Kapistahan ng Pagtatalaga sa Palasyong Simbahan sa Laterano, Roma
Ezekiel 47, 1-2. 8-9. 12/Salmo 45/1 Corinto 3, 9k-11. 16-17/Juan 2, 13-22
Matatagpuan nating mga Katoliko ang apat na basilika ng Santo Papa (Papal Basilicas/Major Basilicas) sa Roma. Ang apat na basilikang ito ay ang Basilika ng San Juan Laterano, Basilica Maggiore ng Santa Maria Maggiore, Basilika ni San Pablo sa Labas ng mga Pader, at ang Basilika ni San Pedro Apostol sa Vaticano. Pero, sa apat na basilikang ito, ang pinakamakasaysayan sa mga ito ay ang Basilika ng San Juan Laterano. Ang Basilika ng San Juan Laterano sa Roma ay ang ina ng lahat ng mga simbahan sa buong mundo. Dito rin matatagpuan ang luklukan ng Santo Papa, ang Obispo ng Roma. Bagamat mas madalas magmisa ang Santo Papa sa Basilika ni San Pedro Apostol sa Vaticano, ang kanyang cathedra ay matatagpuan sa Basilika ng San Juan Laterano sa Roma.
Pinapaalala sa atin ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na ang ating mga katawan ay mga templo ng Espiritu Santo. Kinakailangan nating alagaan at ingatan ang ating mga katawan. Kung hindi natin nalalaman, ang ating mga katawan ay napakasagrado. Tayo ay mga tagapangasiwa ng ating mga katawan. Hindi tayo ang nagmamay-ari sa ating mga katawan. Ang Diyos ang tunay na may-ari sa ating mga katawan. Mga tagapangasiwa lamang tayo. Hindi lamang isang gusali ang templo ng Diyos. May isa pang templo - ang ating mga katawan.
Nilinis ni Hesus ang Templo ng Jerusalem sa Ebanghelyo ngayong araw ng Linggo. Galit na galit si Hesus sa Ebanghelyo dahil sa ginawang pambabastos sa Templo. Paano bang binastos ang Templo? Ang Templo ay nagmukhang palengke o pugad ng mga magnanakaw, ayon sa mga wika ni Hesus. Hindi na nagmukhang bahay-dalanginan ang Templo dahil sa mga ginagawa ng mga tao sa loob ng Templo. Wala nang paggalang ang tao para sa Templo. Hindi na iginagalang ang presensya ng Diyos sa Templo. Dahil dito, si Hesus ay gumawa ng isang bagay na nakakaeskandalo - pinalayas Niya ang mga namamalit ng salapi at mga nagtitinda ng mga baka at tupa.
Ipinapakita ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng paglilinis sa Templo ang Kanyang pagmamalasakit at pagmamahal sa Kanyang Ama. Ang pagmamalasakit ng Panginoon ang nag-udyok sa Kanya upang linisin ang Templo, kahit nagmukha itong nakaka-eskandalo sa mga mata ng mga Hudyo. Nagalit ang Panginoong Hesukristo nang makita Niyang hindi ginagalang ang Templo - ang lugar kung saan nananahan ang Diyos. Sa Templo matatagpuan ang presensya ng Diyos. Binalewala lamang ito ng mga tao ang presensya ng Diyos sa Ebanghelyo. Dahil sa pagbalewala ng mga tao, si Kristo'y nagalit dahil sa Kanyang pagmamalasakit sa tahanan ng Ama.
Sa bandang huli ng Ebanghelyo, ipinahayag ni Kristo sa mga Hudyo na itatayo Niya ang templong nawasak sa loob ng tatlong araw. Pinagtawanan lamang ng mga Hudyo si Kristo. Bakit? Akala nilang literal ang sinasabi ng Panginoon. Napakalaking gusali ang Templo ng Jerusalem. Hindi ito maaaring itayo ng isang tao sa loob ng tatlong araw. Pero, hindi nila naintindihan ang mga sinabi ni Hesus. Ang templong tinutukoy ni Hesus ay ang Kanyang katawan. Ipinahayag Niya ang Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay sa bandang huli ng Ebanghelyo. Iyon ang tanda ng kapangyarihan ni Hesus. Humingi ng tanda ang mga Hudyo mula sa Kanya, at iyon ang tandang ibinigay ni Hesus.
Ang templo ay ang tahanan ng Diyos sapagkat dito nananahan ang Diyos. Kaya't nararapat lamang na magpakita tayo ng pagmamalasakit, pagmamahal at paggalang ang templo ng Diyos. Hindi lamang isang gusali ang templo ng Diyos. Ang Iglesya o Simbahan ng Diyos ay hindi lamang isang gusali (katulad ng Manila Cathedral at Quiapo Church). Tayong lahat ay bumubuo sa Santa Iglesia. Ang bawat Kristiyano ay bumubuo sa tahanan ng Diyos. Nananahan ang Diyos sa bawat isa sa atin. Si Hesus ang batong saligan ng Simbahan ng Diyos, katulad ng sinabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa.
Paano ba natin igagalang ang tahanan ng Diyos? Una, igalang natin ang ating mga katawan. Katulad nga ng sinabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, ang ating mga katawan ay mga templo ng Banal na Espiritu. Nananahan ang Diyos sa ating mga katawan. Tayo naman ang mga tagapangasiwa ng ating mga katawan. Kaya, ang ating mga katawan at buhay ay sagrado sapagkat ito ay galing sa Diyos. Hindi nagmula sa ating lahat ang ating mga katawan at buhay; nagmula ito sa Panginoong Diyos. Kinakailangang pangasiwaan natin ang ating mga katawan at buhay nang mabuti.
Ikalawa, igalang natin ang ating kapwa-tao. Hindi namumuhay ang tao para sa kanyang sarili lamang. May pananagutan tayo sa isa't isa. Tayong lahat ay nilikha sa paningin ng Diyos. Kaya, tayong lahat ay sagrado, bagamat tayo'y mga makasalanan. Wala tayong karapatan upang patayin ang ating kapwa-tao, kahit gaano mang kasahol ang kasalanan o atraso ginawa niya sa atin. Ang Diyos ang nagmamay-ari sa ating buhay dito sa lupa. Nasa Kanya lamang ang pakanan kung babawiin Niya ang buhay ng isang tao. Ang Diyos lamang ang may kapangyarihan kung kailan magsisimula at magtatapos ang ating buhay. Kaya, kailangang igalang natin ang ating kapwa-tao.
Tayong lahat ay bumubuo sa katawan ni Kristo at mga templo ng Espiritu Santo. Binubuo natin ang tahanan ng Diyos - ang Simbahan. Hindi lamang mga gusali ang mga simbahan. Tayong lahat, mga kabilang sa sambayanang Kristiyano, ang bumubuo sa Simbahan. Ang Diyos ay nananahan sa bawat isa sa atin. Kaya, kailangang igalang natin ang ating mga sarili at ang ating kapwa-tao. Sapagkat tayong lahat ay bumubuo sa katawan ni Kristo, mga templo ng Espiritu Santo - ang Simbahan.
Ipinapakita ni Hesus sa Ebanghelyo ang Kanyang paggalang at pagmamalasakit para sa templo. Ang templo ay ang tahanan ng Diyos. Nananahan ang Diyos sa templo. Nawa'y ipakita din natin ang ating paggalang, pagmamalasakit at pagmamahal sa tahanan ng Diyos sa pamamagitan ng ating pagmamalasakit, pagmamahal at paggalang sa ating sarili at sa ating kapwa-tao.
Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming maging masigasig upang magkaroon kami ng pagmamalasakit, pagmamahal at paggalang sa tahanan ng Diyos. Amen.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento