Sabado, Nobyembre 22, 2014

MAKABULUHANG PAGHAHANDA

Nobyembre 30, 2014
Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (B) 
Isaias 63, 16b-17. 19b; 64, 2b-7/Salmo 79/1 Corinto 1, 3-9/Marcos 13, 33-37 


Sa simula ng isang bagong taon sa kalendaryo ng ating Simbahan, ang mensahe ng Ebanghelyo ngayong Linggo ay tungkol sa paghahanda para sa pagdating ng Panginoon. Ang panahon ng Adbiyento ay isang panahon ng paghahanda ng ating mga sarili para sa Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon. Tamang-tama ang mensahe ng Panginoong Hesukristo sa Ebanghelyo tuwing Unang Linggo ng Adbiyento, "Maging handa para sa muling pagbalik ng Anak ng Tao." 

Ano nga ba ang ginagawa natin kapag nababalitaan natin na uuwi sa Pilipinas ang isang malapit na kaibigan o mahal sa buhay? Hindi ba, maghahanda tayo ng puspusan? Lilinisin natin ang bahay, ihahanda natin ang ating mga sasakyan, ipagluluto sila ng masasarap na pagkain, at marami pang iba. Kung tayo ay naghahanda para sa pag-uwi ng ating kaibigan o mahal sa buhay sa ating bansa, dapat din tayong maghanda para sa pagdating ng Panginoon, lalung-lalo na ang Kanyang pagdating sa ating puso. 

Ibinibigay sa atin ng Simbahan ang panahon ng Adbiyento upang makapaghanda tayo para sa Kapaskuhan. Paano ba tayong makakapaghanda nang mabuti ngayong panahon ng Adbiyento? Una, pananalangin. Ang pananalangin ay isang napakagandang paraan para ipaghanda ang ating sarili para sa Kapaskuhan. Sa pamamagitan ng pananalangin, naaalala natin ang Diyos at ang ating kapwa. Nananalangin tayo upang makipag-usap sa Diyos. Binibigyan natin ng panahon ang Diyos sa pamamagitan ng panalangin. Napakahalaga ang panalangin sa ating buhay-espirituwal. 

Pangalawa, pagkukumpisal. Mas bibigyang-diin ng mga Ebanghelyo sa mga susunod na Linggo sa panahon ng Adbiyento ang pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan. Ang pagkukumpisal ay bahagi ng pagsisisi. Hinihintay tayo ng Diyos na magbalik-loob sa Kanya. Dinungisan tayo ng kasalanan. Bagamat dinungisan tayo ng ating mga kasalanan, hinihintay tayo ng Diyos. Ang Diyos ay naghihintay sa ating pagbalik sa Kanya. Sa pamamagitan ng pagtalikod sa ating mga kasalanan, tayo ay nanunumbalik sa Diyos. Humihingi tayo ng kapatawaran mula sa Diyos at pinapatawad naman tayo ng Diyos. 

Pangatlo, pagkakawang-gawa. Idineklara ng CBCP ang taong 2015 bilang Taon ng mga Maralita. Binibigyang-diin ng Simbahan sa Pilipinas ang pagkakawang-gawa ngayong taong ito. Sa pamamagitan ng pagkakawang-gawa, ipinapadama natin ang ating awa at habag sa ating mga kapatid na dukha, katulad ng ginawa ni Hesus para sa atin. Ang Panginoong Hesus ang Panginoon at Hari ng Awa. Nagpakadukha Siya para sa atin. Nawa'y tulungan din natin ang ating mga kapatid na dukha. 

Nagsisimula ang bawat taon sa kalendaryo ng Simbahan sa pamamagitan ng panahon ng Adbiyento. Ang Adbiyento ay ibinigay sa atin upang makapaghanda tayo para sa Kapaskuhan - ang Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ni Kristo. Tayo ay hinihikayat ng Simbahan na gamitin ang napakahalagang panahong ito ng Adbiyento upang makapaghanda nang mabuti para sa Pasko ng Pagsilang ni Kristo. Buong pananabik at pag-aasam nawa nating gamitin ang panahong ito upang magkaroon tayo ng isang makabuluhang paghahanda para sa Pasko ng Pagsilang ng Panginoon. 

Sa panahon ngayon, nakakalungkot, binabalewala natin ang panahon ng Adbiyento. Nagmamadali tayo na maging Pasko agad. Hindi na tayo makakapaghintay. Ang panahon ng Adbiyento ay isa sa mga panahong binalewala ng lipunan ngayon. Hindi na pinapansin ng tao ngayon ang kahalagahan at kabuluhan ng panahon ng Adbiyento. Minamadali na natin ngayon ang pagdiriwang ng Kapaskuhan. Hindi na tayo marunong maghintay. Isa sa mga ayaw gawin ng tao ngayon ay ang paghihintay. Nakakalungkot lamang ito. 

Bilang mga Kristiyano, gamitin nawa natin ang panahong ito upang ipaghanda natin ang ating mga sarili para sa Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Hesukristo. Ang panahon ng Adbiyento ay isang panahon ng makabuluhang paghahanda. Nawa'y gamitin ng bawat isa sa atin ang panahon ng Adbiyento upang ipaghanda natin ang ating sarili nang buong pananabik para sa Pasko ng Pagsilang ni Hesus. 

Nawa'y turuan din tayo ng panahong ito na hindi lahat ay dumarating agad. Kinakailangan nating maghintay. Tinuturuan tayo ng panahon ng Adbiyento na maging mapagpasensya at maghintay, sa kabila ng ating pananabik. Sa ating paghihintay, nawa'y buong pananabik tayong maghanda para sa Pasko ng Pagsilang ni Kristo. Nawa'y maging makabuluhan ang ating pisikal at espirituwal na paghahanda ngayong Adbiyento para sa Pasko ng Pagsilang ng Panginoon. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento