Lunes, Setyembre 15, 2014

PAGDURUSA NG INA AT ANAK

Paggunita sa Mahal na Birheng Maria na Nagdadalamhati (ABK) 
Hebreo 5, 7-9/Salmo 30/Juan 19, 25-27 (o kaya: Lucas 2, 33-35)



Ang Mahal na Birheng Maria ay hindi bumibitiw sa kanyang anak. Kahit kailan, hindi niya pinabayaan o iniwan si Hesus. Maaaring sumulpot siya at nakipagsiksikan sa mga tao habang nagtuturo si Hesus. Kahit nagkaroon ng maraming kaaway si Hesus, katulad ng mga Pariseo at iba pang mga matataas na opisyal sa panahong yaon, hindi niya iniwan o tinalikuran si Hesus. Siya ay matapat na sumama at sumunod kay Hesus. Bagamat siya'y hindi hinirang ng Panginoong Hesus, siya ay ang unang alagad ng Panginoong Hesus. 

Noong ang Panginoon ay dinakip ng mga autoridad at hinatulan ng kamatayan, hindi iniwan o tinalikuran ni Maria si Kristo. Hindi ikinahiya ng Mahal na Ina ang Panginoon noong siya ay hinatulan ng kamatayan at pinagwiwikaan ng masama. Bagkus, si Maria ay nakiisa sa pagdurusa ng kanyang anak na si Hesus. Tahimik na nagdusa si Maria noong si Hesus ay nagdurusa. Kapag ang anak ay nagdurusa, ang ina rin ay nagdurusa. 

Isang halimbawa ng malalim na ugnayan sa isa't isa ay ang mag-inang si Hesus at Maria. Ang mag-ina ay magkasama sa kanilang pagdurusa. Noong si Hesus ay nagdurusa at nagbubuhat ng krus patungong Kalbaryo, sinamahan siya ng Mahal na Birheng Maria. Si Hesus at si Maria'y nagkasalubong pa nga noong binubuhat ni Hesus ang krus patungo sa Kalbaryo. Napakasakit para kay Maria na makita na ang kanyang anak na si Hesus na nagdurusa. Lubusang nasaktan ang damdamin ng Mahal na Ina nang makita ang Panginoon na nagbubuhat ng krus sa daan, pinako at namatay sa krus. 

Kung iniwan ng mga alagad si Kristo (maliban lamang kay San Juan Apostol), hindi iniwan ng Mahal na Ina si Kristo. Mahal na mahal ni Maria si Hesus, at hindi pababayaan ni Maria si Hesus, kahit sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Hindi siya natakot sa mga taong umaalipusta sa Panginoon. Ang pagmamahal ni Maria sa kanyang anak ang nag-udyok sa kanya na makiisa sa pagdurusa ng kanyang anak. Hindi niya iniwanang mag-isa ang Panginoon. Bagkus, nakiisa ang Mahal na Birheng Maria sa pagdurusa ng Panginoong Hesukristo. 

Noong si Hesus ay nakabayubay sa krus, nakita Niya si Maria, ang Kanyang minamahal na Ina. Lubos na minamahal ni Hesus ang Kanyang Inang si Maria. Inihabilin ni Hesus si Maria sa pangangalaga ni Apostol San Juan na kumakatawan sa ating lahat. May isang huwaran tayo ng katapatan - ang Mahal na Birheng Maria. Hinding-hindi tayo pababayaan ng Mahal na Birheng Maria. Patuloy niya tayo ipinapanalangin kay Hesus, ang kanyang minamahal na Anak. 

Hinding-hindi tayo pababayaan ng Mahal na Birheng Maria. Ang Mahal na Ina ay nananalangin para sa atin sa Panginoong Hesukristo. Ipinagdarasal niya tayo kay Hesus, ang Anak ng Diyos at Anak ni Maria na nag-alay ng buhay para sa sangkatauhan. Mahal na mahal tayo ni Maria bilang mga anak niya. Tayo rin ay mga anak ni Maria sapagkat inihabilin tayo ni Hesus sa pangangalaga ni Maria. Lagi tayong ipinapanalangin ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang Anak na si Hesus. 

Tunay ngang isang napakagandang halimbawa ng katapatan ay ang Mahal na Birheng Maria dahil hinding-hindi niya tayo pinapabayaan, lalung-lalo na sa panahon ng pagsubok at pagdurusa. Hindi niya iniwan si Hesus sa mga huling sandali ng Kanyang buhay, hinding-hindi rin niya tayo iiwanan o kalilimutan sa bawat araw ng ating buhay. Mahal na mahal tayo ng Mahal na Birheng Maria bilang mga anak niya. 

O Panginoong Hesus, maraming salamat po sa paghabilin Mo sa amin sa pangangalaga ng Iyong Mahal na Ina, ang Mahal na Birheng Maria. Amen. 

Mahal na Ina ng Hapis, ipanalangin mo kami. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento