Linggo, Hulyo 27, 2014

TANGING YAMAN

Ikalabimpitong Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
1 Hari 3, 5. 7-12/Salmo 118/Roma 8, 28-30/Mateo 13, 44-52 (o kaya: 13, 44-46)



Nitong mga nakaraang linggo, ang mga lingguhang Ebanghelyo ay tungkol sa mga talinghaga ng Panginoong Hesus. Muli natin maririnig ang Panginoon na nagtuturo sa pamamagitan ng mga talinghaga sa Ebanghelyo ngayong Linggo. Sa pamamagitan ng mga talinghagang narinig natin sa Ebanghelyo ngayon, inilalarawan sa atin ng Panginoon kung ano nga ba ang kaharian ng Diyos at kung paano ito katulad. Bahagi ng misyon ni Hesus ay ang pangangaral ng Mabuting Balita tungkol sa paghahari ng Diyos. Sa Ebanghelyo ngayong Linggo, ikinumpara ni Kristo ang kaharian ng Diyos sa kayamanan. 

Ano ang pakiramdam ng isang tao kapag nahanap niya ang kayamanang hinahanap niya? Hindi ba, nagagalak ang isang tao at madalas, tumatalon pa dahil sa matinding kagalakan ang isang tao kapag nakamit niya ang kayamanang matagal niyang hinahanap? Oo, dahil pagkatapos ng hirap na paghahanap, natagpuan na niya sa wakas ang nais niyang makamtan. Pagkatapos ng sipag, tiyaga at hirap, nahanap na niya ang kayamanang hinahanap niya. Isang napakalaking tagumpay para sa kanya ang paghahanap sa kayamanang iyon. 

Kung pinagsisikapan ng tao ang pagiging mayaman, gaano pa kaya pagdating sa kaharian ng Diyos? Ang mga unang sinabi ni Kristo sa Mateo 6, 33: "Pagsumikapan ninyong pagharian kayo ng Diyos." Mas dakila ang kaharian ng Diyos kaysa sa anumang kayamanan dito sa mundo. Ang kaharian ng Diyos ang tunay na tanging yaman. Para kay Kristo, ang tanging yaman sa lahat ng bagay ay ang kaharian ng Diyos. Wala nang iba. Ang paghahari ng Diyos ang dapat pagsikapan ng lahat. Ito ang tunay na tanging yaman. Hindi mapapantayan ng anumang kayamanan sa mundo ang paghahari ng Diyos. 

Ang problema lamang, may mga sakripisyo na kailangan nating gawin upang makamit ang paghahari ng Diyos sa ating buhay. Kalimutan ang lahat ng tungkol sa sarili, magbigay sa mga dukha, at sumunod kay Kristo. Kung natatandaan po natin ang lalaking lumapit sa Panginoon at tinanong kung paanong magkamit ng buhay na walang hanggan. Noong sinabi ng Panginoon na ibenta ang kanyang mga kayamanan sa mga dukha at sumunod sa Kanya, nalungkot ang lalaki. Bakit? Sobra siyang mayaman. Hindi siya makapili. Napakasakit para sa kanya na mahati sa pagitan ng Diyos at kayamanan. Masyadong sakripisyo iyon para sa kanya. Hindi niya kayang bumitiw sa kanyang mga kayamanan. 

Natatandaan ko tuloy ang kwento ni Cardinal Tagle noong Linggo ng Palaspas sa Manila Cathedral. Bagamat hindi ako nakapunta sa Pilipinas nitong Mahal na Araw, nabasa ko ito sa internet. Ikinuwento ni Cardinal Tagle kung paano niya tinanong ang mga kukumpilan. Noong tinanong ni Cardinal Tagle ang katanungang ito - Misa o thirty million dollars, ang sagot ng mga estudyante ay thirty million dollars. Mas pipiliin daw nila na manalo ng tatlumpung milyong dolyar kaysa dumalo sa Misa. Bakit? Ang laki ng halaga ng perang iyon. Sinong hindi makakatanggi doon? Kapag tinanggap ng isang tao ang laking halagang iyon, magiging kasingyaman na niya si Henry Sy (may-ari ng SM) o ang ating Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao.

Ang mundo ngayon ay umaasa sa pera. Pera lamang ang paraan upang lumago at maging maganda ang buhay ng tao. Iyan ay mabuti. Kaya lang, ang problema lamang ay iniisip nila na magiging tunay na masaya ang isang tao kapag marami siyang pera. Ito'y nagiging daan upang maging sakim o gahaman ang isang tao. Nakakatukso ang pera kapag masyadong malaki ang halaga. Kaya, marami ang nagpupusta sa lotto upang lamang mapanalunan nila ang jackpot prize na milyones ang halaga. Ang pera ay nakakatukso dahil kahit mukha itong mabuti para sa atin, ito'y posibleng maging daan upang maging sakim. Hindi daan ang pagiging mayaman upang maging sakim o gahaman.

Sinasabi pa nga ng Panginoon sa Mateo 5, 3: "Mapapalad ang mga dukha sa espiritu, sapagkat mapapasakanila ang kaharian ng Diyos." Isang malaking sakripisyo ito para sa atin. Bakit? Dahil sa mata ng mundo, ang pagiging dukha ay mukhang kawawa. Hindi maganda ang buhay ng isang taong nagpapakadukha. Pero, sa paningin ng Diyos, makakamtan ng mga taong nagpapakadukha, nagpapakababa ang kaharian ng Diyos. Magiging daan para sa lahat ng tao ang pagpapakababa sa mata ng Diyos upang mapagharian ng Diyos. Sapagkat abo lamang tayong lahat kung wala ang Diyos, mayaman man o hindi. 

Isang halimbawa ng isang taong mayaman ay si Solomon sa Unang Pagbasa natin ngayon. Maaari siyang humiling ng kayamanan o ang pagkamatay ng kanyang mga kalaban. Pero, hindi iyon ang hiniling niya. Bagkus, hiniling ni Solomon sa Diyos na bigyan siya ng karunungan upang malaman niya kung ano ang tama at mali. Alam ni Solomon na isang mahirap na posisyon ang pagiging hari ng Israel. Alam niyang hindi niya magiging katulad ng kanyang amang si Haring David. Kaya, ang hiling ni Solomon sa Diyos ay karunungan upang malaman niya kung ano ang tama at mali. Iyan ay ang tunay na mayaman. Nagpakadukha si Solomon sa Diyos at siya'y ginantimpalaan naman ng Diyos.

Bagamat mahirap ang pagpapakadukha sa paningin ng Diyos, ito'y magiging isang daan upang makamit ang tunay na tanging yaman. Para kay Hesus, ang paghahari ng Diyos ay ang tanging yaman. Wala na tayong hahanapin pa kapag nakamtan natin ang paghahari ng Diyos. Tayo'y magiging tunay na mayaman dahil sa pagkamit ng kaharian ng Diyos. Hindi tayo manghihinayang. Ang mapasailalim sa kaharian ng Diyos ay ang daan upang makamit ang tanging yaman. Gagantimpalaan tayo ng Diyos kapag tayo ay nagpakadukha at nakamtan ang paghahari ng Diyos. Binibigyan tayo ng pagkakataon ng Panginoon upang makamit ang kaharian ng Diyos, huwag nating aksayahin ang pagkakataong ito. 

Manalangin tayo: 
Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming magpakadukha
at magpasailalim sa kaharian ng Diyos 
upang makamtan natin ang tanging yaman -
ang kaharian ng Diyos. 
Amen. 




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento