Disyembre 7, 2014
Ikalawang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (B)
Isaias 40, 1-5. 9-11/Salmo 84/2 Pedro 3, 8-14/Marcos 1, 1-8
Ang Ebanghelyo ngayong Linggo ay tungkol sa pangangaral ni San Juan Bautista sa ilang. Nangaral si San Juan Bautista sa mga tao sa ilang tungkol sa pagsisisi at bininyagan sila bilang paghahanda para sa pagdating ng Mesiyas. Si San Juan Bautista ang tagapaghanda ng daraanan ng Mesiyas. Inihahanda niya ang lahat ng tao upang maging handa sila sa pagdating ng Mesiyas. Ang papel ni San Juan Bautista sa buhay ni Kristo ay napakahalaga - siya ang tagapaghanda ng daraanan ni Kristo. Inihahanda niya ang mga tao para sa pagdating ni Kristo.
Tinatawag ni San Juan Bautista ang lahat ng tao na magsisi at magbalik-loob sa Diyos. Hindi nanggaling kay San Juan Bautista mismo ang tawag na ito. Ang tawag na ito ay nagmula sa Diyos. Si San Juan Bautista ang tagapagpahayag lamang ng salita ng Diyos sa mga tao. Ipinapaabot at ipinapahayag ni San Juan Bautista sa mga tao ang salita ng Diyos. Si San Juan Bautista ay ginagamit ng Diyos bilang isang instrumento. Si San Juan Bautista ang huling propetang isinugo ng Diyos bago dumating si Hesus - ang Mesiyas.
Ang panawagan sa ating lahat sa Ebanghelyo ngayong Linggo ay magsisi at magbalik-loob sa Diyos. Bahagi ng ating paghahanda at paghihintay ngayong panahon ng Adbiyento ay ang pagbabalik-loob sa Diyos. Tinatawag tayo ng Diyos na magbalik-loob sa Kanya. Walang sinumang tao dito sa mundo ay hindi nagkasala sa Diyos. Lahat tayo ay nagkasala sa Diyos. Pero, tinatawag tayo muli ng Diyos. Tinatawag tayong mga makasalanan na magsisi at magbalik-loob sa Panginoon. Hinihintay tayo ng Diyos. Nakahanda ang Diyos upang patawarin ang ating mga kasalanan.
"Pagsisihan ninyo't talikdan ang inyong mga kasalanan." (Marcos 1, 4) Ito ang mensahe mula kay San Juan Bautista sa Ebanghelyo natin ngayong Ikalawang Linggo ng Adbiyento. Si San Juan Bautista ay ang tagapagpahayag ng Salita ng Diyos. Ang panawagan ng pagsisisi ay nagmula sa Panginoong Diyos. Ang Diyos ay maawain at mahabagin sa ating lahat. Ipinapakita Niya sa atin ang pagiging maawain at mahabagin Niya sa atin sa pamamagitan ng panawagang ito. Nais ng Diyos na tayo ay bumalik sa Kanya at magsisi sa mga kasalanang nagawa natin laban sa Kanya.
Hindi kalooban ng Diyos na mapalayo tayo sa Kanya. Binibigyan tayo ng kalayaan ng Diyos. Subalit, hindi na kasalanan ng Diyos kung tayo ay nagkasala. Ang dapat sisihin sa dami ng ating mga kasalanan ay ang ating sarili. Dahil sa mga pagkakasala natin sa Diyos, napapalayo tayo sa Kanya. Hinahanap at tinatawag tayo ng Diyos na magsisi at magbalik-loob sa Kanya. Kaya lang, marami sa atin, matitigas ang ulo. Masuwayin pa rin. Ayaw makinig sa tawag ng Diyos.
Ipinapakita ng Diyos ang awa at pag-ibig Niya sa atin sa pamamagitan ng Kanyang panawagan sa atin. Nanawagan ang Diyos na pagsisihan natin ang mga nagawang kasalanan at manumbalik sa Kanya. Katulad ng ating tugon sa Salmong Tugunan ngayong Linggo, "Pag-ibig Mo'y ipakita, iligtas kami sa dusa." Ang panawagan ng Diyos ngayong Linggo ay isang panawagan ng awa at pag-ibig. Tinatawagan tayo ng Diyos na magsisi at magbalik-loob sa Kanya dahil sa Kanyang pag-ibig at awa sa atin.
Ang pagtawag ng Diyos sa atin ay isang tawag upang iligtas tayo mula sa dusa. Hindi kalooban ng Diyos na magdusa tayo. Ayaw Niyang magdusa tayo dahil sa mga kasalanang ginawa natin laban sa Kanya. Binababalaan tayo ng Diyos na tayo'y magdudusa kapag tayo ay hindi nagsisi at nagbalik-loob sa Kanya. Hindi ninanais ng Diyos na tayo ay magdusa. Nais Niyang iligtas tayong lahat mula sa pagdurusa. Nais Niya tayong iligtas mula sa ating mga kasalanan. Ito ay dahil sa Kanyang awa, habag, at pag-ibig sa atin.
Bilang tugon sa panawagan ng Diyos, nawa'y magsisi at magbalik-loob tayo sa Kanya ngayong panahon ng Adbiyento. Hinhintay ng Diyos ang ating pagbabalik-loob sa Kanya. Ating ipaghanda ang ating sarili para sa Kapaskuhan sa pamamagitan ng pagbabalik-loob sa Diyos sa Sakramento ng Kumpisal. Hinding-hindi tayo itatakwil ng Diyos. Bagkus, tayong mga makasalanan ay tatanggapin Niya muli at bibigyan ng isang panibagong buhay. Dinggin natin ang tawag sa pagsisisi mula sa Panginoong Diyos. Huwag nating salungatin ang pagtawag ng mahabagin at maawaing Diyos sa ating lahat, mga makasalanan.
Sa pagpapatuloy ng ating paghahanda at paghihintay ngayong panahon ng Adbiyento, nawa'y buong puso tayong magsisi at magbalik-loob sa Diyos. Dinggin nawa natin nang may buong pananabik ang tawag ng Diyos na magsisi at magbalik-loob sa Kanya. Buong pag-asa at pananabik nawa tayong magsisi at magbalik-loob sa Diyos bilang paghahanda at paghihintay para sa Pasko ng Pagsilang ng Manunubos - ang ating Panginoong Hesukristo, ang ating mahabagin at maawaing Panginoon at Tagapagligtas.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento