Linggo, Hulyo 13, 2014

PAGTANGGAP SA SALITA NG DIYOS

Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Isaias 55, 10-11/Salmo 64/Roma 8, 18-23/Mateo 13, 1-23 (o kaya: 13, 1-9)



Ang Ebanghelyo natin ngayon ay tungkol sa talinghaga ng magsasakang lumabas upang maghasik (Parable of the Sower). May paliwanag pa nga si Hesukristo tungkol sa talinghagang ito. Ikinumpara ni Hesus ang Salita ng Diyos sa mga binihing inihahasik. Ano naman ang ginamit ng Panginoon upang ang sangkatauhan? Ang apat na uri ng lupa na kung saan nalaglag ang binhing inihasik. Inilalarawan ng bawat uri ng lupa ang bawat taong tumatanggap sa Salita ng Diyos. 

Ang mensahe na ipinapaabot sa atin ng Panginoon sa Ebanghelyo ngayong Linggo ay hindi basta-basta papasok sa ating puso ang Salita ng Diyos. Hindi mamumunga ang Salita ng Diyos sa ating buhay nang gayon na lamang. Kapag narinig natin ang Salita ng Diyos, hindi na natatapos doon. Kailangan nito ang ating kooperasyon upang mamunga ang Salita ng Diyos sa ating buhay. Hindi basta-basta mamumunga sa ating buhay ang Salita ng Diyos kapag wala tayong kooperasyon. 

Kapag wala tayong kooperasyon sa pagbunga ng Salita ng Diyos, hindi ito mamumunga nang sagana. Walang kwenta ang Salita ng Diyos kapag hindi natin gagawin ang ating bahagi sa pagbunga ng Salita ng Diyos sa ating buhay. Hindi sapat ang pakikinig sa Salita ng Diyos. Kinakailangan nating tanggapin ang Salita ng Diyos nang taos-puso at isabuhay ito upang magkaroon ng bunga ito sa ating buhay.  Iyan ang ating kooperasyon sa pagbunga ng Salita ng Diyos sa ating buhay-Kristiyano. 

Ang bawat Salita ng Panginoon ay mga salitang nagbibigay-buhay. Noong si Kristo ay tinukso ni Satanas na gawing tinapay ang bato, si Kristo ay sumagot nang ganito, "Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao kundi sa bawat salitang namutawi mula sa bibig ng Diyos." (Mateo 4, 4 at Lucas 4, 4) Makapangyarihan ang bawat salita ng Diyos. Bakit? Ito'y mga salitang nagbibigay-buhay. Ang pagkain, inumin, pagpapalakas at maraming iba pa ay mahalaga para sa ating kalusugan. Pero, mas makapangyarihan ang salita ng Panginoong Diyos kaysa sa pagkain at inumin dahil pinapalakas nito ang buhay-pisikal at buhay-espiritwal. 

Matatagpuan lamang natin sa Panginoon ang mga salitang nagbibigay-buhay. Hindi natin mahahanap sa iba ang mga salitang nagbibigay-buhay sa ating lahat. Sinabi pa nga ni Apostol San Pedro, "Panginoon, kanino kami pupunta? Nasa Iyo ang mga salitang nagbibigay-buhay." (Juan 6, 68) Ang mga salita ng Panginoon ay mga salita ng buhay. Kung hindi dahil sa mga salita ng Panginoon, hindi tayo mabubuhay. Hindi tayo hihinga ngayon, hindi tayo makakagalaw, hindi tayo mabubuhay kung wala ang Panginoon. Siya lamang ang sasapat sa ating buhay. Ang Panginoon ay nagbibigay ng buhay sa ating lahat sa pamamagitan ng Kanyang mga salita. 

Sa kauna-unahang kabanata ng Mabuting Balita ayon kay San Juan, maririnig natin ang mga salitang ito, "Sa simula pa lamang naroon na ang Salita. Kasama ng Diyos ang Salita at ang Salita ay Diyos." Sino ang Salita na tinutukoy ni San Juan Ebanghelista? Ang Panginoong Hesukristo. Ang Panginoong Hesukristo ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao at nakipamuhay sa atin. Nagpakababa ang Salita ng Diyos at namuhay bilang tao. Ang Salita ng Diyos ay naging tao sa pamamagitan ng Panginoong Hesus. Si Hesus ay nagbibigay-buhay sa lahat ng tao sa pamamagitan ng Kanyang pagiging tao. 

Ang kalungkutan tungkol dito ay hindi binigyan ng pansin ng mga tao si Hesus, ang Diyos na nagkatawang-tao. Bagamat si Hesus ay nagkatawang-tao upang magbigay-buhay, hindi pinansin nila si Hesus. Hindi nagmukhang importante o mahalaga ang Panginoong Hesus sa mga tao. Ayon sa mata ng Kanyang kapwa, si Hesus ay anak ng karpinterong si Jose at anak ni Maria. Isang maliit na bagay lamang si Kristo para sa kanila. Hindi Siya mahalaga. Si Hesus ay parang isang maliit na binhi na inihahasik. Sa itsura pa lang ng isang maliit na binhi na inihahasik, mukhang hindi na ito importante. 

Pero, ang hindi nila nalalaman na si Hesus ay higit pa kaysa sa kanilang iniisip. Siya ay ang Anak ng Diyos. Siya ay Diyos na nagkatawang-tao. Siya ang Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo. Siya ang Mesiyas na ipinangakong susuguin ng Diyos upang iligtas ang Kanyang bayan. Hindi isang pangkaraniwang tao si Hesus. Si Hesus ay isang kakaibang tao. Ngunit, si Hesus ay nagpakababa at namuhay katulad nila. Matatagpuan natin kay Hesus ang isang kapatid. Namuhay Siya katulad ng bawat tao. At hindi lamang iyan. Ang mga salita ni Hesus ay mga salitang nagbibigay-buhay. Si San Pedro Apostol ay nagpatotoo dito sa ika-6 na kabanata ng Ebanghelyo ni San Juan (6, 68). 

Ang mga salita ni Hesus ay tunay na makapangyarihan. May kapangyarihang magbigay ng buhay ang bawat salita ni Hesus. Bakit tayo'y nabubuhay? Dahil sa mga salita ni Hesus. Ang mga salita ni Hesus ay nagkakaloob sa atin ng buhay na walang hanggan. Ang Salita ng Diyos ay nagkatawang-tao sa pamamagitan ni Kristo. Si Kristo ay nagbibigay-buhay sa atin sa pamamagitan ng Kanyang mga salita. Bakit Niya binibigyan ng buhay ang bawat tao? Dahil niloloob ni Kristo na tayo'y magkaroon ng buhay. 

Upang tayo ay mabuhay, kailangan nating tanggapin ang mga Salita ng Panginoon. Hindi basta-basta mamumunga agad ang mga salita ng Panginoon sa ating buhay. Baka, hindi natin maunawaan ang mga salita ng Panginoon. Hindi natatapos ang pagtanggap sa mga salita ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng pakikinig. Kailangan natin tanggapin ang salita ng Panginoon sa ating buhay upang tayo ay magkaroon ng buhay. Kay Hesus lamang matatagpuan ang mga salitang nagbibigay-buhay, at binibigyan Niya ng buhay ang bawat tumanggap sa Kanyang mga Salita nang taos-puso, katulad ng pagbunga ng binhi sa ika-apat na uri ng lupa sa ating Ebanghelyo. Nagbunga ang binhi sa ika-apat na uri ng lupa sa ating Ebanghelyo sapagkat ito'y mabuting lupa. Nawa'y ganyan din ang mangyari sa atin sa ating taos-pusong pagtanggap sa Salita ng Diyos.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento