Sabado, Nobyembre 29, 2014

PAGTUGON SA TAWAG NG MAHABAGIN AT MAAWAING DIYOS

Disyembre 8, 2014 
Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria, Punong Pintakasi ng Republika ng Pilipinas (ABK)
Genesis 3, 9-15. 20/Salmo 97/Efeso 1, 3-6. 11-12/Lucas 1, 26-38


May malaking ugnayan ang Unang Pagbasa at Mabuting Balita ngayong Solemnidad ng Inmaculada Concepcion. Ang salaysay ng kasalanan nina Adan at Eba ay natunghayan at napakinggan natin sa Unang Pagbasa. Kinain nila ang bungang pinagbawal ng Diyos - ang bunga mula sa puno ng karunungan tungkol sa kabutihan at kasamaan. Sa Ebanghelyo naman ay narinig natin ang salaysay ng pagpapahayag ng Arkanghel Gabriel sa Mahal na Birheng Maria patungkol sa pagsilang ng Panginoong Hesukristo. 

Ipinagbawal ng Diyos sina Eba't Adan na kainin ang bunga mula sa puno ng karunungan tungkol sa kabutihan at kasamaan. Pero, bakit nila sinuway ang Diyos? Sapagkat sila'y tinukso ng ahas. Ang ahas ang tumukso sa kanila. Inakit ng ahas sina Eba't Adan upang suwayin ang utos ng Diyos. Dahil sa pang-aakit ng ahas o ng demonyo kina Adan at Eba, kinain ni Eba ang bunga ng karunungan tungkol sa kabutihan at kasamaan, at nakikagat din si Adan. Nalaman nilang sila'y hubad, at nagtago sila mula sa Diyos. 

Nalaman nina Eba't Adan na sila ay nilinlang ng ahas. Noong tinanong sila ng Diyos kung bakit nila ginawa iyon, inamin ni Eba na inakit siya ng ahas na kainin ang bungang iyon. Dahil doon, isinumpa ng Diyos ang ahas. Ipinahayag ng Panginoon na ang lahi ng babae at ng ahas ay magkakalaban at dudurugin ng isa sa lahi ng babae ang ulo ng ahas. Ang pahayag na ito ay natupad kay Hesus at kay Satanas. Bagamat tinuklaw ni Satanas ang sako ni Hesus, dinurog ni Hesus ang ulo ni Satanas sa pamamagitan ng Kanyang pagsunod sa kalooban ng Diyos. 

Ang Ebanghelyo ngayon ay tungkol sa pagpapahayag ng Arkanghel Gabriel sa Mahal na Ina. Ipinahayag ng Arkanghel Gabriel na ang Mahal na Ina ay pinili ng Panginoong Diyos upang maging ina ni Hesukristo - ang Mesiyas na hinihintay ng bayang Israel. Hindi man inaasahan ni Maria na maging ina ng Mesiyas, tumalima pa rin siya sa kalooban ng Diyos. Ang kanyang tugon sa kalooban ng Diyos ay, "Oo, tumatalima ako sa kalooban ng Diyos." Ipinapakita ng tugon ng Mahal na Birheng Maria sa kalooban ng Diyos ang kanyang pagtalima sa kalooban ng Diyos. 

Sa pamamagitan ng pagtalima sa kalooban ng Diyos, ipinapakita ni Maria ang taliwas ng pagsuway - ang pagsunod. Kung sinuway ni Eba ang kalooban ng Diyos, si Maria naman ay sumunod sa kalooban ng Diyos. Kaya, isa sa mga titulo ni Maria ay ang Nova Eva o ang Bagong Eva. Ang kasalanan ni Eba ang naging dahilan ng pagpasok ng kasalanan at kapahamakan sa mundo. Ngunit, ang pagsunod at pagtalima ni Maria sa kalooban ng Diyos ay naging dahilan ng pagpasok kaligtasan sa mundo. 

Ang Diyos ang nagplano kung paano ililigtas ang sanlibutan. Dahil sa kasalanan nina Eba't Adan, ang sanlibutan ay nalugmok sa kasalanan. Naawa ang Diyos sa sangkatauhan. Ang pag-ibig ng Diyos ang nag-udyok sa Kanya upang magplano kung paano iligtas ang sanlibutan. Ang plano ng Diyos ay isugo ang Kanyang Anak upang maging Tagapagligtas ng sangkatauhan. Maaari Niyang isugo agad-agad ang Kanyang Anak sa sanlibutan. Pero, hinayaan Niyang magpakababa ang Kanyang Anak upang ipadama sa sangkatauhan ang Kanyang awa, habag, at pagmamahal sa sangkatauhan. 

Napakalaki ng papel ni Maria sa plano ng Diyos. Kung hindi siya tumugon at tumalima sa kalooban ng Diyos, hindi matutupad ang plano ng Diyos. Siguro, ang sanlibutan ay hindi pa rin nailigtas magpa-hanggang ngayon. Natupad ang plano ng Diyos dahil sa pagtalima ni Maria sa kalooban ng Diyos. Ang awa at habag ng Diyos sa Kanyang mga hinirang at sa buong sangkatauhan ang nag-udyok kay Maria na tumalima sa kalooban ng Diyos. 

Tayong lahat ay mga dukhang pinili ng Diyos upang paglingkuran Siya. Tinatawag tayo ng Diyos upang tuparan ang Kanyang kalooban. Katulad nina Hesus at Maria, nawa'y tumugon at tumalima tayo sa tawag at kalooban ng Diyos. Mas maganda ang plano ng Diyos para sa atin. Buong pagpapakadukha nawa tayong sumunod at tumalima sa tawag at kalooban ng Diyos Ama, katulad ng Panginoong Hesus at ang Mahal na Birheng Maria. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento