Sabado, Nobyembre 1, 2014

SIKAPING MAGING BANAL

Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal (ABK) 
Pahayag 7, 2-4. 9-14/Salmo 23/1 Juan 3, 1-3/Mateo 5, 1-12


Ang araw na ito ay napakaespesyal para sa ating mga Katoliko, lalung-lalo na po sa mga Pilipinong Katoliko, sapagkat sa araw na ito ay ipinagdiriwang natin ang Araw ng lahat ng mga Banal sa langit. Ang lahat ng mga banal sa langit ay nananalangin sa Diyos para sa ating lahat. Sila ay sumasamo sa Diyos na tayo ay pagpalain, gabayan, at pagkalooban ng mga mabubuting bagay sa araw-araw. Sila ang tumutulong sa atin sa pananalangin sa Panginoong Diyos. Hindi tayo nag-iisa sa pananalangin sa Diyos. Ang lahat ng mga anghel at mga banal sa langit ay nananalangin din sa Diyos para sa ating kapakanan. 

Ang lahat ng mga banal sa langit ay mga huwaran din para sa atin upang sikaping maging banal. Sila'y mga mabubuting halimbawa para sa atin. Nararapat lamang na tularan natin sila. Sinikap nilang mamuhay ayon sa kalooban ng Diyos. Bagamat mga makasalanan sila sa unang kabanata ng kani-kanilang mga buhay, sila'y tinawag at hinirang ng Diyos upang maging banal. Sa pamamagitan ng kanilang pagbabagong-buhay, sinikap nilang mamuhay at sundin ang kalooban ng Diyos. 

Hindi madaling tularan ang mga banal sa langit. Bakit? Dahil maraming mga tukso sa buhay. Napakahirap harapin ito. Bilang tao, ang ating kalaban sa bawat araw ng ating buhay ay ang tukso. Ipinapakita sa atin ng tukso ang maganda at mabuti, kahit alam natin na mali. Halimbawa na lamang ay noong tinukso ng ahas si Eba't Adan sa Halamanan ng Eden. Napakagandang tingnan ang bungang ipinagbabawal ng Diyos - ang bunga ng karunungan ng kabutihan at kasamaan. Bagamat pinagbawalan ng Diyos sina Eba't Adan na kainin ang bungang iyon, dahil sa tukso, kinain pa rin nila, kahit alam nila na mali iyon. 

Masasabi natin na nakaranas ng tukso ang mga banal sa langit noong sila ay nabubuhay dito sa lupa. Hindi naging madali ang kanilang buhay dito sa lupa. Siguro, nakaranas sila ng tukso ng isa o ilang ulit sa kanilang buhay. Ilan sa mga tukso sa buhay para sa mga banal ay ang mga kayamanan at kapangyarihan dito sa mundo. Napakahirap tanggihan ang tukso. Siguro, noong ang mga banal sa langit ay namuhay dito sa lupa, sila ay nahirapan noong nilalabanan nila ang tukso. 

Pero, paano sila nagtagumpay laban sa mga tukso sa mundong ito? Sa pamamagitan ng panalangin. Ang panalangin ay isang sandata ng mga banal upang pagtagumpayan ang tukso. Sa pamamagitan ng pag-usap sa Diyos sa bawat araw, nagkaroon sila ng lakas mula sa Diyos. Ang Diyos ay nagkakaloob ng lakas sa mga humihingi ng lakas sa Kanya. Humingi ng lakas mula sa Diyos ang mga banal. Ipinagkaloob naman ito sa kanila ng Diyos upang pagtagumpayan ang bawat tukso sa kanilang buhay. 

Ang panalangin ay napakahalaga para sa ating espirituwal na pamumuhay. Nagkakaroon tayo ng inspirasyon at lakas mula sa Diyos upang harapin ang bawat araw. Hindi man tayo maiaalis o maliligtas mula sa tukso sa bawat araw, magkakaroon tayo ng lakas mula sa Diyos upang tanggihan at iwasan ang tukso. Hinding-hindi tayo pababayaan ng Diyos. Kasama natin ang Diyos sa bawat araw ng ating buhay. 

Mahirap mang maging banal, sikapin nating tularan ang mga banal na kapiling na ng Panginoon sa langit. Namuhay ang mga banal sa langit bilang tao katulad natin. Hindi naging madali ang kanilang buhay. Marami sa mga banal sa langit ay namuhay bilang mga makasalanan. Pero, sa tulong at awa ng Panginoon, sila ay nakapagbagong-buhay at namuhay ayon sa Kanyang kalooban. Pinaglingkuran nila ang Diyos at kapwa sa pamamagitan ng mga mabubuting gawa at panalangin. Ang kanilang pananampalataya at mabubuting gawa ang nagpatunay sa kanilang kabanalan. 

Ngayong Taon ng mga Layko, hinahamon tayo ng CBCP na magpakatapang sa pagiging Katoliko. Hinahamon tayo na ipagmalaki ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Buong katapangan nawa nating tanggapin ang hamon upang maging matapang sa paglilingkod sa Diyos at kapwa bilang mga Laykong Katoliko. Sa pamamagitan nito, tinatanggap na rin natin ang hamon na maging banal. Patuloy nawa nating sikaping maging banal sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. 

Panginoon, bigyan po Ninyo kami ng lakas upang pagtagumpayan ang tukso ng bawat araw at tanggapin ang hamon na maging banal. Amen. 


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento