Linggo, Oktubre 5, 2014

MAGING MGA MABUTING KATIWALA NG DIYOS

Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 5, 1-7/Salmo 79/Filipos 4, 6-9/Mateo 21, 33-43 



Ang Ebanghelyo natin ngayon ay isang pagsasalarawan sa mga propeta at sa Panginoong Hesus. Isinasalarawan ng mga aliping isinugo ng may-ari ng ubasan ang mga propeta na isinugo ng Diyos. Humirang ng mga propeta ang Diyos upang ipadala ang Kanyang mensahe sa lahat ng tao. May mga nais sabihin ang Diyos sa sangkatauhan. Kaya, hinirang Niya ang mga propeta upang ipaalam sa sangkatauhan ang nais Niyang sabihin sa Kanya. Kabilang sa mga mensaheng ipinapaabot ng Diyos sa pamamagitan ng mga propeta ay mga panawagan na magsisi at magbalik-loob sa Kanya. 

Ngunit, hindi nakinig ang mga kasama sa ubasan. Ang mga kasama sa ubasan ay sumasagisag sa sangkatauhan. Hindi sila nakinig sa mga propeta. Bakit? Matigas ang kanilang ulo. Lumaki ang kanilang ulo. Paano nga ba lumaki ang kanilang ulo? Paano ba naging matigas ang kanilang ulo at hindi sila nakinig sa mensahe ng mga alipin? Balikan natin ang salaysay ng paglikha sa mundo sa kauna-unahang kabanata ng aklat ng Genesis. 

Sa ika-6 na araw, nilikha ng Diyos ang tao. Binigyan ng Diyos ng karapatan upang mamahala ang tao sa lahat ng mga nilalang. Ipinagkatiwala ng Diyos ang sanlibutan sa pamamahala ng tao. Pero, noong kinain nina Eba at Adan ang bungang ipinagbabawal ng Diyos, pumasok ang kasamaan. Isa sa mga kasalanang pumasok sa mundo ay pagmamataas o kayabangan. Kilala ang kayabangan bilang ina ng lahat ng mga kasalanan. Ito pa nga ang isa sa mga pitong pangunahing kasalanan (seven capital sins). 

Pagmamataas ang nag-udyok sa sangkatauhan upang hindi makinig sa Diyos. Dahil sa ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos ang sanlibutan, naging abusado sila. Ayaw nilang pakawalan ang mundo. Nakalimutan nila kung sino nga ba ang tunay na nagmamay-ari sa mundo. Sila'y naging mga abusadong katiwala. Bagamat mga katiwala lamang sila at inaalagaan nila ang mundo na nilikha ng Diyos, nakalimutan nila na ang Diyos ang may-likha sa mundo. Kahit binigyan ng Diyos ng karapatan ang tao upang mamahala sa daigdig, para bang balewala na ang Diyos. Nakalimutan na ang tunay na may-ari at tagapaglikha ng sanlibutan - ang Diyos.

Kaya, sa halip na makinig sa mga propeta, ang mga propeta'y hindi tinanggap. Hindi sila tinanggap at pinatay sila ng mga taong nakikinig sa kanila. Walang paggalang ang mga tao sa mga propetang isinugo ng Diyos. Ayaw nilang makinig sa mga propetang isinugo ng Diyos sa kanila. Sa palagay ng tao, sila ang tama at ang mga propetang ito'y mali. Kaya ang mga propeta'y pinag-uusig at pinagpapatay. Masakit para sa kanila ang tanggapin ang mga sinasabi ng mga propeta. Malaki at matigas ang kanilang ulo. 

Hindi naiba si Hesus noong Siya ay dumating sa sanlibutan. Kahit si Hesus ang Anak ng Diyos at ang Mesiyas na ipinangakong susuguin ng Diyos, hindi Siya tinanggap ng mga tao noong Siya ay dumating sa sanlibutan. Noong si Hesus ay nangaral sa Kanyang bayan sa Nazaret isang Araw ng Pamamahinga, hindi Siya tinanggap. Ang mga kababayan ng Panginoon sa Nazaret ay nagalit sa Kanya at pinalayas Siya. Kaya, umalis ang Panginoon at nagtungo sa ibang lugar. Napakasakit ito siguro para sa Panginoong Hesus. 

Ang mga punong saserdote ay nagalit kay Kristo. Hindi nila matanggap si Kristo. May balak pa nga silang patayin Siya. At nagkagayon nga. Si Kristo ay dinakip at hinatulang mamatay sa krus. Kung baga, walang pinagkaiba ang Anak ng Diyos sa mga propetang nauna sa Kanya. Hindi iginalang ang Anak ng Diyos sa Kanyang pagparito sa sanlibutan. Kahit maraming propesiya ang mga propeta patungkol sa pagparito at misyon ng Anak ng Diyos sa daigdig, hindi pa rin tinanggap ang Diyos Anak sa Kanyang pagdating. 

Ipinagkatiwala sa atin ng Diyos ang sanlibutan. Nasa ating mga kamay kung ano ang mangyayari sa sanlibutan. Binibigyan tayo ng kapamahalaan ng Diyos. May autoridad tayo upang mamahala sa sanlibutan. Pero, tandaan po natin, hindi tayo ang may-ari nito. Bagkus, ang tunay na may-ari na ito ay ang Diyos. Ang Diyos ang tagapaglikha at may-ari ng sanlibutan. Pag-aari ng Diyos ang lahat ng bagay na nakikita natin sa mundo. Nilikha ng Diyos ang araw at gabi, ang mga bundok, ang mga puno at maraming iba pa. 

May tanong sa ating Ebanghelyo ngayon: Anong klaseng katiwala tayo? Tayo ba'y mga abusadong katiwala, katulad ng mga katiwala sa Ebanghelyo, o kaya'y mga mabubuting katiwala? Ano naman ang mga katangian ng isang mabuting katiwala? Ang mga mabubuting katiwala ay nakikinig at sumusunod nang buong pagpapakumbaba sa utos ng tunay na may-ari. Hindi siya ang may-ari pero sumusunod siya sa utos ng may-ari nang buong pagpapakumbaba. Tumatanaw siya ng utang na loob sa tunay na nagmamay-ari. 

Nawa'y buong pagpapakumbaba tayong makinig at sumunod sa utos ng Diyos. Inuutusan tayo ng Diyos na mamahala sa daigdig. Kinakailangang alagaan natin nang mabuti ang mga nilikha ng Diyos dahil ito ay sagrado. Sa gayon, tayo ay magiging mga mabuting katiwala ng Diyos. Ipinagkatiwala sa atin ng Diyos ang buong daigdig dahil nananalig Siya sa atin. Nawa'y manalig din tayo sa Kanya at sundin ang Kanyang kalooban. May pananagutan tayo. Kailangan nating alagaan at mamahala sa mga nilikha ng Diyos dahil ito'y ipinagkatiwala Niya sa atin. 

Panginoon, tulungan Mo kami upang maging mga mabuting katiwala Mo. 
Amen.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento