Linggo, Oktubre 26, 2014

PAG-IBIG SA DIYOS AT KAPWA

Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Exodo 22, 20-26/Salmo 17/1 Tesalonica 1, 5k-10/Mateo 22, 34-40 


Nagsalita ang Panginoong Diyos sa Unang Pagbasa tungkol sa pag-aapi sa kapwa-tao. Ang pag-aapi sa kapwa-tao ay isang kasalanan laban sa Diyos. Hindi nais ng Diyos na apihin ng tao ang bawat isa. Ito'y napakasakit para sa Kanya. Nagagalit ang Diyos sa mga taong umaapi sa kanilang kapwa-tao. Mahal na mahal ng Diyos ang tao. Ang tao'y nilikha na kawangis ng Diyos. Kaya, napakasakit para sa Diyos na makita na nag-aapihan ang Kanyang mga nilikha. Hindi ito ang pagsasalarawan sa Diyos. 

Ang pag-ibig ng mga taga-Tesalonica sa Diyos ang nagpalaganap ng Mabuting Balita sa lahat ng dako, ayon kay San Pablo Apostol sa Ikalawang Pagbasa. Tinanggap ng mga taga-Tesalonica nang buong puso at buong pagmamahal ang Mabuting Balita. Ang pag-ibig sa Diyos ang nag-udyok sa mga taga-Tesalonica na tanggapin ang Mabuting Balita at palaganapin ito sa pamamagitan ng kanilang mga salita at gawa. Naging huwaran sila ng pagmamahal sa Diyos at kapwa. Ang kanilang pagmamahal sa Diyos at kapwa ang nag-udyok sa kanila upang mapalaganap sa iba't ibang lugar ang Mabuting Balita ng Panginoon. 

Sa ating Ebanghelyo, dalawang grupo ang nagtanong kay Hesus. Ang unang grupo ay ang mga Saduseo, na binanggit sa unang bahagi ng Ebanghelyo. Sila'y pinatahimik ni Hesus noong sinagot ni Hesus ang katanungan tungkol sa muling pagkabuhay. Ngayon naman, ang mga Pariseo naman ang magtatanong kay Hesus upang Siya'y subukin. Ang mga Saduseo at Pariseo'y magkalaban sa ilang bahagi ng kanilang doktrina. Pero, nakatagpo sila ng isang kaaway sa katauhan ni Hesus. Kaya, kahit magkaiba ang kanilang mga doktrina, nagtulungan sila upang maidakip at patayin si Hesus. Si Hesus ang dahilan ng kanilang pagsasanib-puwersa. 

Tinanong si Hesus tungkol sa pinakamahalagang utos. Ano ang sagot ni Hesus sa tanong na ito? Ang sagot ni Hesus, "Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili." (Mateo 22, 37-39) Ang pag-ibig sa Diyos at kapwa ay ang pinakamahalagang utos. Nakasalalay ang pag-ibig sa Sampung Utos ng Diyos. May dalawang bahagi sa Sampung Utos ng Diyos. Ang unang bahagi ay tungkol sa pag-ibig sa Diyos at ang pangalawang bahagi naman ay tungkol sa pag-ibig sa kapwa. 

Ang pag-ibig ang umudyok sa Diyos na lalangin ang tao. Wala nang iba pang dahilan kung bakit nilikha ng Diyos ang tao. Ang tao'y nilikha ng Diyos dahil sa Kanyang pag-ibig. Bagamat alam ng Diyos na susuwayin Siya ng tao, nilikha pa rin Niya ang tao. Isang halimbawa ay noong kinain nina Eba't Adan ang bunga na magkakaloob ng karunungan tungkol sa mabuti at masama. Pinagbawalan ng Diyos sina Eba't Adan na kainin ang bungang iyon. Pero, dahil tinukso sila ng ahas, kinain pa rin nila ito. Sila'y pinarusahan ng Diyos. Ibig sabihin noon na hindi na mahal ng Diyos sina Eba't Adan? Hindi. Bagamat sinuway nina Eba't Adan ang utos ng Diyos, minamahal pa rin sila ng Diyos. 

Ang Diyos ay isang Diyos ng pag-ibig. Inuutusan Niya tayong mahalin Siya at mahalin ang ating kapwa-tao. Ito ang katangi-tanging utos ng Diyos - mahalin Siya at mahalin ang ating kapwa. Kung iniibig natin ang Diyos at ang ating kapwa-tao, sumusunod tayo sa utos ng Diyos. Ang pag-ibig sa Diyos at kapwa-tao ay higit na dakila kaysa romantikong pag-ibig. Hindi romantikong pag-ibig ang tinutukoy sa Ebanghelyo. Ang pag-ibig na tinutukoy ng Panginoon ay mas malalim pa kaysa romantikong pag-ibig. 

Inuutos sa atin ng Panginoon na ibigin natin Siya nang buong puso, buong kaluluwa at buong pag-iisip. Paano natin magagawa ito? Sa pamamagitan ng pagsamba sa Kanya, ang kaisa-isang Diyos. Hindi lamang iyan. Kinakailangang ibigin natin ang ating kapwa-tao. Ang lahat ng tao ay nilikha na kawangis ng Diyos. Kung ang Diyos, minamahal nga natin, kahit hindi natin Siya nakikita, bakit hindi natin kayang ibigin ang mga nakikita natin, ang ating kapwa-tao? 

Mapagmahal ang Diyos sa ating lahat. Nawa'y ipakita natin ang ating pagmamahal sa Diyos sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Hindi sapat ang mga salita lamang. Kinakailangang ipakita natin ang ating pagmamahal sa Panginoon sa pamamagitan ng mga gawa. Ano ang pwede nating gawin? Manalangin tayo sa Kanya. Hindi lamang iyan. May isa pang utos sa atin ang Panginoon - ibigin ang ating kapwa-tao. Tayong lahat ay nilikha na kawangis ng Diyos. Pag-ibig ang dahilan kaya tayo ay nilikha na Kanyang kawangis. Nawa'y maipadama natin ang ating pagmamahal sa ating kapwa-tao. Sa pamamagitan ng pagmamahal sa Diyos at kapwa-tao, tinutupad natin ang utos ng pag-ibig na galing sa Diyos ng pag-ibig. 

Panginoon, tulungan Mo kaming sundin ang Iyong utos na mahalin Ka at ang aming kapwa-tao, katulad ng pagmamahal Mo sa amin. Amen. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento