Linggo, Hulyo 20, 2014

ANG KABUTIHAN NG DIYOS SA MGA NAGSISISI

Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Karunungan 12, 13. 16-19/Salmo 85/Roma 8, 26-27/Mateo 13, 24-43 (o kaya: Mateo 13, 24-30) 


Ipinapakita ng mga Pagbasa sa araw na ito ang kabutihan at awa ng Diyos sa lahat ng tao. Marami man ang kasalanan ng bawat tao, nais pa rin ng Diyos iligtas ang sangkatauhan. Ang Diyos ay nagagalit sa mga kasalanan ng bawat tao, ngunit iniibig pa rin Niya ang taong nagkasala. Ibang klase ang galit ng Diyos sa galit ng tao. Kung ang tao, nagagalit sa kasalanan at madalas pa nga sa nagkasala, ang Diyos naman ay nagagalit sa kasalanan, ngunit minamahal pa rin ng Diyos ang taong nagkasala. Banal ang galit ng Diyos. Hindi hinahadlangan ng galit ng Diyos ang Kanyang pag-ibig sa lahat ng tao. 

Ang Unang Pagbasa ay tungkol sa awa ng Diyos. Bagamat ang Panginoong Diyos ang makapangyarihan sa lahat ng mga nilalang, ginagamit Niya ang Kanyang kapangyarihan upang maging mabuti sa mga tao. Maaari na Niyang hindi pansinin ng Diyos ang sangkatauhan. Kung ninanais ng Diyos, pwede Niyang sabihin, "Bahala kayo sa buhay niyo! Ako ang Diyos, ang makapangyarihan sa lahat, at hindi ninyo Ako mapapantayan." Ngunit, hindi iyon ginawa ng Diyos. Bagkus, nagpakababa Siya at ginamit ang Kanyang kapangyarihan upang tayo ay ibigin Niya. 

Hinahamon din tayo ng Unang Pagbasa na tularan ang Diyos sa Kanyang kabutihan sa atin. Dapat din tayong magpakababa at maging mabuti sa ating kapwa-tao. Ang kabutihan ng Diyos ay hindi lamang para sa isang tao lamang. Bagkus, ang kabutihan ng Diyos ay para sa lahat. Kailangan nating maging mapagpasensya, katulad ng Diyos. Naging mabuti at mapagpasensya ang Diyos sa atin, kailangan din nating maging mabuti, mapagmahal, mahabagin at mapagpasensya sa ating kapwa-tao. 

Patuloy na ipinapakita ng Salmong Tugunan ng araw na ito ang kabutihan ng Diyos. Ang Diyos ay mabuti sa lahat ng taong nagsisisi at nagbabalik-loob sa Kanya. Ipinapakita ng Salmo ngayong Linggo na ang Diyos ay maawain. Dinidinggin Niya ang bawat panalangin ng sangkatauhan, lalung-lalo na ang mga makasalanan. Hindi tumitigil ang Diyos sa pagmamahal at sa pagiging mabuti sa sangkatauhan, kahit gaano pa mang kasama ang mga kasalanang ginawa nila laban sa kanila. Napakawagas at walang hanggan ang pag-ibig ng Diyos sa lahat ng taong nabubuhay, matuwid man o makasalanan.

Nagsalita si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa tungkol sa kabutihan ng Espiritu sa atin. Tinutulungan tayo ng Espiritu ng Diyos na lumuhog at manalangin sa Diyos. Tayong lahat ay mahihina sapagkat tayo ay mga makasalanan. Hindi tayo karapat-dapat na manalangin sa Diyos. Kaya, ang Espiritu ay tumutulong sa atin upang manalangin sa Diyos. Dinidinggin ng Panginoong Diyos ang bawat dalangin at pagsamo ng Espiritu para sa atin. Hindi kaya nating mag-isa. Dahil sa dami ng ating mga kasalanan, hindi natin kayang manalangin sa Diyos nang hindi tayo tinutulungan ng Espiritu.

Muli nating mamamalas ang pagiging mabuti ng Diyos sa Ebanghelyo ngayon. Ipinapakita ni Hesus kung gaanong kabuti ang Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng isang talinghaga. Ang mabuting binhi ang mga mabubuting tao at ang masasamang damo ay ang mga masasamang tao. Ang bukid ay ang mundo. Noong makita ng puno ng sambahayan at ng kanyang mga katulong na may mga masasamang damo na inihasik kasama ng mga mabubuting binhi, alam ng puno ng sambahayan na isang kaaway ang may kagagawan nito. Hindi masamang damo ang inihasik ng manghahasik, kundi mabuting binhi. 

Pero, inutusan ng puno ng sambahayan na huwag bunutin ang mga damo sapagkat madadamay ang mga mabubuting binhi kapag binunutan ang mga damo. Ayaw madamay ng puno ng sambahayan ang mga mabuting binhi, kaya nagiging matalino siya. Mautak ang puno ng sambahayan. Ang binhi ay mahalaga para sa kanya. Kahit pwede niyang utusan sa kanyang mga katulong na bunutin agad ang mga damo (katulad ng tinanong nila sa kanya), hindi niya pinabunot. Mapagpasensya ang puno ng sambahayan at hihintayin niya ang panahon ng pag-aani upang hiwalayan ang masasamang damo sa mabubuting binhi. 

Ganyan din ang Diyos sa atin. Kung bibigyan po natin ng pansin, ang Diyos ay mapagpasensya. Binibigyan tayo ng Diyos ng pagkakataon upang magbagong-buhay. Pero, hindi ibig sabihin noon na pwede nating abusuhin ang pagiging mapagpasensya ng Diyos. Dapat matalino din tayo sa paggamit ng panahon na ibinibigay sa atin ng Diyos. Oo nga, binibigyan tayo ng pagkakataon ng Diyos upang magsisi at magbalik-loob sa Kanya, pero darating din ang panahon ng pag-aani - ang katapusan ng panahon. 

Sa katapusan ng panahon, wawakasan ng Diyos ang lahat ng mga masasamang gawain. Ang lahat ng masamang bagay ay aalisin at tatapusin ng Diyos. Pero, pinalad tayo at ang Panginoong Diyos ay mapagpasensya. Hinihintay Niya ang tamang panahon, ang katapusan ng panahon, upang tayo ay hatulan. Ang Diyos ay mapagpasensya. Hindi Niya tayo huhusgahan agad. Hindi tayo lilipulin ng Diyos agad dahil nagkasala tayo laban sa Kanya. Bagkus, hinihintay ng Diyos ang tamang panahon at hinihintay ng Diyos ang araw ng ating pagbabalik-loob sa Kanya. Binibigyan tayong lahat ng pagkakataon ng Diyos. Gamitin natin ang pagkakataong ibinigay sa atin ng Diyos upang magsisi at magbalik-loob sa Kanya. Huwag nating abusuhin ang pagiging mapagpasensya ng Diyos. 

Gaano pa mang kasama ang kasalanan ng bawat tao, hindi nito mapapantayan ang awa ng Diyos sa atin. Sinabi nga ng Panginoong Hesus noong nagpakita Siya kay Santa Faustina, "Ang Aking Awa ay higit na dakila kaysa sa mga kasalanan mo at sa mga kasalanan ng santinakpan." Kaya, gamitin natin ang pagkakataong ibinigay sa atin ng Panginoon upang pagsisihan ang ating mga kasalanan at magbalik-loob sa Kanya. Kahit ang pinakamabigat na kasalanan natin ay mapapatawad ng Panginoon. Bakit? Sapagkat Siya'y mapagpasensya at maawain sa ating lahat, gaano pa mang kalaki at kasama ang ating mga kasalanan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento