Kapistahan ng Pagtatampok sa Banal na Krus (ABK)
Mga Bilang 21, 4b-9/Salmo 77/Filipos 2, 6-11/Juan 3, 13-17
Hindi lamang sa Biyernes Santo nagbibigay-pugay ang Santa Iglesia sa Banal na Krus ng ating Panginoong Hesukristo. Muling nagbibigay pugay ang ating Simbahan sa Krus ng Panginoon ngayong araw na ito. Ang pagdiriwang ng Simbahan ngayon ay ang Pagtatampok sa Krus na Banal. Para sa ating mga Katoliko, napakahalaga ang Krus ni Kristo sapagkat sa kahoy ng krus na iyon, si Kristo ay nagbuwis ng buhay alang-alang sa ating lahat. Si Kristo ang nag-alay ng buhay alang-alang sa atin dahil sa Kanyang awa at pag-ibig sa atin upang tayo ay magkaroon ng buhay.
Siguro, maraming tao, lalung-lalo na ang mga Katoliko, ay may katanungan katulad nito: "Bakit ba binibigyang halaga ng Simbahan ang krus ni Kristo?" Makikita natin ito sa altar ng maraming Simbahan. Maraming mga simbahan na kung saan ang crucifixo o ang imahe ni Kristong nakabayubay sa krus ang makikita sa gitna ng retablo. Kapag may nakatingin dito, may ilang mga nagtatanong kung bakit ang imahe ng Panginoong nakapako sa krus ang nasa gitna nito. Para sa kanila, medyo negatibo ang mensahe nito. Mas magugustuhan pa nila kung ang imahe ng Panginoong muling nabuhay sa gitna ng retablo ng mga simbahan.
Bakit nga ba binibigyan ng halaga ng Simbahan ang krus ng Panginoon? Para sa ating mga Katoliko, ang krus ng Panginoon ay ang sagisag ng ating kaligtasan. Si Hesus ay nag-alay ng Kanyang buhay upang tayong lahat ay maligtas. Ito ang tanda ng dakilang pag-ibig ng Panginoon sa ating lahat. Ito ay tanda ng tagumpay ng Panginoon para sa ating lahat. Ito ang tanda ng ating kaligtasan. Sa pamamagitan ng paghahain ni Hesus ng Kanyang buhay, tayong lahat ay naligtas mula sa kasamaan.
Ang krus ng Panginoon ay sagisag ng tagumpay at kaligtasan. Paano? Sapagkat sa pamamagitan ng pagkamatay ng Panginoong Hesus sa krus, tinubos Niya ang sangkatauhan. Naparito si Hesus upang iligtas ang sangkatauhan, hindi upang hatulan ang sangkatauhan, katulad ng nasasaad sa Mabuting Balita natin ngayon. Dahil sa pag-ibig ng Panginoon sa ating lahat, pinili Niyang ialay ang Kanyang buhay alang-alang sa ating lahat. Hindi naparito ang Panginoon upang tayo ay hatulan at mapahamak. Bagkus, naparito Siya upang ipadama ang Kanyang dakilang pagmamahal sa atin at iligtas.
Dati, ang krus ay isang tanda ng kapahamakan at kamatayan. Hindi kaaaya-aya ang krus. Hindi ito maganda. Ang krus ay dating tanda ng kahinaan at kapahamakan. Pero, noong inialay ng Panginoong Hesus ang Kanyang buhay sa krus, ang krus ay naging tanda ng ating kaligtasan. Nagbago na ang sagisag ng krus. Binago ni Hesus ang sagisag ng krus. Mula sa pagiging sagisag ng kapahamakan at kahiyaan, ang krus ay naging sagisag ng tagumpay at kaligtasan. Naging tanda din ito ng awa at pag-ibig ng Panginoon sa atin.
Ipagmalaki natin ang krus ng ating Panginoon. Hindi tayo ikinakahiya ng ating Panginoon. Tayong lahat ay minamahal at pinapatawad ng Panginoon sa ating mga kasalanan. Ito nga ang dahilan ng pagparito ng Panginoon sa lupa. Kung hindi tayo minamahal ng Panginoon, hindi Siya pupunta dito sa lupa upang tayo ay iligtas at hahayaan lamang tayo ay mapahamak. Pero, minamahal tayo ng Panginoon. Dahil sa Kanyang awa, habag at pagmamahal sa atin, nagkatawang-tao ang Panginoon at namuhay bilang isang tao, maliban sa kasalanan, upang tayo ay Kanyang iligtas mula sa ating mga kasalanan.
Ano ang krus? Para sa ating mga Katoliko, ang krus ay ang sagisag ng tagumpay at kaligtasan na kinamit ng ating Panginoong Hesukristo sa pamamagitan ng pag-aalay ng Kanyang buhay. Hindi ito tanda ng kapahamakan, kahinaan o kamatayan. Sa kahoy ng krus ni Hesus, makikita natin ang Kanyang tagumpay na kinamit Niya para sa atin. Ito ay dahil sa Kanyang pagmamahal, awa at habag para sa ating lahat. Nawa'y huwag nating ikahiya ang krus ng ating Panginoon. Ang krus ay ang tanda ng tagumpay at pagliligtas ng Panginoon. Ipagmalaki natin na minamahal tayo ng Panginoon. Ang pag-aalay ng Panginoon ng Kanyang krus alang-alang sa atin ang katibayan ng awa, habag at pagmamahal Niya sa atin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento