Linggo, Setyembre 7, 2014

PAKIKIPAG-AYOS SA ATING KAPWA

Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Ezekiel 33, 7-9/Salmo 94/Roma 13, 8-10/Mateo 18, 15-20 


Maraming pagkakataon kung kailan tayo ay hindi nagkakaintindihan. Bilang tao, madalas tayong hindi nagkakaunawaan. Hindi nating maiwasan ang mga pagkakataon kung kailan hindi tayo nagkakaintindihan. Kahit gusto natin itong iwasan, halos hindi natin ito maiwasan. Mahirap iwasan ang di-pagkakaunawaan. Ang di-pagkakaunawaan ay nagdudulot ng isang malaking problema para sa atin. Isang napakalaking problema para sa isang tao ang di-pagkakaunawaan. Dahil sa di-pagkakaunawaan, mas lalong mahirap magkaayos at magpatawaran. 

Tinuturan tayo ng Panginoong Hesukristo sa ating Ebanghelyo kung paanong makipag-ayos sa ating kapwa. Nais ni Hesus na iparamdam natin sa ating kapatid at kapwa ang ating pagmamahal sa kanila. Sa pamamagitan ng pakikipag-ayos sa ating mga kapatid at kapwa, ipinaparamdam natin sa kanila na minamahal natin sila. Ang Diyos ay pag-ibig. Ipinaparamdam ng Diyos sa ating lahat ang Kanyang pagmamahal sa atin. Hinahamon tayo ngayon na iparamdam din natin ang ating pagmamahal, hindi lamang sa Diyos, kundi pati rin sa ating mga kapatid at kapwa. 

Nagbigay ang Panginoon ng tatlong hakbang upang makipag-ayos sa ating kapwa. Una, kinakailangang kausapin muna natin nang personalan ang ating kapwang nagkamali. Ipaliwanag natin kung ano nga ba ang pagkakamali niya at kung bakit ito mali. Sa pamamagitan ng inyong pag-uusap nang sarilinan, baka maliwanagan siya tungkol sa kanyang ginagawa. Baka malaman niya na ang kanyang ginagawa ay hindi tama. Muli siyang mag-aaral at matututo kung ano ang tama at mali. 

Ikalawa, kung hindi pa siya makikinig, magsama pa ng dalawa o tatlong saksi. Ang mga saksing ito ang magpapatunay sa inyong pag-uusap. Kung hindi sapat ang pagtulong ng iyong sarili, nandoon ang mga saksi. Tutulungan ka ng mga saksing sinama mo. Sila'y tutulong sa iyo sa pagpapaliwanag sa kanya ang kanyang pagkakamali. Gagawin nila ang lahat ng makakaya nila upang ipaliwanag sa taong nagkamali na ang ginawa niya ay mali. 

Ikatlo, sabihin sa pagtitipon ng Simbahan kapag hindi pa siya makikinig sa iyo o sa mga saksi. Ang Simbahan ay isang komunidad. Sabi pa nga ni Kristo sa Ebanghelyo, "Kung may dalawa o tatlo nagtitipon sa Pangalan Ko, naroon Akong kasama nila." (Mateo 18, 20) Dalhin sila sa Simbahan. Ipagdasal ang taong iyon. Pero, ang nakakalungkot, hindi ito ginagawa ng mga tao ngayon. Bagkus, humahantong ang kanilang di-pagkakaunawaan sa korte kadalasan. Nagkakaroon ng demandahan, at kahit tapos na ang demandahan o kaso, hindi pa rin sila nagkakasundo. May galit pa rin sila sa isa't isa. 

Ang Simbahan ay isang komunidad. Lahat ng tao ay malugod na tinantanggap dito sa Simbahan. Sama-sama nating ipinagdarasal bilang isang komunidad ang pagbabagong-buhay ng mga makasalanan. Tayo ay nananalangin para sa ating mga sarili at para sa lahat ng tao. Nagdarasal tayo sa Diyos para sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan at ang mga kasalanan ng sangkatauhan. Sa tulong ng Simbahan, ang mga makasalanan ay makakapag-bagong buhay. 

Pero, kung hindi umubra ang mga iyon, iniuutos sa atin ng Panginoong Hesus na ituring Hentil ang ating kapatid na hindi pa rin makikinig. Kapag matigas ang kanyang ulo at ayaw pa rin niyang makinig, pwede mo na siyang pakawalan. Pwede na natin siyang palayain. Ituring na Hentil. Pero, ano ba ang ginawa ni Hesus sa mga itinuring na Hentil? Minahal pa rin Niya ang mga Hentil, katulad natin. Ang utos pa nga ni Hesus, "Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at ipagdasal ang mga umuusig sa inyo." (Mateo 5, 44) Kahit kaaway natin, iniuutos pa rin ni Hesus na ipagdasal natin sila. Hindi dapat tayo tumigil sa pagmamahal at pagdasal para sa ating kapwa, kahit hindi maayos ang di-pagkakaunawaan. 

Walang sawa ang pagmamahal ng Diyos sa atin. Hindi nagtitigil ang Panginoon sa Kanyang pagmamahal at pagpapasensya sa ating mga makasalanan. Bagamat maraming pagkakataon kung kailan nagiging matigas ang ating mga ulo, Hinihintay Niya ang tamang oras ng ating pagbabago at pagbabalik-loob sa Kanya. Nawa'y ipadama natin ang ating pagmamahal sa kapwa, kahit matigas pa ang kanilang mga ulo. Huwag nawa tayong magsawa sa pagmamahal at pagdarasal para sa kanila, kahit may mga problema tayo sa kanila. Ang Diyos ay hindi nagsasawa sa atin. Nawa'y huwag tayong magsawa sa ating mga kapatid at kapwa. 

O Diyos, tulungan po Ninyo kaming maging maging maawain, mapagmahal, at mapagpasensya sa aming mga kapatid at kapwa-tao, katulad ng Iyong pagpapasensya, pagmamahal at awa Mo sa amin. Amen. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento