Mikas 5, 1-4a (o kaya: Roma 8, 28-30)/Salmo 12/Mateo 1, 1-16. 18-23 (o kaya: 1, 18-23)
Ang araw na ito ay napakahalaga para sa ating lahat, mga Katoliko, sapagkat ipinagdiriwang natin ang araw ng pagsilang ng Mahal na Birheng Maria sa mundo. Nagdulot ng kagalakan sa lahat ang pagsilang ng Mahal na Ina dahil siya ay naging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Bago pa ipanganak ang Mahal na Birheng Maria sa sanlibutan, iniligtas siya ng Diyos noong siya'y ipinaglihi ng kanyang inang si Santa Ana (Inmaculada Concepcion). Sa pamamagitan noon ay naging karapat-dapat ang Mahal na Ina upang dalhin sa kanyang sinapupunan at maging ina ng Tagapagligtas, ang Panginoong Hesukristo.
Sa Mabuting Balita para sa araw na ito, mapapakinggan natin ang pagpapakita ng isang anghel ng Panginoon kay San Jose sa pamamagitan ng panaginip. Pinag-iisipan ni San Jose na hiwalayan ang Mahal na Birheng Maria nang lihim. Bakit? Sapagkat si Maria'y natagpuang buntis. Katulad ng mga pangkaraniwang lalaki, si San Jose ay nagkaroon ng mga pagdududa tungkol kay Maria, kahit mahal na mahal niya si Maria. Napakakumplikado na ng sitwasyon nina San Jose at ng Birheng Maria. Buntis si Maria, pero hindi pa siya kasal. Isang napakakumplikadong sitwasyon para kay San Jose.
Ipinaliwanag ng anghel kay San Jose na hindi nakiapid ang Mahal na Ina kaninuman. Malinis at busilak ang Mahal na Birheng Maria. Hindi niya magagawa kay Jose na dayain siya. Hindi makikiapid si Maria dahil mahal na mahal din niya si Jose. Ang pagkabuntis ni Maria ay hindi dahil sa nakipag-relasyon siya sa ibang lalaki. Si Maria ay nabuntis sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Ang Diyos ay gumawa ng himala sa pamamagitan ng Mahal na Birheng Maria. Ang Mahal na Birheng Maria ay naglihi sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Hindi nakipag-relasyon o nakipagtalik si Maria sa ibang lalaki.
Napakahalaga ang Mahal na Ina sa paningin ng Diyos. Siya ay pinili ng Diyos na maging ina ni Kristo. Ginawa siyang marapat na maging ina ni Kristo sa pamamagitan ng pagligtas sa kanya bago pa siya isilang. Hindi pinayagan ng Diyos na dungisan ng kasalanang mana ang babaeng magdadala sa Kanyang Bugtong na Anak. Kaya, iniligtas pa ng Diyos si Maria mula sa dungis ng kasalanang mana upang maging ina ng Manunubos. Bahagi ito ng plano ng Diyos. Ang Diyos ay nagplano upang iligtas ang sangkatauhan. Ang pagliligtas kay Maria bago siya isilang ay bahagi ng dakilang plano ng Diyos.
Tuwang-tuwa ang Diyos sa pagsilang ng Mahal na Birheng Maria sapagkat ito ay nagdala ng mabuting balita para sa lahat. Malapit nang maganap ang dakilang plano ng Diyos. Malapit nang dumating ang Mesiyas. Dumating na ang tagapagdala ng Bagong Tipan. Ang ina ng Mesiyas ay isinilang na. Si Kristo ay darating na. Malapit nang matupad ang lahat ng mga sinabi ng Diyos sa pamamagitan ng propeta tungkol sa pagsilang ng Mesiyas. Isinilang na ang ina ng Mesiyas.
Bukod na pinagpala ang Mahal na Ina sa lahat ng mga babae. Napakaespesyal si Maria sa paningin ng Diyos. Ang pagsilang ng Mahal na Birheng Maria ay nagdulot ng malaking kagalakan sa Diyos at sa lahat ng mga nananalig sa Panginoong Hesus. Isang napakaespesyal na babae si Maria. Dahil sa pagpapala ng Diyos sa kanya, siya ay pinili ng Diyos upang maging ina ni Hesus, ang Mesiyas. Bagamat napakalaki at napakahirap na pananagutan ang pagiging ina ng Mesiyas, si Maria ay tumalima at sumunod sa kalooban ng Diyos. Si San Jose rin ay tumalima sa kalooban ng Diyos at tinulungan ang Mahal na Birheng Maria sa pagpapakalaki sa Panginoong Hesus.
Kung paanong nagdulot ng kagalakan sa Panginoong Diyos ang pagsilang ng Mahal na Birheng Maria, nagdulot ng kagalakan para sa Mahal na Birheng Maria at kay San Jose na sila ay magiging mga magulang ni Hesus sa Kanyang pagsilang dito sa lupa. Bagamat isang napakalaki at napakahirap na pananagutan para kina San Jose at sa Mahal na Ina na maging mga magulang ni Hesus, tumalima sila at sinunod nila ang kalooban ng Amang Diyos. Si Hesus rin ay tumalima at sumunod sa kalooban ng Amang Diyos buong buhay Niya sa lupa.
Buong kagalakan nawa nating ipagdiwang ang kaarawan ng ating Mahal na Inang nasa langit, ang Mahal na Birheng Maria, at tularan ang kanyang halimbawa. Patuloy nawa tayong manalangin sa ating Mahal na Ina upang tayo ay kanyang tulungan na tularan ang kanyang halimbawa. Sinunod niya ang kalooban ng Ama, katulad ng pagsunod ng Panginoong Hesukristo sa kalooban ng Ama. Nawa'y buong kagalakan tayong tumalima at sumunod sa kalooban ng Diyos, katulad ni Hesus, Maria at Jose.
Amang makapangyarihan, tulungan Mo kaming tumalima at sumunod sa Iyong kalooban, katulad nina Hesus, Maria at Jose. Amen.
Mahal na Birheng Maria, ipanalangin mo kami.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento