Ezekiel 18, 25-28/Salmo 24/Filipos 2, 1-11/Mateo 21, 28-32
Kasabay ng Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon ngayong taon ay ang Paggunita sa Protomartir ng Pilipinas na si San Lorenzo Ruiz at ang kanyang mga kasamang martir. Namatay sila bilang mga martir para sa pananampalataya. Inalay ni Lorenzo ang kanyang buhay alang-alang sa kanyang pananampalataya sa Panginoon. Si San Lorenzo Ruiz ay nagpamalas ng katapangan noong siya ay sumagot sa katanungan na isusuko niya ang kanyang pananampalataya kapalit ang kanyang buhay. Pero, pinili ni Lorenzo na ialay ang kanyang buhay alang-alang sa kanyang pananampalataya sa Diyos.
Masasabi natin na may ugnayan si San Lorenzo Ruiz sa isa sa dalawang anak sa Ebanghelyo ngayon. Sa Ebanghelyo ngayon, mapapakinggan natin ang isa sa mga talinghaga ni Hesus. Si Hesus ay nagturo sa mga punong saserdote at mga matatanda ng bayan sa pamamagitan ng isang talinghaga upang ilarawan ang kahalagahan ng pagbabalik-loob sa Diyos. Hindi sapat ang salita sa pagbabalik-loob sa Diyos. Oo, mahalaga nga ang salita sa pang-araw-araw na buhay natin. Pero, kapag tayo ay nagbabalik-loob sa Panginoon, hindi lamang salita ang kailangan, kundi mga gawa upang patunayan na tayo ay nagbabalik-loob sa Diyos.
Tinawagan ng ama sa talinghaga ng Panginoong Hesus ang unang anak na magtrabaho sa kanyang ubasan. Ano ang sagot niya? Hindi. Hindi siya pupunta sa ubasan ng kanyang ama upang magtrabaho doon. Ganyan rin ang ginawa ni San Lorenzo Ruiz. Paano? Noong siya ay inakusahan ng pagpatay ng isang Kastila, sumama si Lorenzo sa mga pari at misyonerong Dominikano papuntang Japan upang tumakas lamang mula sa pangyayaring iyon. Si Lorenzo ay natakot nang siya ay inakusahan, kahit hindi niya nagawa iyon. Walang nakasaksi sa pumatay sa Kastilang iyon, kaya tumakas na lang siya papuntang Japan.
Pero, ano ang nag-udyok sa ating kababayang ito na ialay ang kanyang buhay para sa pananampalataya? Bakit nagkaroon ng pagbabago si Lorenzo? Balikan natin ang Ebanghelyo. Ang anak na tumanggi sa kalooban ng ama ay pumunta sa ubasan ng kanyang ama upang magtrabaho. Nagbago ang kanyang isip. Inisip niyang magtrabaho sa ubasan ng kanyang ama. Sinunod niya ang kalooban ng kanyang ama. Nagsisi ang anak na ito sa kanyang desisyon noong una at sumunod sa kalooban ng ama. Buong katapangan at pagpapakumbaba niyang sinunod ang kalooban ng kanyang ama.
Masasabi natin na gayon din ang ginawa ni San Lorenzo Ruiz. Noong siya ay tinanong ng mga autoridad doon sa Japan kung isusuko niya ang kanyang pananampalataya kapalit ang kanyang buhay, hindi isinuko ni Lorenzo ang kanyang pananampalataya. Bagkus, buong katapangan at pagpapakumbabang ipinahayag ni Lorenzo na siya ay isang Katoliko at iaalay niya ang kanyang buhay alang-alang sa Diyos. Nagbago si Lorenzo noong ipinahayag niya ito sa mga autoridad. Hindi na siya natakot. Buong pagpapakumbaba at katapangan inialay ni Lorenzo ang kanyang buhay para sa Diyos, kahit ang kahulugan nito'y mawawala sa kanya ang karapatang mabuhay dito sa lupa.
Idineklara ng Kapulungan ng mga Obispo sa Pilipinas (CBCP) ang taong 2014 bilang Taon ng mga Layko. Hinahamon tayo ng ating mga Obispo na maging matapang sa paggawa ng kabutihan at ipahayag ang ating pananampalataya sa salita at gawa. Mayroon tayong dalawang huwaran sa pagiging masigasig para sa pananampalataya. Ang dalawang Pilipinong santo na sina San Lorenzo Ruiz at San Pedro Calungsod. Ang dalawang kababayan nating ito ay naging santo dahil sa kanilang katapangan para sa pananampalataya. Kahit nasa panganib ang buhay nila, hindi nila isinuko o bumitiw sa kanilang pananampalataya sa Panginoon.
Tayong lahat ay nagkakamali bilang tao. Hindi natin ito maipagkakait. Hindi ito mawawala sa atin. Nagkakamali at nagkakasala tayo bilang tao. Pero, hindi ibig sabihin noon na wala na tayong pag-asa at maaari tayong mamuhay bilang alipin ng kasamaan. Hinihintay tayo ng Panginoon upang magsisi at magbalik-loob sa Kanya, katulad ng anak na tumanggi sa kalooban ng kanyang ama noong una sa Mabuting Balita ngayon. Kahit sinuway niya ang kanyang ama noong una, siya'y nagsisi at nagbago ng isip. Dahil doon, siya'y nagdesisyong magtrabaho sa ubasan ng kanyang ama bilang pagsunod sa kanyang kalooban.
Hinihintay tayo ng Panginoon na magsisi at magbalik-loob sa Kanya. Ang panawagan ng mga Pagbasa natin sa Misa ngayong Linggong ito ay magsisi at magbalik-loob sa Kanya. Bilang mga Katoliko, atin pong bigyan ng pansin ang panawagang ito, katulad ng mga publikano at mga masamang babae na inilarawan ni Kristo sa Ebanghelyo. Hindi lamang sapat ang salita. Kailangang may kasamang gawa ang ating pagsisi at pagbabalik-loob sa Diyos. Nawa'y magsisi at magbalik-loob tayong lahat sa Diyos sa salita at gawa.
"Isa akong Katoliko at buong pusong tinatanggap ang kamatayan para sa Panginoon, kung ako man ay may sanlibong buhay, lahat ng iyon ay iaalay ko sa Kanya."
- San Lorenzo Ruiz
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento