Jeremias 18, 1-6/Salmo 146/Mateo 13, 47-53
Ang araw na ito ay napakahalaga para sa mga paring Heswita sapagkat ipinagdiriwang po natin sa araw na ito ang Kapistahan ni San Ignacio de Loyola, ang tagapagtatag ng Kapisanan ni Hesus o mas kilala bilang mga paring Heswita. Bago niya itinatag ang paring Heswita, si San Ignacio de Loyola ay isang sundalo na nadisgrasya sa digmaan. Pagkatapos niyang magpagaling, iniwan niya ang pagiging sundalo at inialay ang buong buhay niya sa Panginoong Hesukristo. Sa kanyang bagong buhay bilang sundalo ng Panginoong Hesus, itinatag niya ang Campania de Jesus o ang Kapisanan ni Hesus na mas kilala bilang mga paring Heswita.
Ad majorem Dei gloriam. Ito ang motto ng mga paring Heswita sa wikang Latin. Kung ating isasalin ang kasabihang ito sa Tagalog, ang ibig sabihin ng kasabihang ito ay, "Para sa ikaluluwalhati ng Diyos." Bakit ito pinili ni San Ignacio de Loyola bilang motto ng mga paring Heswita? Sapagkat ayon kay San Ignacio de Loyola, ang bawat mabuting gawa ay magiging mahalaga para sa buhay-espiritwal ng isang tao kapag ito'y ginagawa para magbigay ng kaluwalhatian ng Diyos. Hindi kailangang maging malaki ang paggawa ng isang bagay upang magbigay luwalhati sa Diyos.
Kahit mga simpleng gawain, katulad ng pagpapatuloy sa isang tao na walang matutuluyan sa inyong bahay, ay maaaring magbigay luwalhati sa Diyos. Ang paggawa ng mga korporal at espiritwal na gawa ng awa ay makapag-bibigay ng luwalhati sa Diyos. Hindi kailangang magpasikat sa paggawa ng mabuting bagay upang magbigay ng luwalhati sa Diyos. Ang paggawa ng mabuti sa kapwa ay dapat ginagawa upang magbigay ng papuri sa Diyos. Kahit napakaliit man ang ginawa mo para iyong kapwa, kung ninanais mong magbigay ng kaluwalhatian ng Diyos, ito'y magiging mahalaga para sa inyong kaluluwa.
Si San Ignacio de Loyola ay nagpakita ng isang malaking halimbawa kung paanong magbigay ng luwalhati sa Diyos. Ano ang ginawa niya upang magbigay ng luwalhati sa Diyos? Iniwan niya ang lahat ng mga kayamanan niya. Tinalikuran niya ang lahat na ukols sa kanyang sarili at sa kanyang pagiging sundalo. Pinili niyang maglingkod sa Panginoon. Nagpakadukha siya sa harapan ng Panginoon. Inalay ni Ignacio ang buong buhay niya sa paglilingkod sa Panginoon bilang isang pari. Ang ginawa ni Ignacio ay naging mahalaga para sa kanyang kaligtasan at nagbigay ng luwalhati sa Diyos.
Maraming bagay na maaaring gawin upang magbigay ng luwalhati sa Diyos. Katulad ng pagkakawanggawa, pananalangin at marami pang ibang mga mabubuting gawa. Sinabi nga ni Kristo, "Anuman ang gawin ninyo para sa mga kapatid Kong ito, ginagawa ninyo ito para sa Akin." (Mateo 25, 40) Ang paglilingkod sa kapwa-tao ay isang gawang mabuti para sa ating kaligtasan. Hindi lamang ang pananampalataya ang makaliligtas sa atin. Sabi nga ni Santiago Apostol, "Patay ang pananampalatayang walang gawa." (Santiago 2, 17) Ang pananalangin at paggawa ng mabuti ay mahalaga para sa ating kaligtasan. Sikapin nating manalangin at gumawa ng mabuti sa kapwa dahil sa pamamagitan nito, magkakaroon tayo ng kaligtasan at nagbibigay tayo ng luwalhati sa Diyos.
Ang Simbahan ay tumutulong din sa kapwa-tao. Hindi lamang sila puro dasal. Kapag may mga taong nangangailangan, lalung-lalo na tuwing panahon ng kalamidad, bukas ang Simbahan upang maglingkod sa mga taong nangangailangan. Hindi sila naghahanap ng bayad mula sa mga taong nangangailangan. Bagkus, tumutulong sila nang bukas-palad. Walang iba silang hinahanap na kabayaran. Dahil alam nila na ang Diyos na ang bahala sa ating lahat. Ang Diyos ang magbabayad sa atin sa kabilang buhay para sa ating pananalig sa Kanya at paggawa ng mabuti sa ating buhay dito sa lupa. Sa pamamgitan ng pananalig, pananalangin at pagkakawanggawa, tayo ay nagbibigay luwalhati sa Diyos.
Nawa'y tularan natin ang halimbawa ni San Ignacio de Loyola. Sa pag-alay ng buong buhay niya para sa Diyos, pinili niyang magbigay luwalhati sa Diyos. Karapat-dapat lamang na ang Diyos ay mabigyan ng kaluwalhatian sapagkat Siya ang makapangyarihan sa lahat ng bagay. Nasa Diyos na ang lahat ng bagay. Wala na tayong hahanapin pa. Para kay San Ignacio de Loyola, masaya na siya na magbigay ng luwalhati sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang pananalangin at mga mabubuting gawa. Nawa'y sikapin nating magbigay luwalhati at magkamit ng kaligtasan para sa ating mga kaluluwa sa pamamagitan ng pananalangin, pananalig, at pagkakawanggawa. Nasa Diyos na ang lahat. Piliin nating ialay ang ating buhay alang-alang sa ikaluluwalhati ng Diyos.
AD MAJOREM DEI GLORIAM!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento