Sabado, Agosto 2, 2014

DIYOS NG BIYAYA

Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 55, 1-3/Salmo 144/Roma 8, 35. 37-39/Mateo 14, 13-21 



Nagsalita ang Diyos sa pamamagitan ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa upang anyayahan ang lahat ng tao na makisalo sa Kanya. Muli tayong magugutom at mauuhaw dahil sa mga pagkain at inumin dito sa mundo, at iyon ay natural. Hindi tayo magtatagal dito sa mundo kapag isang beses lamang sa ating buhay tayo kumain. Kaya, mahalaga ang pagkain at inumin sa ating buhay. Ito'y makakatulong sa atin upang tayo ay mabuhay. Pero, ang Diyos lamang ang makakapawi sa ating pisikal at espiritwal na kagutuman at kauuhawan. Wala na tayong hahanapin pa kapag ang Diyos ang pumawi sa ating kagutuman at kauuhawan sapagkat sagot niya ang bawat kagutuman at kauuhawan ng katawan at kaluluwa. 

Sinabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na walang makakapaghiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos. Kahit gagutuman o kauuhawan, walang makakapaghiwalay sa atin sa Diyos. Ang Diyos ay mas dakila pa kaysa sa bawat kagutuman o kauuhawan ng bawat tao. Kayang-kaya nating pagtagumpayan ang kagutuman o kauuhawan alang-alang sa Diyos. Walang makakapantay sa Diyos. Nasa Diyos na ang lahat ng bagay. Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos? Wala, wala at isang malaking WALA.

Ang ating Ebanghelyo ay tungkol sa isang himala ni Hesus. Si Hesus ay nagpakain ng limang libong tao. Paano Niya pinakain ang ganitong karaming tao? Sa pamamagitan ng dalawang isda at limang tinapay. Mukhang imposible ito, sa unang tingin. Pero, ginamit ni Hesus ang Kanyang kapangyarihan bilang Diyos upang paramihin ang tinapay at isda nang sa gayon ay mabusog ang limang libong tao. Isang ilang na lugar ang lugar na kung saan si Hesus at ang mga tao ay nagkatipon. Gutom na gutom na sila. Kaya, tumugon si Hesus sa kagutuman ng mga tao sa pamamagitan ng pagpaparami ng tinapay at isda. 

Bago pinakain ni Hesus ang mga tao, pinagaling Niya ang maraming maysakit. Tandaan po natin na si Hesus ay nalungkot dahil sa pagpanaw ng Kanyang kamag-anak na si San Juan Bautista. Noong nabalitaan ni Hesus na pinapugutan ng ulo ni Herodes ang Kanyang pinsang si San Juan Bautista, Siya ay nalungkot. Nalungkot ang Panginoon katulad natin. Sino pa naman ang hindi malulungkot kapag nabalitaan ng isang tao na namatay na ang kanyang kamag-anak? Napakasakit iyon para sa isang tao. Dahil sa pagkamatay ni San Juan Bautista, ang Panginoon ay pumunta sa ilang na lugar upang ipagdasal at alalahanin ang Kanyang kamag-anak na si San Juan Bautista. 

Noong nalaman ito ng mga tao, sumunod sila kay Kristo. Kahit nalulungkot, pinili pa ring ni Kristo upang paglingkuran ang tao. Hindi naging hadlang ang kalungkutan ni Kristo dahil sa pagkamatay ni San Juan Bautista upang hindi paglingkuran ang mga tao. Maaari Niyang paalisin ang mga tao at sabihin sa kanila na wala Siyang panahon para sa kanila. Pero, hindi iyon ginawa ng Panginoon. Bagkus, naglingkod ang Panginoon sa kanila sa pamamagitan ng paggaling ng mga maysakit at pangangaral tungkol sa Mabuting Balita. 

Mapapansin natin sa ginawang pagsunod ng mga tao kay Hesus, hindi lamang sila nagugutom nang pisikal. Gutom na gutom sila sa atensyon ni Hesus. Nais nilang makita ang Panginoong Hesus. Gusto nilang marinig ang pangangaral ni Hesus. Gusto lamang nila makitang pagalingin ng Panginoon ang mga maysakit. Gusto nilang pagalingin sila ng Panginoon sa kanilang mga karamdaman. Kaya, sinunod nila si Hesus, kahit alam nila na ang pupuntahan Niya ay isang ilang na lugar. Sabik na sabik na ang mga tao para kay Hesus. 

Pagsapit ng dapit-hapon, noong ang mga tao ay nagugutom na, ang Panginoong Hesus ay gumawa ng isang plano. Kumbaga sa boy scout, si Hesus ay gumawa ng paraan upang pakainin ang mga tao. Ang motto ng mga boy scout, "Dapat laging handa." Kapag may isang problema, kailangang nakahanda ang mga boy scout upang gumawa ng paraan para sa problemang iyon. Nagkaroon ng isang napakalaking problema ang mga taong pumunta sa ilang upang makita at marinig si Hesus - wala silang makain. Ngunit, nakahanda si Hesus at alam ni Hesus kung ano ang kailangan Niyang gawin. 

Anong resulta ng pagpapakain ni Hesus sa mga tao? Nabusog ang lahat ng mga tao. May mga nasobrahan pang natira. Kuntento na ang mga tao dahil sa ginawa ni Hesus. Ipinapakita ng milagrong sa Ebanghelyo na sisik, liglig at umaapaw ang bawat biyaya ng Diyos sa atin. Hindi natin sukat akalain ang bawat biyaya ng Diyos sa atin. Wala na tayong hahanapin pa. Nasa Diyos na ang lahat. Walang makapapantay sa mga biyaya ng Diyos. 

Bahagi ng panalanging itinuro ng Panginoon ay ang paghingi ng ating kakanin sa araw-araw. Ipinapakita ng bahagi ng panalanging ito ang pagiging mapagpala ng Diyos. Hindi mapapantayan ng anumang bagay o kayamanan dito sa mundo ang mga pagpapala ng Diyos sa atin. Napakawagas ang Diyos kung magkakaloob ng biyaya sa atin. Pinupuspos tayo ng Diyos ng napakaraming biyaya sa atin. Anumang ang ating mga pangangailangan, ang Diyos ang magkakaloob sa atin. Kung pagkakalooban ng Diyos ang anumang mga pangangailangan natin, ito'y napakawagas at wala nang hahanaping iba. 

Ang lahat ng mga pagpapala ng Diyos sa atin ay napakawagas. Hindi mapapantayan ang Diyos pagdating sa mga biyayang ipinagkakaloob sa atin. Walang kulang sa anumang biyaya ng Diyos sa atin. Alam Niya ang ating mga pangangailangan. Hindi tayo manghihinayang sa anumang ipagkakaloob ng Diyos sa atin. Ipinagkakaloob ng Diyos sa atin ang mga biyayang ating kakailanganin, katulad ng pagkain, inumin at maraming iba pang mga pangangailangan natin. Siya lamang ang tanging nakakaalam sa lahat ng ating mga pangangailangan. 

Nawa'y sa ating pananalangin, huwag nating kalimutang magpasalamat sa Diyos sa dami-dami ng mga biyayang ating tinanggap. Karapat-dapat Siyang pasalamatan dahil sa mga biyayang ipinagkaloob Niya sa atin. Madalas puro tayo hingi ng hingi sa Panginoong Diyos kapag tayo ay nagdarasal. Huwag nating kalimutang magpasalamat sa Diyos. Sa dami-dami ng mga biyayang ipinagkaloob sa atin ng Panginoon, huwag nating kalilimutang magpasalamat sa Kanya sa ating pananalangin sa Kanya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento