Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Isaias 55, 6-9/Salmo 144/Filipos 1, 20k-24. 27/Mateo 20, 1-16a
Ipinapakita ng Panginoong Hesukristo sa ating Ebanghelyo ang kagandahang-loob ng Diyos sa pamamagitan ng isang talinghaga. Ang Diyos ay nagmamagandang-loob sa lahat ng tao, kahit sa mga makasalanan. Ganito ang pagsasalarawan ng Diyos sa talinghaga tungkol sa may-ari ng ubasan at ang mga manggagawa. Nagmagandang-loob ang may-ari ng ubasan sa mga taong walang trabaho. Binigyan niya ng trabaho ang mga taong walang trabaho. Sa katapusan ng araw, pantay-pantay ang suweldong tinanggap ng mga manggagawa mula sa may-ari ng ubasan na nagmamagandang-loob sa kanila.
Mayroon tayong kasabihan, "Huli man daw at magaling, naihahabol pa din." Ang ibig sabihin ng salawikaing ito ay mas mabuti pang meron kaysa wala. Mas tatanggapin natin na dumating ang isang bagay, kahit huli na, kaysa namang wala namang dumating. Kahit huli na ang pagdating ng isang bagay, mapapakinabangan pa rin natin ito kung ito ay mabuti. Ganyan din ang pagtingin sa atin ng Diyos. Dahil sa Kanyang kagandahang-loob, tinatanggap tayo ng Diyos, kahit huli na ang lahat.
Ang may-ari ng ubasan ay naghanap pa rin ng mga manggagawa para sa kanyang ubasan, kahit tinanggap niya ang mga manggagawa na magtatrabaho mula sa pagbubukang-liwayway hanggang sa pagtatakipsilim. Maaari siyang maging kuntento sa mga manggagawa na magtatrabaho sa kanya para sa buong araw. Pero, naghanap pa rin siya ng mga manggagawa. Lumabas ang may-ari ng ubasan at humanap ng mga manggagawa. Naawa at nahabag ang may-ari ng ubasan sa mga taong walang manggagawa. Kaya, dahil sa kanyang awa at habag sa kanila, tinanggap pa rin niya ang mga taong walang magawa upang magtrabaho sa kanyang ubasan.
Paulit-ulit lumabas ang may-ari ng ubasan hanggang sa mag-aalas singko na ng hapon. Nakakita na naman siya ng mga taong walang magawa. Ang reklamo ng huling grupo ay walang tumatanggap sa kanila. Hindi sila makakapagtrabaho dahil wala namang tatanggap sa kanila. Dahil sa kagandahang-loob ng may-ari ng ubasan, tinanggap pa rin niya ang mga taong walang magawa, kahit alas singko na ng hapon. Malapit nang magtapos ang araw ng paggawa. Isang oras na lamang ang natitira. Pero, tinanggap pa rin sila ng may-ari ng ubasan dahil alam niya na may mabuting madudulot ang mga ito, kahit huli na.
Sa pagtatapos ng araw ng paggawa, tinawag ng may-ari ng ubasan. Pero, sa halip na ang unang grupo ang unang binayad, ang unang binayaran ng may-ari ng ubasan ay ang huling grupo. Isang oras lamang nagtrabaho ang huling grupong dumating upang magtrabaho para sa may-ari ng ubasan. Magkano ang binayaran ng may-ari ng ubasan? Tig-iisang denaryo. Akala ng grupong nauna na mas malaki ang bayad na tatanggapin nila dahil sila ang nagtrabaho nang pinakamahaba. Pero, magkano ang tinanggap ng unang grupong dumating? Tig-iisang denaryo din.
Ano ang magiging reaksyon natin kapag magkaparehas ang tinanggap natin sa tinanggap ng huling grupong dumating? Hindi ba, magrereklamo tayo? Magagalit tayo dahil buong araw tayong napagod at naghirap sa pagtatrabaho, hindi ba? Ganun ang ginawa ng unang grupong nagtrabaho sa buong araw. "Bakit ganito ang bayad namin? Hindi tama ito! Ang huling grupo ay nagtrabaho ng isang oras lamang samantalang kami ay nagtrabaho para sa buong araw! Tiniis namin ang nakapapasong init ng sikat ng araw, at ganito lamang ang bayad namin?! Hindi tama ito! Isa itong pagdadaya!"
Sa mata ng mundo, ito nga ay isang pagdadaya. Hindi tama ang bayaran nang pare-pareho ang mga grupong ito, lalung-lalo na ang unang grupo na nagtrabaho nang buong araw. Ang ganitong pagbabayad ay hindi tama. Nararapat lamang na taasan ang bayad ng mga grupong nauna, lalung-lalo na ang kauna-unahang grupo na nagtrabaho sa ubasan. Pero, bakit nga ba ito ginawa ng may-ari ng ubasan? Bakit pare-pareho ang bayad ng mga manggagawa?
Nilinaw ng may-ari ng ubasan kung bakit magkaparehas ang bayad ng mga manggagawa. Unang-una, bago pa man sila nagtrabaho, iyon na ang kanilang ipinagkasundo. Walang pagdadaya doon. Nananatiling tapat ang may-ari ng ubasan sa usapan nila. Sinunod niya at ginawa niya ang kanyang bahagi sa kanilang kasunduan. Nagkasundo sila na babayaran sila ng tig-iisang denaryo, iyon ang binayad niya sa kanila. Hindi nagkaroon ng pagdadaya doon. Nagkasundo na sila bago pa nagtrabaho ang mga manggagawa sa ubasan.
Ikalawa, posibleng naiinggit lamang ang unang grupo sa may-ari ng ubasan. Bakit? Sapagkat magkaparehas lamang ang pagbayad niya sa mga manggagawa. Nagmagandang-loob ang may-ari ng ubasan. Mabait siya at maaari niyang gawin kung ano ang gusto niya sa kanyang kayamanan. Kahit nagtrabaho ng isang oras lamang ang huling grupong dumating sa ubasan upang magtrabaho, tinanggap pa rin niya at binayaran ng tig-iisang denaryo. Dahil sa habag at awa ng may-ari ng ubasan, siya ay nagmagandang-loob at tinanggap ang lahat ng mga manggagawa sa kanyang ubasan, kahit ang mga huling dumating.
Ang Diyos ay nagmamagandang-loob sa ating lahat. Paulit-ulit na ipinapadama ng Diyos ang Kanyang kagandahang-loob sa ating lahat. Hindi Siya magsasawa sa pagpapadama ng Kanyang kagandahang-loob sa atin. Tinatanggap ng Panginoon ang lahat ng tao, kahit huli na siyang dumating. Hinding-hindi tatalikuran o dadayain tayong lahat ng Panginoong Diyos. Lahat tayo ay pantay-pantay sa Kanyang paningin. Dahil sa awa at habag ng Panginoon, ipinapadama Niya sa atin ang Kanyang kagandahang-loob sa atin. Tinatanggap tayo ng Diyos, kahit dumating tayo sa huli. Mas mabuti para sa Diyos na bumalik tayo sa Kanya sa huli kaysa hindi tayo bumalik sa Kanya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento