Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Jeremias 20, 7-9/Salmo 62/Roma 12, 1-2/Mateo 16, 21-27
Ipinahayag ng Panginoong Hesukristo sa unang bahagi ng Ebanghelyo ngayong Linggo na Siya'y magpapakasakit, mamatay at muling mabubuhay sa ikatlong araw. Alam ng Panginoon na hindi Niya matatakasan ang krus. Gustuhin man ng Panginoon na takasan ang kamatayan sa krus, hindi Niya magawa ito. Naparito ang Panginoon upang tuparin ang Kanyang misyon bilang Mesiyas. Kung naalala natin sa Ebanghelyo noong nakaraang Linggo, ipinahayag ni San Pedro Apostol na si Hesus ang Kristo, ang Mesiyas, ang Hinirang ng Diyos. Sa Ebanghelyo ngayon, ipinapahayag ni Hesus sa unang pagkakataon sa Kanyang mga alagad ang Kanyang misyon bilang Mesiyas.
Ayon sa mga alagad, lalung-lalo na para kay San Pedro Apostol, ito'y isang kabiguan para kay Kristo. Hindi ito ang inaasahan nila sa Mesiyas na matagal na nilang hinihintay. Napakasakit ito para sa kanila. Hindi nila matanggap ang sinasabi ni Kristo. Ang inaasahan nila kay Kristo ay isang pulitikong tagapamuno. Umaasa sila na palalayain sila ni Kristo mula sa pagkaalipin. Umaasa sila na pababagsakin ni Kristo ang mga Romano. Isang kabiguan para sa kanila ang marinig mula kay Kristo na Siya ay mamamatay.
Si San Pedro Apostol ay nagsalita para sa mga alagad. Tutol ang mga alagad sa misyon ni Hesus na mamatay. Hindi nila maintindihan at hindi nila pumayag na si Hesus ay mamamatay. Isa itong kabiguan para sa kanila. Hindi sila papayag na mamatay si Hesus. Pero, pinagalitan ni Hesus si Pedro. Tinawagan pa naman si Pedro na "Satanas." Talaga bang sinadya ni Hesus na tawaging "Satanas" si Pedro? Hindi. Gumagamit si Hesus ng malalakas na wika upang ipaliwanag ang Kanyang sinasabi. Sa kaso ni Pedro, ang ibig sabihin ng "Satanas" ay "kumukontra," "humaharang."
Muling nagsalita ang Panginoon tungkol sa krus sa ikalawang bahagi ng Mabuting Balita ngayon. Ito ang kundisyon ng pagsunod sa Panginoong Hesus. Kailangang pasanin ng sinumang nais sumunod sa Panginoon ang kanyang krus at sumunod sa Panginoon. Hindi madali ang pagsunod sa Panginoon. May mga krus na dapat nating pasanin sa ating pagsunod sa Panginoon. May mga pagsubok tayong dadaanan sa ating pagsunod sa Panginoon.
May isang kwento tungkol sa isang taong nagpapasan ng krus kasama ang Panginoon. Habang pinapasan niya ang sarili niyang krus, naramdaman niyang mabigat ito. Masyadong mabigat para sa kanya ang krus na ibinigay sa kanya. Kaya, tinanong niya ang Panginoon, "Panginoon, maaari ko po bang bawasan ang bigat ng krus nang kahit kaunti lamang?" Pinayagan naman siya ng Panginoon. Nang hindi na gaanong mabigat, pinasan na niya ang krus. At nang dumating nila sa bangid, akala ng taong ito na tapos na ang kanilang paglalakbay. Pero, ang sabi ng Panginoon, "Hindi pa tayo tapos. Tatawid tayo." Noong iniangat ng taong ito ang kanyang krus, hindi niya maabot ang kabilang bundok.
Hindi nga madali ang pagsunod sa Panginoon. Ang krus na ibinigay sa atin ay hindi madaling pasanin ito. Bagamat matutulungan tayo ng ating mga kaibigan, kinakailangang pasananin natin ang ating mga krus sa buhay. Masakit man ito para sa atin, pero ito ang katotohanan. Hindi laging madali ang buhay. May mga pagsubok at mga krus na pagdadaanan natin sa buhay. Napakasakit ito para sa atin, pero kailangan nating tanggapin ang katotohanan.
Si Hesus ay nakaranas din ng matinding pagsubok sa buhay. Bagamat alam ni Hesus na Siya'y mamamatay sa krus alang-alang sa sangkatauhan, nahirapan Siya sa Halamanan ng Hetsemani. Nagdusa ang Panginoon sa gabi bago Siya dinakip at pinatay. Nanalangin si Kristo na kung maaari'y iligtas Siya ng Ama mula sa nalalapit Niyang kamatayan. Isa itong pagsubok sa buhay ni Hesus. Alam ni Hesus na dapat itong mangyari, pero nahihirapan Siya sa paggawa ng desisyon. Dala ni Hesus ang takot sa nalalapit Niyang kamatayan.
Nang matapos ang pananalangin ng Panginoong Hesus, ang sabi Niya sa Ama, "Hindi ang kalooban Ko, kundi ang kalooban Mo ang masunod." Sumuko si Hesus sa kalooban ng Ama. Tinanggap Niya ang kalooban ng Ama. Dahil sa panibagong lakas mula sa Ama, nakahanda si Hesus na harapin ang Kanyang kamatayan. Hindi na umatras si Hesus o tumakas mula sa Kanyang kamatayan. Bagkus, hinarap Niya ito nang buong katapangan. Ang katapangan ni Hesus upang tanggapin ang Kanyang krus ay nagmula sa Ama.
Katulad ni Hesus, manalangin tayo sa Ama na pagkalooban Niya tayo ng katapangan. Sa gayon, magkakaroon tayo ng lakas ng loob upang tanggapin at pasanin ang ating mga krus sa buhay. Magkakaroon tayo ng lakas upang harapin ang mga pagsubok sa buhay. Ang Panginoong Hesus ang nagsabi sa Ebanghelyo, "Kung ibig ninuman na maging alagad Ko, kailangan niyang limutin ang lahat na ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa Akin." (Mateo 16, 24)
Hindi tayo nag-iisa sa mga pagsubok at mga krus sa buhay natin. May kasama tayo. May karamay tayo sa ating mga pagsubok at mga krus sa buhay - si Hesus. Hinding-hindi Niya tayo pababayaan. Kaisa natin si Hesus sa hirap at ginhawa. Siya ay kaisa natin sa ating mga krus at mga pagsubok sa buhay. Makiisa nawa tayo sa paghihirap ni Hesus.
O Diyos, pagkalooban Mo nawa kami ng katapangan upang magkaroon kami ng lakas ng loob na harapin ang mga pagsubok sa buhay at pasanin ang ating mga krus. Nawa'y makiisa kami sa pagdurusa ni Hesus. Amen.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento