibang propesyon. 

Ang mga estudyante rin ay nakakaranas ng pagod. Hindi ba, maraming ginagawa ang mga estudyante sa paaralan at sa bahay? Halimbawa, maraming mga assignment ang ibinibigay sa mga estudyante, lalung-lalo na kapag mahirap na. Nakakadulot nito ng stress para sa marami, hindi ba? Sa dami-dami ng mga ipinapagawa ng mga guro sa mga estudyante, sinong estudyanteng hindi mapapagod? Wala, wala, at isang malaking WALA. 

Pero, ganun po ang buhay-estudyante. Bilang mga estudyante, may mga pagkakataon kung saan maraming mga assignment at proyekto na ibinibigay ng mga guro sa kanilang estudyante upang matuto sila ng mga bagay na kailangan nilang alamin. Ito'y para sa kanilang kapakanan. Kaya, ipinapaalala ng mga magulang sa kanila na mahalaga ang pag-aaral upang magkaroon sila ng magandang kinabukasan. Napakahalaga ang pag-aaral para sa mga estudyanteng katulad ko sapagkat ipinaghahanda nito ang mga estudyante para sa kanilang kinabukasan. Pero, kahit nakapagtapos na ang mga estudyante sa pag-aaral, hindi nagtatapos ang pag-aaral bilang tao. 

Hindi man natin maiwasan ang kapaguran sa buhay, tinatawag pa rin ng Panginoon ang bawat tao upang maranasan ang kapayapaan at kapanhingahan mula sa Kanya. Alam ni Kristo na mayroon tayong mga kalakasan at kahinaan. Alam ng Panginoon na hindi laging malakas ang tao palagi. Alam ng Panginoon na ang bawat isa sa atin ay may kahinaan. Kaya, tinatawag tayo ni Hesus upang maranasan natin ang tunay na kapayapaan at kapahingahang mula sa Kanya. Hindi natin matatagpuan ang tunay na kapayapaan at kapahingahan sa iba. Mahahanap natin ang tunay na kapahingahan at kapayapaan kay Hesus lamang. 

Kaya, kapag tayo ay napapagod at hindi na natin kaya, huwag tayong magmataas. Huwag maging matigas ulo. Huwag maging mayabang. Huwag nating ipilit ang ating sarili kung hindi na natin kaya. Bagkus, magpakababa tayo at lumapit kay Hesus. Sa gayon, tayo ay makararanas ng tunay na kapayapaan at kapahingahan mula sa Kanya. Matatagpuan natin ang tunay na kapahingahan at kapayapaan kay Hesus lamang. Pero, kailangang magpakababa muna tayo upang ipagkaloob sa atin ni Hesus ang tunay na kapayapaan at kapahingan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento